Ang krisis na ikinukubli ng pandirigma ni Bush
Walang tigil sa kapapalakpak ang mga monopolyo kapitalista sa talumpati ni George W. Bush sa harap ng Kongreso ng US noong Enero 29. Bukod sa pagtatambol at pagsigaw ng mga islogan laban sa Iraq, muli na naman siyang nangako ng pondong pang-ayuda sa mga monopolyong korporasyon sa depensa at malalaking pagbawas sa buwis para sa pinakamayayamang Amerikano.
Samantala, wala siyang inialok ni isang solusyon sa mga usaping kinakaharap ngayon ng mga ordinaryong mamamayang Amerikano. Katunayan, ang paulit-ulit na pagdidiin sa gera laban sa Iraq ay epektibo niyang ginamit upang palabuin, itago at balewalain ang mga kagyat na usaping pang-ekonomya at pampulitika na bumabagabag ngayon sa kanilang lipunan.
Ang sumusunod ay ilang estadistika na sumasalamin sa tunay na kalagayan ng ekonomyang Amerikano na siya namang pilit na pinagtatakpan ni Bush.
- 1.7 milyong Amerikano ang nawalan ng trabaho simula Enero 2001, at 8.6 milyon pa ang aktibong naghahanap ngayon ng trabaho. Umaabot na sa 6% ang tantos ng disempleyo�pinakamataas sa mahigit isang dekada.
- Bumagsak ang kabuhayan ng 1.3 milyong Amerikano noong 2001�ito ang pinakamalaking bilang ng mamamayang dumausdos ang kabuhayan na naitala sa nakaraang siyam na taon.
- Simula 2000, nagtala ang mga korporasyong Amerikano ng 23% tantos ng pagkabangkarote, na pinakamataas sa buong kasaysayan nito.
- Noong 2002, tumaas nang 19% ang mga nag-aaplay para sa panandaliang pabahay (emergency o temporary shelters), ang pinakamataas sa nakaraang 12 taon.
- Umaabot na sa 1.4 milyong Amerikano ang walang segurong pangkalusugan matapos ang malalaking pagbabawas sa pondong pangkalusugan sa pambansang badyet.
Bahagyang lumago ang ekonomya ng US noong nakaraang taon (2.4% kumpara sa 0.3% na paglago noong 2001) ngunit ibinunga lamang ito ng mas aktibong bentahan ng mga sasakyan at bahay, paglaki ng mga imbentaryo at pagbuhos ng pondo sa mga industriya ng depensa. Lumaki naman ang GDP nang 0.7% sa 2002.
Nagtala ng $157 bilyong depisit sa badyet para sa 2002. Tinatayang aabot sa $300-350 bilyon ang depisit sa badyet para sa taong 2003�halos kalahating-trilyong pagbagsak mula taong 2000.
Sa pagitan ng Disyembre 2000 at katapusan ng ikatlong kwarto ng 2002, bumagsak nang 38% ang kabuuang halaga ng lahat ng mga US equities, katumbas ng $6.65 trilyon.
(Ang mga datos na ito ay tinipon sa House Appropriations Committee ng kongreso ng US.)
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|