Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Ulat Koresponsal:
Matagumpay na pagtatayo ng isang rebolusyonaryong unyon

 Read this article in English

"Manggagawa, magkaisa! Walang mawawala sa atin kundi ang ating mga tanikala!" Ang deklarasyong ito ni Marx ay totoong- totoo para sa mga manggagawa ng isang modernong pagawaan sa Gitnang Luzon. Sa loob ng tatlong taon, nanindigan at nakibaka ang mga manggagawa rito hanggang maitayo nila ang isang rebolusyonaryong unyon at sa ngayon ay inaani na nila ang mga panimulang bunga ng kanilang pagpupunyagi.

Taong 2000 nang simulan ang pag-oorganisa sa pabrika na magiging larangan ng pakikibaka at paghahalawan ng mahahalagang aral kaugnay ng pagtatayo at pagpapatatag ng isang rebolusyonaryong unyon sa Gitnang Luzon. Sa pabrikang ito, inabot ng rebolusyonaryong kilusan na busabos ang kalagayan ng mga manggagawa. Moderno ang kagamitan at sentralisado ang paggawa ngunit nakapailalim ito sa makalumang sistemang kabo. Labor-only contracting ang ipinatutupad noong sistema sa pag-eempleyo. Ipinalalabas nito na hindi ang kapitalista ang nageempleyo sa mga manggagawa kundi mga "kontraktor" na walang kakayahang magpasahod at magbigay ng mga benepisyo. Kontraktwal at walang pag-asa noong maging regular ang mga manggagawa rito.

Walang nakatakdang arawang sahod. Binabayaran lamang ang mga manggagawa ayon sa dami at kalidad ng nayayaring produkto. Wala silang anumang benepisyo. Karamihan sa mga manggagawa ay nakatira sa mga barung-barong sa isang lugar kung saan walang kuryente, tubig at anumang alternatibong mapagkukunan ng pagkain. Ang iba ay nangungupahan lamang sa masisikip na espasyo sa mga barung-barong ng kapwa nila maralita.

Sa loob ng isang taon, nabuo ang mga grupong pang-organisa at komiteng pang-organisa na naging batayan para maitayo ang sangay ng Partido sa loob ng pabrika. Kasabay nito, ginagabayan ng mga kasama ang nabubuong grupo para sa pagtatayo ng unyon sa pabrika.

Mabilis na kumalat ang diwa ng tunay na unyonismo. Hindi naging balakid para sa mga manggagawa na magtayo ng unyon sa kalagayang lahat sila ay mga kontraktwal.

Matagumpay na welga

Hindi pa man pormal na naitayo ang unyon, iginiit na ng mga manggagawa sa kapitalista ang mga benepisyong matagal nang ipinagkait sa kanila. Bilang tugon, sinipa ng kapitalista ang mga manggagawang pinakaaktibo sa pag-oorganisa ng unyon. Nagwelga ang mga manggagawa. Sa unang mga linggo, naparalisa nila ang buong produksyon ng pabrika. Ngunit nagmaniobra ang kapitalista. Kumuha ito ng mga iskirol na ipinasok sa pabrika sa tulong ng mga pulis at tinangkang buwagin ang piketlayn. May mga araw na nagtagumpay ang kapitalista na ituloy ang operasyon ng pabrika, may mga araw namang nanaig ang mga manggagawa. Tumagal nang ilang buwan ang ganitong araw-araw na labanan.

Nakapagpunyagi ang mga manggagawa sa mahabang labanan sa kanilang piketlayn sa kabila ng kawalan ng mga rekurso at paulit-ulit na harassment. Bunga ito ng (1) mataas na diwang mapanlaban at malakas na suporta ng kanilang mga pamilya at komunidad; (2) walang sawang pagtulong ng iba pang unyon at progresibong sektor; (3) mahusay na pakikipag-alyansa sa iba pang demokratikong sektor at indibidwal at (4) wasto at napapanahong pagharap ng rebolusyonaryong armadong kilusan sa usapin.

Bago at habang nakawelga, tuluy-tuloy na naglunsad ng mga pag-aaral ang mga manggagawa. Kabilang dito ang mga kurso sa tunay na unyonismo, mga kurso sa ilalim ng Pambansa-Demokratikong Paaralan (PADEPA) at mga Marxista-Leninistang aralin. Matapos ang welga, dumoble ang kasapian ng Partido at naitayo ang tatlong sangay nito alinsunod sa daloy ng produksyon at konsentrasyon ng mga manggagawa. Naitayo ang komiteng tagapagpaganap ng sangay. Umabot din sa daan-daan ang napaunlad na masang aktibista sa loob ng unyon.

Sa loob ng tatlong taon, nakapagpadala na ang unyong ito ng mahigit 20 manggagawa sa iba�t ibang larangang gerilya sa rehiyon.

Naging susi rin sa tagumpay ng welga ang suporta ng mga organisasyong masa sa komunidad ng mga manggagawa. Kasabay ng pagoorganisa sa loob ng pabrika, inorganisa rin ng mga manggagawa ang kanilang komunidad at inihanda para sa laban ng unyon. Naitatag dito ang mga organisasyong masa na naging bukal ng suporta at naging lunsaran ng mga kampanya hinggil sa iba pang usaping kinakaharap ng mga manggagawa. Naglunsad sila ng mga proyektong medikal, sibiko at iba pa para matugunan ang pangangailangan ng lahat ng nasa komunidad. May naitayo rin ditong sangay ng Partido.

