Mga sundalo ng AFP, hinihikayat na sumanib sa rebolusyonaryong kilusan
Hinihikayat ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) na sumanib sa rebolusyonaryong kilusan ang mas marami pang upisyal at sundalo ng reaksyunaryong gubyerno. Sa isang apat-na-pahinang bukas na liham nitong Setyembre 4, hinimok ni Gregorio "Ka Roger" Rosal, tagapagsalita ng PKP, ang mga tropa ng gubyerno na sumanib sa rebolusyonaryong kilusan o tumulong dito sa pamamagitan ng pagpupuslit ng mga armas mula sa mga armori ng militar, pagbibigay ng mahahalagang impormasyon at iba pang rebolusyonaryong tungkulin.
Muling ipinagbigay-alam ni Ka Roger ang pagkakatatag ng Lt. Crispin Tagamolila Movement (LCTM) sa loob ng AFP. Ipinangalan ang LCTM sa isang gradweyt ng Philippine Military Academy na sumanib sa BHB noong 1971 at namartir sa isang labanan sa Isabela noong 1973. Ani Ka Roger, ang pagsanib sa LCTM ay katumbas ng paninindigan laban sa pagkapapet, korapsyon at teroristang todo-gera ng tutang rehimeng Arroyo.
Direktang sumulat si Ka Roger sa mga nakabababang upisyal at karaniwang sundalo at elemento ng AFP, PNP at CAFGU na aniya'y nagmumula rin naman sa mga maralita, inaapi at pinagsasamantalahang masa at inaapi rin ng matataas na upisyal sa loob ng organisasyong militar.
Nagmungkahi si Ka Roger ng iba't ibang paraan para makatulong ang mga sundalo sa rebolusyonaryong kilusan.
Ang una'y ang pagbubuo ng mga lihim na study group para pag-aralan ang kanilang mga hinaing at iugnay ang mga ito sa mga batayang problema ng mamamayang Pilipino.
Iminungkahi rin ni Ka Roger sa mga sundalo na maglunsad ng mga hayag na pakikibaka para igiiit ang kanilang lehitimong mga karapatan at kagalingan. "Maaari rin silang magpalabas ng mga bukas na liham, magbuo ng mga unyon at gumamit ng iba pang posibleng demokratikong daluyan para igiit ang kanilang mga interes."
Hinimok ni Ka Roger ang mga upisyal at sundalo ng AFP na masigasig na pag-aralan ang programa ng National Democratic Front dahil superyor ito sa National Recovery Program ng grupong Magdalo sa usapin ng "pagiging komprehensibo, makabuluhan at malalim sa pagharap sa mga pundamental na problema ng mamamayang Pilipino."
Sinabi rin ni Ka Roger sa mga nakababatang upisyal at sundalo na maaari silang umiwas sa mga engkwentro sa BHB. Kung hindi na ito maiiwasan, aniya, maaari silang humingi agad ng tigil-putukan at ibigay ang kanilang mga armas sa BHB. "Hindi sila dapat magpakamatay nang dahil sa isang bulok na organisasyon at bulok na sistema," ani Ka Roger.
Ipinaalala ni Ka Roger sa kanila na tinitiyak ng rebolusyonaryong kilusan ang mga karapatan ng mga nagsisukong sundalo at tinatrato nito nang makatao ang mga dinakip na sundalo alinsunod sa mga pandaigdigang alituntunin ng digma at makataong batas.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|