BHB, umaani ng tagumpay sa Samar
Labing-anim na sundalo ang namatay at di bababa sa siyam ang nasugatan sa serye ng mga labanan sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Samar mula Hunyo hanggang unang linggo ng Agosto. Bukod sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba, matagumpay ding nakadepensa ang BHB laban sa matitinding operasyong militar sa panahong ito.
Susi sa mga tagumpay na ito ang malawak at mahigpit na suporta ng masa sa hukbong bayan, ayon kay Jose Sumuroy, tagapagsalita ng Efren Martires Command ng BHB-Eastern Visayas. Aniya, kadalasa�y ang mga magsasaka mismo ang nag-aalerto sa kanilang hukbo kapag may mamataan silang kaaway.
Noong Agosto 2, tatlong sundalo ang napatay at lima ang nasugatan matapos lusubin ng 80 tropa ang kinakampuhan ng BHB sa hangganan ng Catarman, Northern Samar at Calbayog City, Western Samar. Pinakahuli lamang ito sa sunud-sunod na pagkatalo ng AFP sa kamay ng BHB. Bago ito, dalawang sundalo rin ang napatay sa labanan noong Hulyo 11 sa Barangay Cagdao, Silvino Lobos, Northern Samar.
Noong Hulyo 6, tinambangan ng BHB ang isang yunit ng 20th IB sa Barangay Makatingog, Calbayog City, Western Samar. Dalawang sundalo ang napatay at nasugatan ang di mabilang na tropa.
Dalawang araw bago ito, tinambangan ng magkasanib na pwersa ng 14th IB at 63rd IB ang isang iskwad ng BHB sa Dolores, Eastern Samar. Naagaw ng BHB ang inisyatiba at napatay nito ang commanding officer ng 14th IB.
Ang pangingibabaw ng BHB sa labanan sa Dolores ay karugtong ng pananaig din ng mga Pulang mandirigma sa tatlong sunud-sunod na labanan sa pagitan ng AFP at BHB sa Eastern Samar noong Hunyo na ikinamatay ng pitong sundalo at ikinasugat ng tatlo.
Hunyo 16, nilusob ng 14th IB, kasama ang 63rd IB ang isang yunit ng BHB na noo�y nakahimpil sa isang baryo ng Maslog. Sa halip na mapinsalaan ang BHB, nalagas ang limang sundalo habang dalawa ang nasugatan. Bago ito, nilusob na ng 14th IB at Scout Rangers noong Hunyo 12 ang isang pinaliit na platun ng BHB sa parehong bayan. Subalit ang militar ang nagtamo ng isang patay at isang sugatan sa labanang sila ang nagtakda.
Ang dalawang pag-atake sa Maslog ay ganting-salakay sana ng 14th IB sa ambus ng BHB noong Hunyo 4 sa Barangay Amantacop, Borongan kung saan dalawang sundalo ang napatay at isa ang nasugatan.
|