Tumitinding pasismo sa Metro Manila
Upang hadlangan ang mabilis na pagsulong at paglawak ng mga protesta at pakikibaka sa Metro Manila, ibayong pinahihigpit ang pasistang panunupil sa balwarteng ito ng reaksyunaryong kapangyarihan. Target nito di lamang ang rebolusyonaryong kilusan at mga ligal na demokratikong pwersa sa kalunsuran kundi pati mga karibal ni Estrada sa pulitika. Dahil sa tindi ng krisis sa paghahari ng rehimen, lantaran na nitong ginagamit ang mga instrumento ng teroristang paghahari upang sindakin at supilin ang mamamayan.
![](../../angbayan/images/0007/pasismo.gif)
Pagpapalaki at pagsisinsin ng pasistang makinarya. Ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pangunahing makinarya para sa pasistang panunupil sa rehiyon. Sa ilalim nito ay may limang police district office na sumasaklaw sa kanluran, gitna, hilaga, timog at silangang bahagi ng Metro Manila.
Masinsin ang makinarya ng pulisya sa bawat antas mula munisipalidad at lunsod hanggang barangay. Di rin bababa sa 172 ang dami ng detatsment na minamantine ng NCRPO sa 17 syudad at bayan ng Metro Manila. Nagmamantine sa malalaking interseksyon ng mga contingent ng Special Weapons and Tactics Team, mobile unit at tropang Marines na kumpleto sa kasuotan at gamit pandigma at armado ng mga M16 at iba pang sandata.
Sa Metro Manila rin nakabase ang mga espesyal na pwersang pulis tulad ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force ni Gen. Panfilo Lacson.
Gamit ang karatulang antidroga, antikrimen at anti-terorismo, sinisindak ang masa sa Metro Manila sa pamamagitan ng pagmamantine ng "high visibility" ng pulisya at pwersang militar at pagtatayo ng mga tsekpoynt sa mga susing lugar-publiko tulad ng malalaking commercial center at shopping mall at mga mayor na interseksyon at kalsada.
Anti-komunistang kampanyang propaganda. Aktibo at nangunguna ang Philippine National Police (PNP) sa paninira sa rebolusyonaryong kilusan, sa Partido at sa Bagong Hukbong Bayan. Matingkad na halimbawa ang pagkakalat ng intriga na BHB (bukod sa Moro Islamic Liberation Front) umano ang pasimuno sa pagtatanim at pagpapasabog ng mga bomba sa matataong lugar sa Kamaynilaan.
Samantala, tinatatakan namang komunista at tinatakot ang masa sa mga ligal na organisasyon at pwersang pambansa- demokratiko sa rehiyon. Sa pabrika ng Pepsi, halimbawa, ilang serye na ng anti-komunistang seminar ang idinaos upang hatiin ang masa sa pagsusulong ng kanilang pakikibaka. Ang tunay na unyon dito'y pinagbibintangang may kuneksyon sa Partido.
![](../../angbayan/images/0007/pnp.gif)
Pagbubuo ng lambat paniktik. Kadalasan, ang mga nalilinlang ng anti-komunistang propaganda mula sa mga samahang masa sa mga pabrika, komunidad at eskwelahan ay nirerekluta sa makinaryang magmamanman sa mga pwersang demokratiko at rebolusyonaryo, gayundin sa tuwirang makinaryang paniktik ng PNP at Armed Forces of the Philippines.
Sa Food Terminal Inc. sa Taguig, simula pa noong 1998 ay nagdaraos na ang AFP ng serye ng kurso para sa pagbubuo ng organisasyon ng mga reserba nila. Bahagi ng seminar ang pagsasanay sa gawaing paniktik laban sa rebolusyonaryong kilusan.
Sa Pamantasan ng Makati, mismong ang kumandante ng Reserve Officers' Training Corps ay tuwirang nagrerekluta ng impormer mula sa mga estudyante. Ang narereklutang impormer ay binibigyan ng tungkuling subaybayan ang programa at aktibidad ng konseho ng mga estudyante, mga lider at pinaghihinalaang pwersa ng kilusang lihim.
Pananalakay at pagsupil sa mga ligal na demokratikong pwersa. Kamay na bakal at papatinding lantarang panunupil ang tugon ng rehimeng US-Estrada sa mga pakikibaka ng masang anakpawis at iba pang mamamayan. Tampok ang marahas na pambubuwag sa mga welga ng manggagawa, demolisyon sa komunidad ng maralita, pambubuwag sa mga piket, martsa, rali, demonstrasyon at iba pang aksyong protesta ng masa at mamamayan at pang-aaresto, pananakit at pagkulong sa mga welgista, demonstrador, aktibista at mga organisador ng kilusan. Sa harap ng gayong mga pananalakay at pagsupil, ibayong sumisigla ang paglaban ng mamamayan sa mga komunidad ng maralita, pabrika at eskwelahan. Kumakapal ang hanay ng mamamayang tumatahak sa rebolusyonaryong landas. |
Nitong Hulyo 24, umabot sa 15,000 pulis ang itinalaga para supilin at buwagin ang mga aksyong masa laban sa State of the Nation Address ni Estrada. Sa marahas na pagsalakay ng pulisya, 119 ang nasugatan, 35 ang inaresto at isa ang nawawala.
Umabot din sa 1,000 pulis ang itinalaga at makailang ulit na sumalakay sa piketlayn ng nagwewelgang mga manggagawa ng Light Rail Transit nitong huling linggo ng Hulyo.
Kasabwat ng rehimen ang mga oportunistang taksil sa pananabotahe sa mga pakikibaka ng uring manggagawa. Sa Triumph International, nanawagan ang mga upisyal ng unyon na kaanib ng Kilusan para sa Pambansang Demokrasya ni Frank Pascual na tapusin ang welga at tumalima sa "return to work order" na inilabas ng Department of Labor and Employment. Apat na ulit na sinalakay ng may 150 pulis, goons, bumbero at security guard ang piketlayn na patuloy na ipinagtanggol ng masang manggagawa at mga tunay na lider ng unyon.
Pagbuwag sa mga pinaghihinalaang rebolusyonaryong base. Partikular na pinag-iinitan at pinupuruhan ang mga komunidad at pabrikang pinaghihinalaang baseng masa ng rebolusyonaryong kilusan. Ginigipit at sinasalakay ang tinatayang mga base ng rebolusyonaryong kilusan sa Metro Manila sa pamamagitan ng demolisyon, pagdurog sa mga welga, panghuhuli sa mga lider at pwersa upang takutin ang pwersa at masa at pigilan ang bwelo ng kilusang masa.
Sa mga maralitang komunidad sa paligid ng Victoria Homes sa Muntinlupa, halimbawa, makailang ulit na winasak noong Abril ang mga bahayan gamit ang mga pwersa ng PNP, mga gwardya at preso ng National Bilibid Prisons na armado ng maso, bareta de kabra at buldoser. Pagkatapos ng demolisyon, nilapa ang mga ari-arian ng mga maralita. May mga gayon ding pangyayari sa Pasig, Malabon, Caloocan at Makati.
Sa harap ng gayong mga pananalakay at pagsupil, ibayong sumisigla ang paglaban ng mamamayan sa mga komunidad ng maralita, pabrika at eskwelahan. Kumakapal ang hanay ng mamamayang tumatahak sa rebolusyonaryong landas. Lalong humihina ang kapit sa poder ng rehimeng US-Estrada at nayayanig ang reaksyunaryong estado sa mismong balwarte ng kapangyarihan nito.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|