13 taktikal na opensiba ng BHB sa Timog Katagalugan noong 1999, lahat tagumpay!
Sa diwa ng lubusang paglaban sa Oplan Makabayan ng rehimeng US-Estrada at pagsulong ng pakikidigmang gerilya sa isang bago at mas mataas na antas, inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa limang prubinsya ng Timog Katagalugan ang pitong reyd, isang ambus, dalawang operasyong isparo at isang espesyal na taktikal na opensiba. Sa mga opensibang ito, umani ang BHB ng 25 matataas na kalibreng armas, isang M72-A2 (anti-tank weapon) at 22 maiiksing baril. Kinumpiska rin ng Hukbo ang mga kagamitang pangkomunikasyon, pinarusahan ang isang upisyal ng pulisya at binihag ang dalawang upisyal ng AFP at PNP. Pinakasusing salik sa tagumpay ng bawat taktikal na opensibang ito ang suporta ng malawak at malalim na baseng masang patuloy na tumatangkilik sa Hukbo at nagdiriwang sa mga tagumpay nito.
Enero 7. Nireyd ng isang platun ng BHB ang detatsment ng PNP sa Barangay Pagbahan, Sta Cruz, Occidental Mindoro. Nasamsam ang isang M16 at isang kalibre .45 baril. Ipinadala sa ospital ang nasugatang pulis at sinilaban ang detatsment pagkatapos. Pagkalipas ng tatlong araw, binigo ng pwersang pangharang ng BHB ang pwersang panreimpors ng kaaway. Nasugatan ang isang Pulang mandirigma ngunit maayos na nakaatras ang mga kasama. Nagtagumpay ang pagpaparusa sa mga pulis na aktibong nagpapagamit sa despotikong malaking panginoong maylupa na si Abeleda.
Pebrero. Pinarusahan ng BHB ang JAC Liner Company sa pagtangging magbayad ng karampatang rebolusyonaryong buwis. Sinunog ng isang tim ng BHB ang isang bus ng JAC Liner. Sa operasyong ito ay nakakumpiska rin ng isang kalibre .45 pistola sa isang pulis na sakay nito.
Pebrero 13. Nireyd ng isang platun ng BHB sa Silangang Batangas ang rantso ni Jejomar Binay, pinuno ng Metro Manila Development Authority, sa Barangay Bayawang, Rosario. Dinisarmahan ng BHB ang private army at mga bantay ni Binay na nandarahas sa mga manggagawa at mamamayan sa rantso at mga karatig na lugar. Ang reyd ay pagparusa rin sa pagtanggi ni Binay na magbayad ng rebolusyonaryong buwis.
Nakumpiska ang dalawang M16, isang M14, dalawang de-sabog, tatlong granada, tatlong rifle grenade, isang 9 mm, isang pistolang .380, dalawang .38, maraming bala at iba pang kagamitang militar.
Mayo 6. Nireyd ng pito-kataong yunit ng BHB ang bahay ni Captain Abarrientos ng Philippine Army sa Pangil, Laguna. Sa pamamagitan ng panlalansi, nakapasok ang BHB sa bahay ni Abarrientos bandang ika-7 ng gabi nang makumpirmang wala roon ang upisyal. Nakumpiska ang tatlong ripleng garan at isang baby M16 nang walang putukan. Nagpaliwanag muna ang mga kasama sa pamilya at iba pang tao roon at nagbabala laban sa mga may armas na nang-aabuso sa masa.
Mayo 14. Alas-8 ng gabi ay sinalisihan ng isang iskwad ng BHB ang bunkhouse ni Navy Captain Togonon sa Sityo Absukot, Barangay Tubili, Paluan, Occidental Mindoro. Walang-hadlang na nasamsam ng mga kasama ang isang baby M16, mga bala, isang baby chainsaw at isang magasin ng .45. Pagpaparusa ito ng BHB sa grupo ng sindikato ng mga pirata na nambibiktima sa mamamayan sa bahaging Paluan hanggang Isla ng Lubang.
