Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Paglilinaw Hinggil sa Pagpapalaya kay SPO3 Martillano Magtagad

Pinakawalan nitong ika-2 ng Enero sa Roxas, Oriental Mindoro si SPO3 Martillano Magtagad, isang bihag ng digma na elemento ng 3rd PNP Mobile Group sa lalawigan. Si Magtagad ay dinakip ng Lucio de Guzman Command ng Bagong Hukbong Bayan matapos tambangan ang kanyang yunit sa Bongabong, Oriental Mindoro noong Nobyembre 8, 1997.

Bagamat hindi lamang si Magtagad ang sumukong elemento ng kaaway pagkatapos ng labanan, siya lamang ang dinakip dahil sangkot siya sa maraming kaso ng pamamaslang, pagpapahirap at pananakot sa mamamayan at berdugo siya ng mga pusakal na mangangamkam ng lupa sa mga bayang sinasaklawan niya. Si Magtagad ay pinakawalan sa kabila ng naturang mga kaso sa batayang makatao at bilang pagpapakita ng rebolusyunaryong kilusan ng sinseridad at kagandahang-loob nito sa ginaganap na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front at ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas.

Ang sumusunod na praymer ay ihinanda ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Mindoro upang maipalawanag sa mamamayan at rebolusyunaryong pwersa ang ginawang pagpapalaya kay Magtagad, ang patakaran ng kilusan hinggil sa mga bihag ng digma at sa pagkilala nito sa mga pandaigdigang protokol tungkol sa karapatang pantao, at ang pangkalahatang gawaing pampulitika ng BHB sa hanay ng kaaway na hukbo. Sinipi ng AB ang ilang mahahalagang bahagi ng praymer:

I. Sino si Magtagad?

Si SPO3 Martillano Culubong Magtagad ay isang elementong non-commissioned officer ng PNP 3rd Mobile Group na nakabase sa Camp Gozar, Roxas, Oriental Mindoro. Siya rin ang tumatayong intelligence officer ng Mobile Group na ito na may saklaw sa mga bayan ng Bongabong, Roxas, Mansalay at Bulalacao. Kabilang siya sa pwersang panagupa (strike team) ng mobile group na inaasahang tutugis at dudurog sa BHB sa bahaging ito ng probinsya.

Nasa serbisyo militar siya noon pang 1974 nang pumasok siya sa PC sa Samar, Bikol, Hilagang Luson at mula 1982 ay sa Oriental Mindoro na nakatalaga. Mula nang madestino siya sa Mindoro ay nagsimula na rin ang rekord niya ng paglaban sa rebolusyunaryong kilusan. Sa panahon ding ito, nakagawa siya ng mga krimen laban sa mamamayan ng Oriental Mindoro lalo na sa mga bayan ng Mansalay at Roxas.

Isa siya sa matagal nang hinahanap ng mga BHB upang magawaran ng parusang kamatayan dahil sa aktibong paglaban niya sa rebolusyunaryong kilusan.

II. Paano siya nasentensyahan ng parusang kamatayan?

Batay sa masusing pagsisiyasat at pagiimbestiga ng mga yunit sa gawaing masa sa ilalim ng Lucio de Guzman Command ng Mindoro ay napatunayang nagkasala si SPO3 Martillano Magtagad sa kasong mga pagpatay at aktibong paglaban sa rebolusyunaryong kilusan.

  1. Mga kaso ng pagpatay

    Una, pagsalbeyds sa isang Mangyan na taga-Maosoy, Panaytayan, Mansalay noong 1981.

    Pangalawa, pagpatay sa barangay kapitan ng San Aquilino, Roxas, Oriental Mindoro noong 1993.

    Pangatlo, pagsalbeyds kay Ka Arjay (Mussulini Tujulan, Jr.) noong Agosto 1988 sa Libtong, Roxas.

    Pang-apat, pagpatay kay Roel Vicente, isang kabataang nadakip na sugatan lamang nang mapasama ito sa isang nakubkob na tim ng BHB sa Taoga Diit, San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro noong Marso 9, 1989.

  2. Mga kaso ng pagtortyur, pambubugbog at pananakot sa mga pinaghihinalaang suporter ng rebolusyunaryong kilusan

    Una, pagtortyur kay Ningning Yacub (lalaki, may asawa, maralitang magsasaka) noong 1982 sa sentro ng baryo ng San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro.

