Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Galamay ng US

 Read this article in English

Sa pamamagitan ng AGILE, tuwirang pinakikialaman ng US ang ekonomya ng Pilipinas

Tumambad kamakailan sa mata ng publiko ang mga kongkretong ebidensya ng malalim at malaganap na panghihimasok ng gubyernong US sa mga panloob na usaping pangkabuhayan ng Pilipinas.

Nabunyag nitong Pebrero na nagmamantine ang US ng mga tauhan at upisina sa mahahalagang kagawaran at ahensyang pang-ekonomya ng gubyerno sa pamamagitan ng AGILE (o Accelerating Growth, Investment and Liberalization with Equity). Ang AGILE ang nagtitiyak para sa US na napagtitibay hanggang sa pinakapinong detalye ang mga kinakailangang batas at programang pang-ekonomya ng Pilipinas alinsunod sa patakaran ng imperyalistang �globalisasyon�.

Ang AGILE ay isang programang pormal na binuo noong 1998 na may layuning ipatupad ang mga batas at patakarang iginigiit ng US para sa todo-todong liberalisasyon ng ekonomya ng Pilipinas. Itinatag ito ng Development Alternatives, Inc. (DAI), isang kumpanyang Amerikanong malaon nang may mahigpit na kaugnayan sa gubyernong US at espesyalisado sa pagtutulak sa iba't ibang bansa ng mga "repormang panggubyerno" na pabor sa US. Para ipatupad ang proyektong AGILE sa Pilipinas, tumanggap ang DAI ng $41.2 milyon mula sa US Agency for International Development. Si US Ambassador Francis Ricciardone ang nagsisilbing lokal na tagakoordina ng mga proyekto ng DAI sa Pilipinas. Kasabwat din ng AGILE ang mga ahensyang kapwa galamay ng imperyalismong US, tulad ng Asia Foundation, Center for Research and Communications at ang Foundation for Economic Freedom. Pawang pinopondohan din ang mga ito ng US at kilalang mga prente at pugad ng mga ahente ng US Central Intelligence Agency (CIA) sa Pilipinas.

Ang AGILE ay may mga upisina sa loob ng mahahalagang ehekutibong departamento at ahensya ng gubyerno, kabilang ang Bangko Sentral ng Pilipinas.

Ang mga nakatanim nitong 99 na tauhan sa naturang mga upisina ang nagsisilbing utak ng mga panukala, batas at patakarang itinutulak ng naturang mga departamento at ahensya. Ang mga ito ay may mahalagang kinalaman sa takbo ng ekonomya ng bansa, lalo na kaugnay sa liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan. Mayroon ding mga tauhan ang AGILE na nakatutok sa Kongreso at Senado upang tiyaking mapagtitibay ang mga panukalang batas sa Pilipinas na gustong itulak ng US. Nagbibigay at nag-aayos ang AGILE na malalaking �tulong pampinansya� sa mga programa at proyekto ng mga �hinihimok� nitong mga upisyal ng gubyerno.

Sa gabay ng AGILE, naisabatas at ipinatupad ang pinakamahahalagang hakbangin ng reaksyunaryong estado sa nagdaang dalawa hanggang tatlong taon. Kabilang dito ang sumusunod: General Banking Act of 2000, Electric Power Industry Reform Act, Retail Trade Liberalization Act, Securities Regulations Code, Electronic Commerce Law, Customs Valuation Law, Judicial Reform Project, Special Purpose Assets Vehicle, Air Transport Agreement at iba pa. Ang mga ito ay pawang nag-iibayo ng liberalisasyon ng ekonomya.

Puspusan din ang pagtutulak ng AGILE sa pribatisasyon ng mga ahensya ng gubyerno. Ito ang nasa likod ng pagbubuwag ng National Food Authority at pag-aalis ng mga taripa sa mga produktong agrikultural alinsunod sa mga probisyon ng GATT at WTO. Ito rin ang pangunahing promotor ng pagbubuwag ng Bureau of Internal Revenue para mapalitan ng National Authority for Revenue Administration.

Sangkot din ang AGILE sa pagsusulat at pagtutulak sa Kongreso ng Anti-Money Laundering Act (AMLA). Ang pagpapatupad ng AMLA ay puspusang iginigiit ng US para diumano ipitin ang pondo ng mga �terorista�. Nais nitong bigyan ng malawakang awtoridad ang gubyerno na usisain ang alinmang bank account na itinuturing nitong kahina-hinala. Labag ito sa dati nang umiiral na mga patakaran sa pagiging pribado ng mga transaksyon sa bangko.

Hindi na kagulat-gulat ang nabunyag na direktang panghihimasok ng imperyalismong US sa pamamagitan ng AGILE. Hindi rin kagulat-gulat na bulag itong ipinagtatanggol ng papet na gubyerno. Upang isalba ang sarili at iwasan ang dagdag na pagkamuhi ng mamamayan, pilit na ipinalalabas ng Malakanyang na nagbibigay lamang ng �payo� at pag-aaral ang AGILE.

Sa harap ng pagkakabulgar ng mga tuwirang dikta at pakikialam ng US sa mga patakaran at batas ng Pilipinas, ipinagpipilitan pa ng Malakanyang at Kongreso na �hindi ang AGILE kundi ang gubyerno lamang� ang nagdedesisyon sa pagbubuo ng mga batas. Dahil dito, lalo lamang tumitingkad ang pagkapapet ng reaksyunaryong estado.

Kinukumpirma ng lahat ng mga ito ang matagal nang sinasabi ng Partido at rebolusyonaryong kilusan na lubus-lubusan ang paghaharing neokolonyal ng US sa Pilipinas at ang gubyerno nito ay isa lamang papet na gubyernong nasa kontrol ng imperyalismong US. Sa harap ng pagtampok din ngayon ng pakikialam ng US sa mga panloob na usaping militar at pampulitika sa bansa, ang napapanahong pagkakabunyag ng mga ginagawa ng AGILE ay nagpapakita kung gaano kakumprehensibo at walang patawad ang pakikialam ng US sa lahat ng aspeto ng buhay-panlipunan sa Pilipinas.

Pinatutunayan ng mga ito ang kawastuan at mahigpit na pangangailangan na isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka para makalaya mula sa saklot ng imperyalismong US.

Ilan sa mga ahensyang pinatatakbo ng AGILE

  • Bangko Sentral ng Pilipinas
  • Department of Finance
  • Department of Budget and Management
  • Department of Trade and Industry
  • Securities and Exchange Commission
  • Bureau of Internal Revenue
  • Bureau of Customs
  • Philippine Stock Exchange
  • National Telecommunications Commission
  • National Economic Development Authority
  • Department of Transportation and Communications
  • Department of Agriculture.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Marso 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Agresyong US, BIGUIN

Mula sa Komite Sentral
AB, dalawang beses bawat buwan

Usapang pangkapayapaan, ibinasura na ng GRP
Gerilyang digma laban sa AFP, inilunsad ng MILF
Ilang tampok na tagumpay sa paglalahathala ng AB
Lumalaking sagka
Pandaigdigang pagtutol sa gera
100,000, nagrali sa Luneta
Galamay ng US
Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Sunud-sunod na mga opensiba, inilunsad ngayong Pebrero

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.