Hunyo 10. Inambus bandang 8:40 ng umaga ng isang iskwad ng BHB ang limang maton ng despotikong panginoong maylupa na si Ding Quintos sa Sityo Kasuy, Barangay Balansay, Mamburao, Occidental Mindoro. Ang mga maton ay responsable sa pagpatay at pagpapalayas sa mga magsasaka sa lupang kinakamkam ni Quintos. Kinumpiska ng BHB ang isang karbin, isang shotgun at isang .38.
Hunyo 15. Pinarusahan ng anim-kataong tim ng BHB si Brgy. Kap. Max Lemeta ng Barangay Calayo, at ang tatlo pa niyang kasamahan sa Barangay Wawa, Nasugbu, Batangas. Kinumpiskahan sila ng isang 9 mm at isang magasin. Ang apat ay responsable sa mga pagdukot at pagsalbeyds sa mga lidermagsasakang tumututol sa pagpapalayas sa kanila sa Hacienda Looc, Nasugbu.
Hulyo 6. Nagtagumpay ang espesyal na taktikal na opensibang pambibitag (entrapment operation) kay Army Maj. Noel Buan, hepe ng paniktik ng Southern Luzon Command (SOLCOM). Nadakip at mabilis na nailayo ng BHB si Buan mula sa Laguna. Napanatiling lihim ang pagkabimbin sa kanya hanggang ideklarang bihag ng digma noong unang linggo ng Disyembre.
Oktubre 11. Naglunsad ng isang operasyong paglilinis ang isang platun ng BHB sa dalawang magkatabing baryo na pinupugaran ng masasamang elemento. Dumiretso ang BHB sa Barangay Matipunso, San Antonio, Quezon at natagpuan ang target na kapitan ng barangay at ang anak nito. Boluntaryong ipinakita ng mag-ama ang kanilang .45 at 9 mm na baril nang malansi ng mga kasamang sila ay mga sundalong nag-iinspeksyon. Inilabas na rin ng mag-ama ang itinagong M16, M14 at kalibre .38 matapos mapilitan ang mga kasamang magpakilalang BHB.
Nasamsam pa ang isang M1 karbin, isang 9 mm at dalawang radyong pangkomunikasyon.
Oktubre 22. Pinarusahan ng anim-kataong tim ng BHB ang hepe ng pulisya ng San Teodoro, Oriental Mindoro na si P/Insp. Leodecario Turno habang papauwi siya sa kanyang istasyon. Nasamsam sa kanya ang isang .45.
Oktubre 30. Nireyd ng isang iskwad ng BHB ang compound ng Keangnam Construction Company, isang kumpanyang Koreano sa Sta. Rosa, Mulanay, Quezon dahil sa pagtangging magbayad ng buwis alinsunod sa mga batas ng demokratikong pamahalaang bayan. Labing-isang trak at iba pang kagamitang pangkonstruksyon ang sinilaban. Kinumpiska rin ang mga kagamitang pang-upisina.
Nobyembre 1. Inatake ng 12-kataong yunit ng BHB ang istasyon ng PNP sa Pola, Oriental Mindoro bandang ika-8 ng gabi. Agad nakuha sa armory ang dalawang M16, isang M14 at isang anti-tank weapon (M72-A2). Nakumpiska rin ng BHB ang dalawa pang .45, isang .38, isang 9 mm, mga bala at magasin, isang VHF base radio, isang colored TV, dalawang makinilya at iba pang kagamitang militar.
Nobyembre 3. Sorpresang inatake bandang tanghali ng pinaliit na platun ng BHB ang istasyon ng pulis sa Dolores, Quezon. Mismong ang naka-pistolang hepe, si PCI Abelardo Martin, ang agad na nadikitan at nalansi ng mga kasama. Dinis-armahan ang hepe at ang dalawa niyang tauhan habang sinasamsam ang mga sandata at ibang gamit militar. Nakontrol ng mga kasama ang bayan sa loob ng 10 minuto nang maipwesto sa kani-kanyang gawain ang iba pang elemento ng platun. Binihag ng BHB si Martin.
Nakumpiska sa reyd na ito ang limang M16, isang M14, dalawang 9 mm, apat na .38, apat na rifle grenade, mga bala, dalawang base radio (HF at VHF), isang VHF handheld radio, isang colored TV at mga kagamitang militar.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|