Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga tagumpay ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa China ng 1949-1976:
Sagot sa krisis pang-ekonomya: Rebolusyon at sosyalistang konstruksyon

 Read this article in English

(Unang bahagi)

Rebolusyon at sosyalistang konstruksyon ang solusyon sa walang-tigil na krisis sa isang malakolonyal at malapyudal na lipunan tulad ng Pilipinas. Ito ang ipinakita ng maningning na mga tagumpay ng mamamayang Tsino noong 1949-1976 nang itaguyod nila ang isang moderno at progresibong bansang China sa ilalim ng bandila ng sosyalismo.

Ang kasalukuyang lugmok na katayuan ng ekonomya ng Pilipinas at malawakang paghihikahos ng mamamayang Pilipino ay katulad ng katayuan ng malakolonyal at malapyudal na China at mamamayang Tsino bago nagtagumpay ang kanilang rebolusyonaryong pakikibaka noong 1949.

Katulad ng Pilipinas, ang China noon ay isang atrasado at naghihirap na bansa. Sinasamantala ito ng iba't ibang imperyalistang kapangyarihan at pinaghaharian ng malalaking burges kumprador, mga warlord at korap na burukratang kapitalista. Ang ekonomya ng China bago ang 1949 ay batbat ng krisis, malawakang disempleyo at kagutuman.

Nakaigpaw ang China noon sa kinalulugmukan nitong sistemang malakolonyal at malapyudal nang magtagumpay ang bagong-demokratikong rebolusyon na pinamunuan ng Partido Komunista ng Tsina noong 1949. Isinagawa nito ang sosyalistang konstruksyon hanggang 1976 na nagbunga ng walang-kapantay na mga pagsulong sa larangan ng agrikultura, industriya at pagtataas ng antas ng kabuhayan ng mamamayan.

Magbalik-tanaw tayo sa mga tagumpay ng rebolusyong Tsino at sulyapan ang mga pagbabago na makakamit ng sambayanang Pilipino sa pagbagtas sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan at sosyalistang rebolusyon at konstruksyon.

Sa agrikultura

Matapos ideklara ang pagtatayo ng demokratikong gubyernong bayan, kagyat na ipinatupad ang reporma sa lupa. Binaklas ang pyudal na sistema ng pagmamay-ari sa lupa. Bunga nito, malaking bahagi ng yamang likha ng masang magsasaka na dati ay kinakamkam ng mga panginoong maylupa ay pinakinabangan ng mga magsasaka.

Kaalinsabay nito, isinulong ang kolektibisasyon at ipinalaganap ang diwa ng sosyalismo sa kanayunan. Binuo ang mga kolektibo at mga komunang bayan. Iwinagayway ang bandila ng paglilingkod sa sambayanan.

Ang mataas na sosyalistang diwa ng masang magsasaka ay naging katambal ng pagsasakatuparan ng mekanisasyon ng agrikultura na kapwa nagdulot ng pagpapataas ng produksyon.

Gamit ang mga siyentipikong paraan at sa puspusang pagsisikap ng mamamayan, isinagawa ang malawakang irigasyon ng lupa, pagpapatag ng bundok at pagbawi ng lupa sa karagatan na nagresulta sa pagpapalawak ng lupang nakalaan sa produksyong agrikultural.

Pinalawak ang mekanisasyon ng agrikultura. Noong 1970-1974, ang suplay ng mga traktora, iba pang makinarya, mga patabang kemikal, plastic at kuryente mula sa industriya patungong agrikultura ay mahigit doble ng antas noong 1949-1969.

Lumawak ang produksyon ng mais, trigo, palay at iba pang butil mula 110 milyong tonelada noong 1949 tungong 246 milyong tonelada noong 1971. Sa pamamagitan ng puspusang pagsisikap ng masang magsasaka, napataas ang produktibidad ng lupa. Sa tampok na kaso ng Dazhai, isang tuyot na nayon sa mabundok na bahagi ng prubinsya ng Shanxi, umabot sa mahigit walong tonelada kada ektarya noong 1971 ang produktibidad ng lupa mula sa 700 kilo lamang kada ektarya noong 1945-49. (Ikumpara rito ang kasalukuyang mababa pa sa dalawang tonelada kada ektaryang ani sa Pilipinas kahit gamit ang mga tinatawag na "high-yielding varieties".)

