Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Pagsangkalan sa gerang agresyon ng US:
Tumitinding reaksyon sa Pilipinas at ibayong dagat

 Read this article in English

Nilulubos ngayon ng imperyalismong US at mga kaalyado nito ang idineklara nitong "gera laban sa terorismo" para pangibabawin ang reaksyon sa daigdig at pag-ibayuhin ang agresyon para sa pandaigdigang hegemonya nito.

Sa Western Europe, nag-iibayo ang mga panunupil at diskriminasyon laban sa mga Arabo, Muslim at maging sa iba pang mga dayuhan at migrante mula sa mga bansa sa Ikatlong Daigdig. Sa ngalan ng paghihigpit sa seguridad, naglulunsad ng mga operasyong pagmamanman, pag-aaresto at iba pang anyo ng panggigipit sa mamamayan. Isa sa pinakabulnerable sa gayong mga atake ang mga migranteng Pilipino, dahil sila ang kadalasang may pinakamalaking bilang sa mga migrante sa iba't ibang dako ng mundo. Ang mga migranteng Pilipinong kabilang sa mga anti-imperyalista at progresibong pwersa ang pangunahing pinag-iinitan sa bulag na paghahanap ng mga "terorista" na ginagawa ng mga pulis sa mga kanluraning bansa.

Sa Pilipinas, isinasangkalan na rin ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang gerang agresyon ng US upang magsagawa ng ibayong paghihigpit laban sa mamamayan at maglunsad ng mas matitinding atake laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Diskriminasyon laban sa mga Pilipino, kinundena

Mariing kinundena ng Migrante-Europe ang iligal na pag-aresto na ginawa ng mga pulis ng Belgium sa 30 migranteng Pilipino noong Setyembre 20. Madaling araw na nireyd at hinalughog ang mga tahanan nila, hinalungkat ang mga personal na papeles at kasangkapan, kinumpiska ang kanilang mga cellphone, address book at telephone directory, halos kalahating araw na pinagkukulong sa hiwa-hiwalay na kwarto, ginutom at pinag-iinteroga. Hindi na isinaalang-alang na may kasa-kasamang maliliit na anak ang mga hinaras nila. Ang mga myembro ng Ugnayan ng mga Pilipino sa Belgium at ng Cordillera-Belgium Association ang pangunahing kinonsentrahan sa pag-iinteroga. Parehong myembrong organisasyon ang mga ito ng Migrante-Europe, isang alyansa ng mga demokratikong organisasyong masa ng mga migrante sa Europe. Bukod sa mga Pilipino, maraming hinaras din ang mga pulis ng Belgium na mga migrante mula sa iba't ibang bansa (Pakistani, Albanian, Algerian, Pole, Espanyol, Portuguese) at maging mga progresibong Belgian.

Sa harap ng pag-aalipustang ito, walang ginawa ang rehimeng Macapagal-Arroyo para alagaan ang kapakanan ng mga migranteng Pilipino. Masahol pa, agad na inabswelto ng mga upisyal ng Pilipinas ang rasismo ng Belgium sa pagdadahilang "routine" ang pang-aaresto at "agad namang pinakawalan ang mga iligal na dinampot". Dagdag dito, naglabas pa ng "panawagan" ang Department of Foreign Affairs na "mag-ingat ang mga Pilipino" at "iwasang mapansin" ng mga awtoridad ng mga bansang kumukupkop sa kanila. Nagpanukala ang Migrante-International at ang mga kinatawan ng Bayan Muna sa Kongreso na maghapag ng protestang diplomatiko sa pangyayari.

Ang ibayong paghihigpit ng gubyerno sa Belgium, laluna sa mga anti-imperyalista at progresibong pwersa at sa mga migrante ay dulot ng paghihimpil dito ng North Atlantic Treaty Organization (NATO), ang alyansang militar ng US at mga imperyalistang bayan sa Europe. Lubusang sumusuporta ang NATO sa "gera laban sa terorismo" ng US.

Masugid na pagsuporta ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa imperyalismo

Sa ngalan ng "kampanyang anti-terorismo", agaran ding nagpatupad ang rehimeng Macapagal-Arroyo ng mas masahol na mga antinasyunal at anti-demokratikong hakbanging ipinaggigiitan ng mga imperyalista at pasistang nasa likod nito. Ipinaloob ito ngayon sa "14-haligi na patakaran" ng rehimen.

Hindi pa man hinihingi ng US, ibinibigay na ni Macapagal-Arroyo ang lubusang suporta at pahintulot sa lahat ng gustong gawin ng US. Labag sa sariling saligang batas ng gubyerno, binigyan na niya ng blanket authority (lubusang karapatan) ang mga eroplano, barko at mga tropang militar ng US na gamitin ang Subic, Clark Field (Diosdado Macapagal Airport) at Mactan Airport (Benito Ebuen Air Base) at ang kabuuan ng himpapawid sa bansa, nang wala nang kinakailangang pagpirma sa tratado o access agreement. Kaagad namang inikot at ininspeksyon ng kumander ng Pacific Fleet ng US ang mga pasilidad na ito at inilarawan niya ang mga plano ng US sa paggamit ng mga ito para sa kanilang gera. Walang kakurap-kurap na pinayuyurakan ng rehimen ang soberanya ng bansa at ibinabasura ang mga tagumpay ng makasaysayang paglaban ng mamamayang Pilipino sa mga base militar.