Upang maiwasang masukol at madurog ng kapitalista, sinikap at nagtagumpay ang mga manggagawa na higit pang palaparin ang suporta sa kanilang welga at samahan. Bukod sa suporta ng ibang mga unyon at organisasyong masa sa komunidad, nakabig nila ang mga taong-simbahan, mga upisyal ng lokal na pamahalaan at maging ilan sa mga pwersa ng pulis. Ang mga ito ang bumuhay sa mga manggagawa at kanilang mga pamilya sa buong panahong sila ay nakawelga. Malaking tulong ang mga isinagawang imbestigasyon at iba pang ligal na hakbang sa mga kasong isinampa nila laban sa kapitalista. Malaki rin ang naitulong ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na kumikilos sa sonang gerilyang nakasasaklaw sa pagawaan.

Ipinaliwanag ng BHB sa kapitalista ang mga patakaran ng rebolusyon hinggil sa pakikitungo sa mga kapitalista at kanilang mga pabrikang nasa loob ng mga sona. Binalaan nito ang kapitalista laban sa paggawa ng mga hakbang na lubos na makapipinsala sa interes ng mga manggagawa at ipinaliwanag ang kaparusahan para rito. Nanyutralisa nito ang kapitalista na agad tumigil sa paggamit ng dahas.

Dahil makatarungan ang ipinaglalaban ang mga manggagawa at determinado sila sa laban, napilitan ang kapitalista na sumangayon sa kanilang mga iginigiit. Ibinalik nito sa trabaho ang mga tinanggal na manggagawa at nangakong magbibigay ng mga benepisyo katulad ng SSS at medical pay. Naipanalo rin ng mga manggagawa ang kanilang mga ligal na kaso.

Sa ngayon, nagpupursigi ang mga manggagawa upang pormal nang kilalanin ng kapitalista ang kanilang unyon bilang kinatawan ng mga manggagawa sa kolektibong pakikipagtawaran.

"Pagpapahukbo"

Dahil sa tindi ng pagsasamantala at pang-aapi na dinaranas ng mga manggagawa sa pabrikang ito, hindi mahirap para sa kanila na sapulin ang kawastuan at kahalagahan ng demokratikong rebolusyong bayan at armadong pakikibaka. Mula sa mga pag-aaral sa lipunan at sarili nilang karanasan, madali nilang naiugnay ang kanilang kahirapan sa iba pang sektor, lalupa't marami sa kanila ay nagmula rin sa uring magsasaka. Aktibo ngayon ang unyon nila sa mga rehiyunal at pambansang pakikibakang masa. Masigla silang dumadalo sa mga pampulitikang mobilisasyon at kampanyang masa sa labas ng pagawaan.

Ngunit ang pinakamatingkad na tagumpay ng unyon ay ang relatibong marami at tuluy-tuloy na pagpapasapi nito ng mga manggagawa sa BHB. Sa loob ng tatlong taon, nakapagpadala na ang unyong ito ng mahigit 20 manggagawa sa iba't ibang larangang gerilya sa rehiyon. Malaking igpaw ito sa nagdaang kahinaan ng kabuuang kilusang paggawa sa nakaraang mga taon.

Masusing pinaplano ng sangay sa loob ng pabrika ang "pagpapahukbo" o pagpapasapi sa BHB. Pinapanday nito ang kasapian ng unyon sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pag-aaral at paglahok sa mga lokal na pakikibaka at pangkalahatang kilusang masa. Sa bawat programa, itinatakda nito ang target na bilang ng mga manggagawang itatalaga sa BHB at ikinakampanya sa kasapian na magboluntaryo. Ikinakampanya rin nito ang programang pakikipamuhay ng mga manggagawa sa mga yunit ng BHB sa loob ng ilang buwan.

Tulong-tulong na inihahanda ng unyon ang mga kasapi na nagpahayag nang sumapi sa BHB. Binibigyang-diin sa kanilang mga pag-aaral ang mga kursong makatutulong sa pagkilos sa kanayunan, katulad ng pag-aaral sa rebolusyonaryong gabay sa repormang agraryo, mga araling pangmagsasaka at iba pa.

Tinutulungan din ng unyon ang mga manggagawa sa pangangalap ng mga gamit. Tinitiyak ng sangay ng Partido sa unyon, katuwang ang sangay sa komunidad, ang kagalingan ng mga pamilyang naiiwan. Sa abot ng kanilang makakaya, nag-aambag ang mga manggagawa para sa batayang mga pangangailangan ng mga pamilya. Sa gayon, hindi nagiging hadlang maging sa mga padre de pamilya ang magpasyang sumapi sa BHB.

Ang pabrikang ito ay isa lamang sa maraming pabrika sa buong bansa na kinikilusan o tinatayuan na ng rebolusyonaryong unyon. Tinatawag itong rebolusyonaryo dahil malaking bahagi na ng unyon ay may makauri at rebolusyonaryong kamulatan, kahit pa mayroong bahaging nahuhuli.

Matatag ang istruktura ng Partido at malaki ang bilang ng mga masang aktibista sa loob ng pabrika. Nahaharap nito ang pamumuno sa mga pang-arawaraw na gawain ng unyon at mga pang-ekonomya at pampulitikang pakikibaka ng masang kasapian, kaalinsabay ang aktibong pag-aambag sa ligal na demokratikong kilusang masa sa lunsod at armadong pakikibaka sa kanayunan.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Hulyo 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Bigwasan pa ang rehimeng Arroyo ng mga taktikal na opensiba

Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Lumalaganap, dumadalas

Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Walang pinsalang tinamo ang BHB sa engkwentro sa Pampanga at Zambales - Ka Roger

Mga Ulat Koresponsal:
Matagumpay na pagtatayo ng isang rebolusyonaryong unyon
Mga Ulat Koresponsal:
Mga tagumpay at mahahalagang aral mula sa welga sa Central Azucarera de Tarlac

Mga Ulat Koresponsal:
Mga pihit sa laban ng mga manggagawa sa Lepanto Mining

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.