US: Banta sa seguridad at kasarinlan ng mga bansa
Aroganteng ipinangangalandakan ng bagong dokumentong National Security Strategy (NSS) ng US ang katayuan nito bilang nag-iisang superpower sa kasalukuyan. Inilabas ang naturang dokumento noong Setyembre 20 bilang bahagi ng kampanya ng pang-uupat ni Bush ng gera laban sa Iraq.
Sa NSS, tahasang nagbabanta ang US na lubusang gagamitin ang taglay na pandigmang superyoridad upang hadlangan ang pagsisikap ng alinmang bansa na tapatan ang kapangyarihan nito.
Isinasangkalan ng US ang atake noong Setyembre 11, 2001 upang palabasing pagtatanggol-sa-sarili ang mga armadong agresyong nais nitong ilunsad.
Habang buong yabang na nananawagang biguin ang paglikha ng ibang bansa ng weapons of mass destruction, tuwiran naman nitong sinasabing magmamantine ang US ng sapat na pwersa at arsenal upang tiyakin umano ang kapayapaan. Hindi umano ito mag-aatubiling unahan ng atake ang alinmang bansang itu-turing nitong terorista "bago pa man makarating ang banta" sa US.
Tahasan na ring binabalewala ng US ang papel ng ibang bansa sa pagpapasya kaugnay ng mga inter-nasyunal na alitan. Hindi umano ito magdadalawang-isip na umaksyon nang solo "kung kinakailangan".
Binubuod ng NSS ang doktrinang Bush na dili iba ang walang rendang paggamit ng pwersang militar upang patuloy na ipataw sa daigdig ang paghahari ng imperyalismong US.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|