Sa kabila ng hirap na kalagayan ng ekonomya ng bansa, nag-alok din ang rehimen ng tulong sa anyo ng pagpapadala ng pagkain, gamot, mga manggagamot at iba pa. Inialok din ni Macapagal-Arroyo ang pagpapadala ng mga sundalo para lumahok sa gerang agresyon ng US sa ibang bansa.

Nagbubukas din siya sa tuwirang interbensyon ng US sa bansa, hindi na lamang laban sa mga lokal na terorista, kundi at laluna laban sa mga rebolusyonaryong pwersa.

Kaagad rin niyang sinegunduhan ang mungkahing ipatupad ang National ID System, isang panukalang makailang ulit nang ibinasura ng mamamayan at kahit ng Korte Suprema noong 1998. Bumuo ang Malakanyang ng grupong mag-aaral sa mekanismo para sa pagpapatupad ng "One-ID system" (sistemang isang-ID), ang bagong taguri ng rehimen sa National ID System. Ang gayong sistema, na lagi't laging iginigiit ng mga militarista, ay susupil sa mga kalayaang sibil at demokratikong karapatan ng mamamayan. Pangunahin nitong layunin na labanan ang lumalakas na rebolusyonaryong kilusan. Matindi itong tinuligsa ng mga demokratikong organisasyon, kabilang na ang Kilusang Mayo Uno, Bagong Alyansang Makabayan at Bayan Muna.

Sinasamantala rin ngayon ng rehimen ang isterya ng gera para isaisantabi ang usapang pangkapayapaan nito sa NDFP at mabigyang-katwiran ang balak nitong pag-ibayuhin ang paglulunsad ng mga atake sa mga rebolusyonaryong pwersa. Sa kabila ng huling pagkakaisang itutuloy na ang usapan sa Oktubre, bigla na lamang sinuspinde nang walang-taning ng GRP ang usapang pangkapayapaan at pinaghahandaan na nito ang ibayong pananalakay sa mga rebolusyonaryong pwersa.

Gera ng agresyon ng US at pagtindi ng reaksyon, binatikos ng mga demokratikong pwersa sa bansa

Umaani ng batikos mula sa iba't ibang progresibo at demokratikong pwersa sa bansa ang pagdedeklara ng US ng gera ng agresyon, ang astang-alipures na pagsuporta rito ng rehimeng Macapagal-Arroyo at ang pagsasamantala ng reaksyon para pag-ibayuhin ang kontra-rebolusyon at panunupil sa mga progresibo at lumalabang mamamayan.

Maging sa paggunita ng ika-29 anibersaryo ng batas militar, ang pagkundena sa "kontra-teroristang gera" ng US ay mahigpit na iniugnay sa patuloy na pagsaklot ng militarismo at terorismo at sa papatinding mga paglabag sa karapatang-tao sa bansa.

Binuo rin nitong Setyembre 24 ang isang koalisyon laban sa gera ng agresyon ng US. Ang "Justice Not War Coalition" (Koalisyon para sa Katarungan, Hindi Gera) ay kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa Moro Christian People's Alliance (MCPA), Promotion of Church Peoples Response (PCPR), Migrante-International, Gabriela, BAYAN, KMU at Anakbayan. Kabilang sa mga namumuno rito si Danilo Vizmanos, dating kapitan ng Philippine Navy at naging tagapayo sa mga usaping militar ng Nuclear Free Philippines at convenor ng Junk VFA Movement. Kasabay ng paggigiit ng koalisyon ng katarungan para sa lahat ng biktima ng mga teroristang pag-atake sa US, iginigiit din nito ang katarungan para sa mga biktima ng mahabang kasaysayan ng terorismo ng US mula sa mga mapanghimasok na digmaang henosidyo rito sa Pilipinas hanggang sa nagpapatuloy na mga pambobomba sa Iraq.

Kailangang puspusang labanan ng lahat ng demokratikong pwersa ang mapaniil na mga pakana ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa ngalan ng "gera laban sa terorismo". Bahagi ito ng umuusbong na malawak na pandaigdigang prente laban sa panghihimasok, terorismo at agresyon ng US.

 


Previous articleBack to topNext article

Setyembre 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Kundenahin at labanan ang teroristang gerang pananalakay ng imperyalismong US

Mga teroristang krimen ng US at mga pasistang papet nito
Bulnerabilidad ng imperialistang ekonomya, tumambad sa pag-atake sa US
Estratehikong imperyalistang interes sa Afghanistan
Pagsangkalan sa gerang agresyon ng US:
Tumitinding reaksyon sa Pilipinas at ibayong dagat
Mga Ulat Koresponsal:
Kumperensya sa gawing Iloko: Mahalagang breyktru sa pagkakaisa sa pagsusulat at pagsasalin sa Iloko

Mga Ulat Koresponsal:
Masigla, mabilisan at epektibong pagkilos ng masa sa sonang gerilya

Mga Ulat Koresponsal:
Ang pagkilos ng Force Recon Battalion ng Philippine Marines

RHB: kriminal at kontra-rebolusyonaryo
CPLA isinanib na sa AFP
Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.