Aksyong pagpaparusa sa mga kumpanya at negosyo, inilunsad ng BHB
Pitong kumpanya at negosyo ang pinarusahan ng mga Pulang mandirigma ng BHB dahil sa di pagtalima sa mga patakaran sa pagbubuwis ng demokratikong gubyernong bayan. Ang mga pagpaparusa ay inilunsad sa pamamagitan ng magkakahiwalay na reyd sa Occidental Mindoro, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Tarlac, Bohol at Cotabato nitong Marso at Abril.
Cotabato. Sinunog ng BHB ang isang bus ng Yellow Bus Company sa Palian, Tupi, South Cotobato nitong Abril 27 nang madaling-araw bilang parusa sa di pagbayad ng kumpanya ng rebolusyonaryong buwis.
Tarlac. Ginawaran ng parusa ng mga Pulang mandirigma ang Bondoc Poultry Farm na pag-aari ni Cecilio Bondoc sa Barangay Sta. Ines, Sta. Ignacia nitong Abril 10, alas-8 ng gabi. Sinunog ang poultry farm, isang generator, isang XLT van, isang delivery truck, at dalawa pang sasakyan ng naturang kumpanya. Umaabot sa P2.5 milyon ang pinsalang tinamo ng manukan.
Si Bondoc ay napatunayang nagsuplong sa militar hinggil sa kilos ng BHB noong 1997 nang nakatakda siyang kausapin hinggil sa rebolusyonaryong buwis. Paglaon, nagpatayo rin si Bondoc ng detatsment ng 69th IB sa Sta. Ines na hindi kalayuan sa pag-aari niyang poultry farm.
Occidental Mindoro. Pinarusahan ng BHB nitong Marso 1 ang Jopel Construction Company sa Sityo Siruban, Barangay Batong Buhay, Sablayan. Bandang alas-8 ng gabi nang sunugin ng mga mandirigma ng Lucio de Guzman Command ang crane at mga gulong na pag-aari ng kumpanya at kumpiskahin ang dalawang gamit pangkomunikasyon nito. Isinagawa ang pagpaparusa matapos balewalain ng kumpanya ang mga nauna nang abiso at babala ng BHB kaugnay ng pagsuway nito sa mga patakaran ng rebolusyunaryong kilusan, kabilang na ang di pagbabayad ng buwis. Bohol. Sinunog ng mga Pulang mandirigma ang mga kagamitang pang-quarry, kabilang ang tatlong backhoe, dalawang payloader at isang dump truck ng negosyanteng si Jose Jumamoy Jr. nitong Abril 9 sa Sityo Kauslan, Barangay Kawayan, Inabanga. Tinatayang aabot sa P4.5 milyon ang halaga ng mga kagamitang nabanggit. Pinarusahan si Jumamoy, dating mayor ng Inabanga at asawa ng kasalukuyang mayor na si Josephine Jumamoy, dahil sa di pagbabayad ng rebolusyonaryong buwis, pamiminsala sa kalikasan, pagpapatakbo ng iligal na sugalan at pagbebenta ng iligal na droga at mga baril.
Nueva Vizcaya. Nireyd ng BHB nitong Abril 9 ang motorpool ng isang dayuhang kontraktor ng Casecnan Multipurpose Irrigation at proyekto sa kuryente sa bayan ng Alfonso Casta�eda. Dinisarmahan ng mga Pulang mandirigma ang mga gwardya ng proyekto. Mariing tinututulan ng mamamayan ang nasabing proyekto dahil sa negatibong epekto nito sa kalikasan at sa kanilang pamumuhay.
Nueva Ecija. Nitong Marso 11, ganap na ika-8 ng gabi, pinarusahan ng BHB ang G and L Associated Brokerage sa Barangay Cambitala, Pantabangan. Sinunog ang isang 10-wheeler na trak ng kumpanya. Aabot sa P1 milyon ang halaga ng napinsala. Ang G and L Associated Brokerage ay pag-aari ni Gerry Trinidad.
Noon namang Marso 4, sa Sityo Kakapalan, Barangay Salvacion North, Lupao, mabilis na sinalakay ng BHB ang compound ng MIESCOR (Meralco Industrial Engineering Services Corp.). Sinunog ang isang backhoe na umaabot sa P3 milyon ang halaga. "
|