Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Pagmasaker sa apat na aktibista sa Compostela Valley, mariing kinundena

 Read this article in English

Kasing-init ng araw ang damdamin ng mga kasapi ng Anakbayan at mga partidong Anak ng Bayan at Anakpawis noong hapon ng Setyembre 26 habang idinadaos nila ang rali sa tapat ng City Hall ng Tagum, Davao del Norte. Mariin nilang kinundena ang rehimeng Arroyo at ang militar sa pagdukot, pagtortyur at brutal na pagpaslang kamakailan sa apat na kabataan.

Papuntang poblasyon ng Maco, Compostela Valley noong Setyembre 19 ang mga aktibistang sina Marjorie Reynoso, 18; Jonathan Benaro, 16; at Lito Doydoy, 27; at si Ramon Regase, 17, na drayber ng sinasakyang traysikel, nang dukutin sila ng mga militar. Hinarang sila malapit sa Hijo Plantation sa Apokon, Davao del Norte, 50 metro lamang mula sa isang detatsment ng PNP. Pwersahan silang isinakay ng limang nakamaskara at armadong kalalakihan sa isang Tamaraw FX. Ayon sa mga nakasaksi, binaril sa binti ang dalawang kabataang lalaki nang magtangka silang tumakas.

Kagagawan ng Intelligence Security Unit (ISU) ng militar ang pagdukot at pagpaslang sa apat na kabataan, ayon kay Rigoberto Sanchez, tagapagsalita ng Merardo Arce Command ng Bagong Hukbong Bayan sa Southern Mindanao. Ayon kay Sanchez, pinamunuan ng isang Capt. Denmark Mamaril ang operasyon, kasama sina 1st Sgt. Roy Telang at Adan Marcus, mga operatiba ng intelligence.

Dinala ng mga militar ang apat sa isang safehouse sa Trento, Agusan del Sur.

Ginahasa, tinortyur. Bandang alas-12:00 ng tanghali noong Setyembre 23, natagpuan ng isang manggagawa at isang gwardya ang mga bangkay ng apat sa Area 307 ng Selecta Farm sa Barangay Osme�a, Compostela. Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, tinortyur muna ang apat bago tuluyang patayin.

May mga marka ng pagpapahirap sa katawan ng mga biktima. May mga palatandaang ginahasa si Reynoso, tagapangulo ng Sangguniang Kabataan (SK) ng Barangay Anislagan at municipal coordinator ng Anak ng Bayan sa Maco. May bakas ng masking tape ang kanyang bibig. Basag ang kanyang bungo dulot ng tama ng bala. Sina Benaro, kagawad ng SK ng Barangay Mapaang at kasapi ng Anak ng Bayan, si Doydoy, organisador ng Anakbayan, at pati ang drayber na si Regase ay may mga bakas ng lubid sa kanilang leeg at mga saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Ibinaon sila nang halos walang saplot sa isang mababaw na hukay.

Ayon sa Karapatan-Southern Mindanao, malinaw na ang pagdukot at pagpatay sa mga militanteng kabataan ay naglalayong gipitin, takutin at patahimikin ang mga progresibo at patriyotikong organisasyon na kritikal sa gubyerno.

Binatikos din ng Anakbayan-Southern Mindanao ang mahigpit na pang-eespiya, panggigipit at pananakot ng militar sa mga lider at myembro ng kanilang organisasyon. Inamin mismo ni Lt. Col. Agane Adriatico, hepe ng Civil Relations Group ng Philippine Army sa Southeastern Mindanao, ang pagmamanman nila sa kabataan. Pilit niyang itinatanggi na may kinalaman ang militar sa pagsalbeyds sa apat at bagkus ay katawa-tawang ibinabaling ang akusasyon sa Bagong Hukbong Bayan.

Paparaming kabataan ang lumalaban. Ang karumal-dumal na krimeng ito ay nagpapakita ng matinding pagkatakot ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa mga militanteng kabataan, ayon kay Andres Guerrero II, tagapagsalita ng Kabataang Makabayan. "Sa katunayan, kinatatakutan ng rehimeng Arroyo ang patuloy na paglaki at paglakas ng rebolusyonaryong kilusan na lubos na tinatangkilik ng paparaming kabataan," ani Guerrero.

Ayon naman kay Gregorio "Ka Roger" Rosal, tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas, pinagbubuntunan ng galit ng rehimeng Arroyo ang kabataang maramihang sumasapi sa BHB. Aniya, ang gubyernong Arroyo rin ang bubweltahan ng taktikang ito dahil parami nang paraming kabataan ang sumasapi sa rebolusyonaryong kilusan at BHB sa mga lugar na pinaglulunsaran ng teroristang all-out war.

Coordinator ng Bayan Muna, dinukot. Habang binabatikos ng mga demonstrador sa Tagum City ang militar at pulisya sa pagdukot at brutal na pananalbeyds sa apat na aktibista, dinukot naman nang gabing iyon ang regional coordinator ng Bayan Muna-Central Visayas. Ang mga dumukot sa kanya ay mga tauhan ng Regional Intelligence and Investigation Division (RIID).

Pauwi siya sa Mandaue City nang harangin ng dalawang ahente ng RIID at pwersahang isakay sa isang van. Dinala siya sa isang safehouse sa Lapu-Lapu City at inalok na maging impormer ng RIID. Ininteroga siya tungkol sa mga kilos ng Bayan Muna at mga pinaniniwalaang lider ng NDF at BHB sa rehiyon. Nagkaroon ng pagkakataong makatawag sa abugado ng Bayan Muna ang biktima nang iwan siyang mag-isa sa safehouse noong Setyembre 27. Pinuntahan siya roon at kinuha ng abugado.

Tinuligsa naman ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN)-Panay at ni Bokal Cesar Talabucon ng Capiz, si Maj. Oscar Lasangue ng AFP Civil Relations Group nang iugnay nito ang BAYAN, Bayan Muna at mismong si Talabucon sa mga gawain ng rebolusyonaryong kilusan. Ayon sa BAYAN, layunin ng mga walang basehan at malisyosong akusasyon ng militar na ikundisyon ang isipan ng mamamayan na tanggapin ang tumitinding mga opensiba ng militar laban sa ligal na demokratikong kilusan at mga personahe nito.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Oktubre 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Gloria Macapagal-Arroyo, numero unong ipokrita

Igiit at ipagtanggol ang ligal at demokratikong pakikibaka ng mamamayan
Pagmasaker sa apat na aktibista sa Compostela Valley, mariing kinundena
Sa Ilocos-Cordillera
Mga kasinungalingan ng AFP, binatikos ng BHB

Milyun-milyong pisong nakawan sa PAGCOR
Lumalakas, lumalawak ang rebolusyonaryong unyonismo
Gera ng mga tribo at ang bodong sa Cordillera
Sa Ibayong Dagat:
Tunggalian sa Middle East

US at Israel, umaani ng malawak na pagkundena

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.