Usapang pangkapayapaan, isinara ng rehimen
Higit na ipinakikita ni Gloria Macapagal-Arroyo ang kanyang militaristang katangian. Sa desisyong iniutos ng amo niyang imperyalista, epektibong isinara na ni Macapagal-Arroyo ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at ng National Democratic Front of the Philipines (NDFP).
Sa desisyon ng Pambansang Komiteng Tagapagpaganap ng NDFP noong Abril 12, batay sa rekomendasyon ng NDFP Negotiating Panel at ng Chief Political Consultant, kinundena nito ang sumusunod na mga ginawa ni Macapagal-Arroyo:
- Pag-abandona sa balangkas ng negosasyong inilatag ng The Hague Joint Declaration, Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees at Joint Agreement on the Formation, Sequence and Operationalization of the Reciprocal Working Committees;
- Pagpawalambisa sa mga mayor na kasunduang pormal na pinirmahan at inaprubahan ng mga pinuno ng NDFP at GRP mula 1992 hanggang 2001, pati na rin ang mga kasunduang pormal na pinirmahan at inaprubahan ng mga negotiating panel ng NDFP at GRP sa parehong panahon; at
- Pagsasara sa pormal na negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Ipinalit dito ang tinaguriang back channel talks ng mga emisaryo ng GRP at NDFP. Ang pananatili sa ganitong paraan na lamang ng usapan ay nagpapalagay ng pagsuko ng NDFP at pagbaklas sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Batay ito sa maling paniniwala ng GRP na ang NDFP ay takot sa mersenaryong militar, pulisya at pwersang paramilitar ng papet na rehimeng Macapagal-Arroyo at sa panghihimasok ng pwersang militar ng US.
Kung tutuusin, sa umpisa pa lamang ng panunungkulan ni Macapagal-Arroyo ay hindi na ito nagpakita ng kaseryosohan sa usapang pangkapayapaan. Noong Mayo, arbitraryo at makaisang-panig na itinigil nito ang negosasyong pangkapayapaan. Ginamit na dahilan ang pagpataw ng rebolusyonaryong hustisya sa ilang sagad-sagarang kaaway ng mamamayan at rebolusyonaryong kilusan.
Ikinakatwiran ngayon ng rehimen ang lubusan nang pagkagwala ng interes nito sa usapang pangkapayapaan sa pagsasabing lipas na ang pakikipag-negosasyon sa mga armadong kilusan pagkatapos ng atake sa US noong Setyembre 11, 2001.
Sa ngayon, buong pagmamayabang na tinatakot ng rehimen ang rebolusyonaryong kilusan na magtutuluy-tuloy ang interbensyong militar ng US kung hindi susuko ang BHB. Nalilimutan ng rehimeng Macapagal-Arroyo na sa nakaraang 33 taon, bigo ang imperyalismong US at mga nagdaang papet na rehimen nito na sugpuin ang armadong pakikibaka at tuluyang lipulin ang mga rebolusyonaryong pwersa. Ngayon, higit kailanman ay mas matatag at determinado sa paglaban ang BHB.
Malinaw na pambabastos sa mga kasunduan sa pagitan ng NDFP at GRP ang ginawa ni Macapagal-Arroyo. Pagtanggi rin itong tukuyin at lutasin ang mga ugat ng armadong labanan sa pagitan ng reaksyunaryong gubyerno at ng mga rebolusyonaryong pwersa.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|