Ang tinig ng patriyotismo ni Guingona
Sa harap ng sagad-sagarang pagpapakapapet ng rehimeng Macapagal-Arroyo, namumukod-tangi ang patriyotikong tinig ni Bise Pres. Teofisto Guingona.
Sadyang makabuluhan ang matatag na pagtindig ni Guingona laban sa Balikatan, sa MLSA at iba pang kasunduang militar sa pagitan ng Pilipinas at US. Tinututulan niya ang pagpasok ng tropang US sa bansa at ang pagdawit nito sa Pilipinas sa nakaambang imperyalistang gera sa Iraq. Pinanindigan niya ang mga ito kahit pa ang naging katumbas ay ang pagtanggal sa kanya bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs noong Hulyo.
Noon pa ma�y nagpamalas na ng patriyotiko at antipasistang paninindigan si Guingona. Kabilang siya sa ilampung libong ibinilanggo ng pasistang diktadurang Marcos nang ideklara nito ang batas militar noong 1972. Nang makalaya, ipinaglaban niya bilang abugado ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal at inilantad niya ang talamak na mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao. Isa rin siya sa mga tumutol sa kwestyunableng mga utang panlabas at nakiisa sa malawak na anti-diktadurang kilusang masa.
Patuloy na nanindigan si Guingona kahit noong maging senador siya sa ilalim ng rehimeng Aquino. Noong Setyembre 16, 1991, kabilang siya sa 12 senador na bumoto laban sa RP-US Treaty on Friendship, Cooperation and Security na nagwakas sa 50 taong pananatili ng mga base militar ng US sa Pilipinas.
Nanindigan din si Guingona laban sa pagpapatibay ng General Agreement on Tariffs and Trade (GATT) na inisponsor ni Macapagal-Arroyo sa senado noong 1994. Ang kasunduang ito ang nagsilbing pundasyon ng liberalisasyon ng ekonomya na ngayo�y nagdudulot ng walang kaparis na krisis sa Pilipinas.
Noong 1999, tinutulan ni Guingona ang Visiting Forces Agreement kahit karamihan ng mga kapartido niya sa LAKAS-NUCD ay bumoto para rito. Iginiit niyang babaligtarin ng kasunduan ang matagumpay na pagpapatalsik sa mga base militar ng US.
Noong 2000, isa sa mga nagpasikad sa proseso ng impeachment ni Joseph Estrada ang talumpating "I Accuse" ("Inaakusahan kita") ni Guingona. Buung-buo siyang nakiisa at aktwal na lumahok sa kilusang masa para patalsikin si Estrada. Ang kanyang tampok na papel dito ay di mabalewala ni Macapagal-Arroyo kaya�t itinalaga siya bilang bise presidente.
Gayunpaman, pinanatili ni Guingona ang kanyang paninindigang patriyotiko.
Dahil dito, umaani siya ng papataas na paggalang at suporta ng mamamayan. Magpapatuloy ang mainit na suporta ng sambayanan kay Guingona kung ipagpapatuloy niya ang kanyang patriyotismo at maka-mamamayang paninindigan.
Kung tutugon siya sa hamong ito, mapapabilang siya sa hanay nina Claro M. Recto, Lorenzo Ta�ada at Jose Diokno na mga simbolo ng tapang at paninindigan para sa pambansang kasarinlan at gumanap ng makabuluhang papel sa kasaysayan ng paglaban ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|