Napangibabawan ng mamamayang Tsino ang mga natural na kalamidad, kabilang ang malawakang tagtuyot sa hilaga at malalaking baha sa timog noong 1972.

Sa industriya

Bago ang 1949, napakahina ng pundasyong industriyal ng Tsina. Sa kalakhan, katulad ito ng kasalukuyang sitwasyon ng industriya sa Pilipinas: mayroon lamang magagaang industriya na nakakonsentra sa iilang lugar, walang mabigat na industriya at pawang kontrolado ng mga dayuhan. Matapos ang 20 taong sosyalistang konstruksyon, naipundar ng mamamayang Tsino ang isang nagsasarili at kumpletong sistemang industriyal. Noong 1972, ang kabuuang produksyon ng bakal ay umabot ng 23 milyong tonelada, 14,500% mas malaki kaysa 158,000 toneladang produksyon noong 1949. Bukod rito, nakagawa ang China ng iba't ibang bagong produkto mula sa bakal kabilang ang mga high temperature resistance alloy, precision alloy at ultra-high-strength steel. Ginamit ang mga ito sa paglikha ng dambuhalang tulay na tumawid sa Yangtze River, malalaking barkong pandagat at mga eroplanong ultrasonic. (Sa Pilipinas, ultimong karayom na panahi ay imported pa.)

Naging susi ang industriya ng bakal upang makapagluwal ang mamamayang Tsino ng mga industriyang lumilikha ng makinarya; at maramihang makapagpundar ng iba't ibang mga empresa. Dumoble ang kabuuang produksyon ng mga makinarya noong 1965-1972. Sa ilalim ng bandila ng sosyalismo, ang industriya ng Tsina ay nakapagluwal ng mga traktora, mga sasakyang panlupa, mga kagamitan para sa industriyang metalurhikal, kemikal, petrolyo at mga instrumentong siyentipiko.

Pagsapit ng 1974, nalilikha na sa loob ng ilang araw ang katumbas ng kabuuang nilikhang kuryente noong 1949. Itinatag ang maraming mga hydro at thermal plants sa buong bansa upang maabot ang kasuluk-sulukang bahagi ng China.

Pinaunlad ang industriya ng petrolyo. Hanggang noong 1949, kalakhan ng pangangailangan sa krudong langis ng China ay inaangkat dahil ang lokal na produksyon ay umaabot lamang sa 120,000 tonelada. Makailang ulit itong nahigitan. Nang itatag ang demokratikong republikang bayan, isinagawa ang malawakang paghahanap, pagmimina at pagrerepina ng langis. Pagsapit ng 1963, ang lokal na produksyon ng krudong langis ay sumapat na sa pangangailangan ng buong China. Ilang ulit pa itong nalagpasan nang matuklasan ang mina sa Daching, na noong 1970 ay nagpapaagos ng 50 milyong tonelada ng krudong langis bawat taon.

Pinalago ang pagmimina. Noong 1949, mayroon lamang humigit-kumulang 20 mina ng coal. Pagsapit ng 1974, aabot ito ng mahigit sa 800 modernong mga mina na nagluluwal ng coal na sapat-sapat para sa pangangailangan ng China.

Pinalago ang industriyang kemikal. Mula sa wala o halos wala, nakalikha ang China ng mga patabang kemikal, gamot, mga telang sintetiko at iba pa.

Pinalaganap ang magagaang industriya. Ang mga ito ay nagluluwal ng telang yari sa bulak, telang sintetiko, plastic, sabon, relo, makinang panahi, kamera, bisikleta at marami pang iba. Naging mas mahusay ang distribusyon ng magagaang industriya sa buong bansa. Maging ang mga liblib na lugar katulad ng Tibetan Plateau, kabilang sa pinakamataas sa buong mundo, ay nakapagluwal ng modernong mga pabrika sa papel, katad, asukal at posporo.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Nobyembre 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Buuin ang malawak na pagkakaisa ng mamamayan para pabagsakin ang rehimeng US-Arroyo

Gawaing rekoberi sa mga Aggay sa Gattaran, Cagayan
BHB at AFP: Magkasalungat sa diwa't gawa
Pagbubuo ng hukbong kontra-mamamayan
Sadyang magkaiba ang AFP at BHB�Gen. Jarque
Mga tagumpay ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa China ng 1949-1976:
Sagot sa krisis pang-ekonomya: Rebolusyon at sosyalistang konstruksyon
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.