Vigilantismo sa Davao, dadalhin sa pambansang antas
�Wow, galing!� ang buong paghanga ni Gloria Macapagal-Arroyo kay Rodrigo Duterte, maton at kasalukuyang meyor ng Davao City, nang ipagmalaki niya ang pagsalbeyds sa mga suspetsadong kriminal at igiit na iyon ang wastong paraan upang makamit ang kaayusan at kapayapaan.
Itinalaga ni Macapagal-Arroyo si Duterte noong Hulyo 9 bilang tagapayo sa kampanya laban sa krimen. Tanda ito ng pagsuporta ni Macapagal-Arroyo sa paraan ni Duterte ng pagpapasalbeyds ng mga pinagsususpetsahang kriminal sa Davao City sa pamamagitan ng mga iligal na death squad. Walang kahihiyang itinataguyod ni Macapagal-Arroyo ang duguang rekord ni Duterte ng pagsagasa sa mga karampatang proseso at pagyurak sa mga karapatang-tao.
Nais ni Macapagal-Arroyo na umastang isang matapang at matatag na lider sa kampanya sa pagsugpo ng kriminalidad sa bansa. Subalit anumang pagaasta, hindi niya mapagtatakpan ang katotohanang ang mga utak ng pinakamalalaking sindikato ng krimen ay mismong matataas na upisyal ng militar, pulisya at burukrasyang sibil.
Hindi na rin bago, kung tutuusin, ang pag-aastang ito. Sa ilalim ng kasalukuyang rehimen, ibayong lumala ang mga paglabag sa karapatang-tao, kabilang ang pagdami ng mga sinasalbeyds (tingnan ang kaugnay na balita). Tinatarget nito, sa pangunahin, ang mga lider at myembro ng Bayan Muna, mga aktibista at mga ordinaryong mamamayang pinaghihinalaang tagasuporta ng rebolusyonaryong kilusan. Ang karapatan ng mga Pulang mandirigmang nabihag o wala nang kakayahang lumaban ay lansakan ding niyuyurakan.
Sa tahasang pagkiling ni Macapagal-Arroyo sa pananalbeyds, at sa diumanong pagbibigay-prayoridad ng rehimen na mabigyang-pwersa at patunayan ang bagong islogan niyang �malakas at matatag na republika�, tiyak na lalo pang dadami ang bilang ng lansakang paglabag sa karapatang-tao at ang pagtindi ng militarisasyon sa buong kapuluan.
|