|
|
Ang mga terorista at mersenaryong Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na alagang-alaga at mahal na mahal ni Gloria Macapagal-Arroyo ay walang habas na naghahasik ng lagim sa kanayunan ng buong bansa. Higit na makahayop at ibayong mas karumal-dumal ang mga pamamaslang at iba pang anyo ng mga operasyong militar na inilulunsad ngayon ng AFP at PNP laban sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) at sa Moro Islamic Liberation Front-Bangsamoro Islamic Armed Forces (MILF-BIAF). Subalit ang higit na nagtatamasa ng ibayong pinsala sa buhay at ari-arian at walang habas na mga paglabag sa karapatang-tao ay ang mga ordinaryong mamamayang pinaghihinalaan ng mga terorista ni Macapagal-Arroyo na baseng masa ng hukbong bayan. Sa bawat operasyon ng AFP at PNP, tinitiyak ng mga ito na may nadadamay na sibilyan sa layuning maghasik ng lagim sa mamamayang nagsisilbing dagat na languyan ng mga gerilya ng bayan. Maging sa hibang na all-out war ni Macapagal-Arroyo (na sinimulan pa ni Estrada) laban sa bandidong Abu Sayyaf, ang nagtatamo ng pinakamatinding pinsala ay ang walang kalaban-labang mga sibilyang Moro, lumad at Kristyano sa mga lalawigan ng Basilan, Sulu at ilang bahagi ng Zamboanga. Sa kanayunan ng Timog Katagalugan, tila ibinubuhos ng naghuhuramentadong AFP at PNP ni Macapagal-Arroyo ang kanilang karumal-dumal na pamamaslang sa mga Pulang mandirigmang nabibihag at naging hors de combat na o nawalan na ng kakayahang lumaban. Ayon sa CARHRIHL (Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law) at sa itinataguyod nitong pandaigdigang mga batas ng digma, ang mga bihag ay dapat gamutin at alagaan ng mga nakabihag sa kanila. Maging ang mga inosenteng sibilyang pinaghihinalaang mga tagapagtaguyod ng BHB ay nagiging biktima rin ng mga karumal-dumal na pananalanta at pamamaslang sa kamay ng mga terorista at berdugo ng gubyerno. Ang mga ito ay malinaw na mga palatandaan na isang sistematikong patakaran ng reaksyunaryo�t mersenaryong AFP sa ilalim ng rehimen ni Macapagal-Arroyo ang sadyang paghahasik ng lagim sa pamamagitan ng mga kontra-rebolusyonaryong kampanyang tinatawag nila ngayong Internal Security Operations (ISO). Kahit na ipinangalandakan ni Macapagal-Arroyo na papalitan nito ng "all-out peace approach" ang all-out war policy ng pinatalsik na si Estrada, malinaw mula sa datos ng mga pangyayari na ipinagpapatuloy nito at lalo pang pinatindi ang pananalakay ng kanyang mersenaryo at teroristang AFP at PNP sa mga larangang gerilya ng BHB. Ipinagpapatuloy ng AFP ni Macapagal-Arroyo ang sinimulan ng rehimeng Estrada na Internal Security Operations bilang pangunahing sangkap ng kontra-rebolusyonaryong kampanyang tinatawag ngayong Campaign Plan Balangai. Ang kontra-rebolusyonaryong kampanyang ito ay mahigpit na naiimpluwensyahan ng oryentasyong "Back To Basics" at iba pang doktrinang pang-operasyong binalangkas sa US. Ang oryentasyong "Back To Basics" ay walang iba kundi ang lantay-militar na reoryentasyon ng doktrina ng AFP at PNP sa kontra-rebolusyonaryong kampanya at mga operasyon nito tungo sa paggamit ng pinakabrutal na pasistang anyo ng pagsupil sa mga rebolusyonaryong pwersa at mga sibilyang pinaniniwalaang kapanalig ng, o kumakandili sa, rebolusyonaryong kilusan�ang pagbabalik sa pinakamalagim na paraan ng panunupil na ipinatupad ng AFP noong pasistang paghahari ng diktador na si Marcos. Isinaisantabi na nito ang mga gawaing pang-sibilyan (tulad ng Civilian Military Operations, tipong-SYP na Special Operations Teams, bahaging "development" ng Clear-Hold-Consolidate-Develop at mga katulad nito). Lubos na inalis na nila ang oryentasyong "winning people�s hearts and minds" (pagkabig sa puso at isip ng mamamayan). Trabaho na umano ito ng mga sibilyang ahensya. Ang trabaho raw ng AFP ay tanging sa paglaban. Ang gusto nilang mga tipo ng laban ay yaong nagpapakita ng kanilang superyoridad sa militar. Wala na rin silang pakundangan kung may madamay na sibilyan dahil bahagi lamang diumano ito ng gera. Bahala na sa mga madadamay ang mga sibilyang ahensya. Wala pang isang taong nanunungkulan si Macapagal-Arroyo, pinakawalan na nito ang bangis ng buong makinarya ng AFP sa higit na karumal-dumal na mga paglabag sa karapatang-tao at pananalakay sa mamamayan. Gayong napakaiksing panahon pa lamang itong nakauupo sa poder, higit na masahol ang mga nagaganap na paglabag na ito kaysa sa panahon ni Estrada. Ganito ang paraang alam ni Macapagal-Arroyo para bayaran ang kanyang utang na loob sa mga mamamayang nakibaka para patalsikin si Estrada at nagbigay-daan tungo sa kanyang pagkaluklok bilang pangulo ng bansa. At ang mersenaryo, reaksyunaryo at tigib-ng-katiwalian na AFP at PNP, na mahal na mahal at palaging nasa prayoridad ni Macapagal-Arroyo (sa badyet at mga promosyon) ang kanyang pangunahing instrumento sa pananalakay at terorismo laban sa sambayanan. Kagaya rin ng bandidong Abu Sayyaf, ang AFP at PNP ang mga tunay na terorista. Pagkakaiba nga lamang ng Abu Sayyaf sa kanila�ang pangunahing target nito ay iyong mga may kakayahang magbayad ng ransom (pantubos) habang ang pangunahing binibiktima ng mersenaryo at teroristang AFP at PNP ay ang naghihikahos na masang anakpawis.
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|