    Pangalawa, ang pananakot at pagba-blacklist sa mga taga-Sityo Kiraw at Tagaskan ng San Vicente, Roxas para patigilin sa pagsuporta sa BHB. May mga kaso rin ng pambubugbog sa mga masa sa Taoga, Roxas at mga baryo sa Mansalay tulad ng Salvacion, Bonbon at Balugo.

    Pangatlo, pambubugbog kay Robert Tatoy ng San Vicente, Roxas noong 1988.

  3. Mga kaso ng aktibong pagtatayo ng lambat-paniktik laban sa rebolusyunaryong kilusan at baseng masa nito

    Una, pagtatayo ng lambat paniktik sa Taoga noong 1987-1989.

    Pangalawa, aktibong pagtatayo ng mga Barrio Intelligence Network sa Mansalay at Roxas na aktibo niyang pinakikilos kapag may sayting sa mga BHB tulad noong:

    1. Hunyo 1997 sa Sityo Bagong Sikat, San Mariano, Roxas na muntik na ring ikakubkob ng dalawang kasama.

    2. Setyembre 1997 sa Barangay Bonbon, Mansalay nang tugisin ang lima-kataong Sandatahang Yunit Pampropaganda. Kinomando sila ng 10-kataong tim ng 3rd Mobile Group at ginamitan ng night vision goggles.

III. Ngayon lang ba siya nasentensyahan ng parusang kamatayan?

Matagal na siyang nailagay sa listahan ng papatawan ng parusang kamatayan. Itinuring na siyang kaaway ng mamamayan dahil sa kanyang mahabang lista ng krimen laban sa mamamayan at sa rebolusyon.

Nadagdagan pa ang mga krimen niyang ito nang aktibo siyang gumampan bilang upisyal sa paniktik ng 3rd PNP Mobile Group.

IV. Bakit palalayain siya ngayon?

Matapos mabihag sa labanan si SPO3 Magtagad at mabasahan ng kanyang mga kaso laban sa rebolusyunaryong kilusan at sa mamamayan, palalayain siya ngayon sa batayang makatao. Ito ang pagtugon ng kilusan sa deklarasyon ng NDF noong Hulyo 5, 1996 na ipapatupad ng mga organisasyon nito ang Mga Kumbensyon ng Geneva noong 1949 at ang Protocol 1 noong 1977 hinggil sa digma upang maging makatao ang kondukta ng digma at hustisya. Pagpapakita rin ito ng kilusan ng sinseridad nito sa usapang pangkapayapaan sa pagitan nito at ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas.

Kapag nasalubong ng kilusan ang pagkakataong mapalambot ang paglaban ng masusugid na mga kaaway nito ay ibinubukas nito ang pagpapatawad o pagbibigay puwang sa kanila para magbago.

Sa pagtatayo ng bagong lipunan na may tunay na kalayaan, demokrasya at kapayapaan, obligado ang rebolusyunaryong kilusan na magpino ng mga pamamaraan sa pakikidigma. Sa abot ng makakaya nito, gagawing makatao ng kilusan ang kondukta ng digma para maiwasan ang hindi kinakailangang pagkamatay o pagkapinsala ng mga tao at ari-arian nila.

Ito rin ang pagkakataong maipakita ng kilusan na mas superyor ang itinatayo nitong bagong gubyerno at sistemang panlipunan na may sosyalistang perspektiba. Sa pamamagitan ng rebolusyunaryong hustisya, naigagawad ng kilusan ang kaparusahang kamatayan sa mga sagadsaring kalaban ng rebolusyon at mamamayan. Ngunit maaari rin silang patawarin kapag substansyal na nagbago na sila ng kanilang kilos o pakikitungo sa rebolusyon at sa mamamayan.

Ito ang nagpapatunay na hindi uhaw sa dugo o naliligayahan lamang sa paghihiganti ang mga rebolusyunaryong pwersa. Kapag nasalubong ng kilusan ang pagkakataong mapalambot ang paglaban ng masusugid na mga kaaway nito ay ibinubukas nito ang pagpapatawad o pagbibigay puwang sa kanila para magbago. Ito ay malaking bentahe para sa mamamayan at rebolusyon. Kapag nababawasan ng mga sagadsaring kalaban ang rebolusyon ay malaking kaluwagan ito laluna sa gawaing pagkokonsolida ng mga larangang gerilya at ito'y isa nang hakbang patungo sa tagumpay. Epektibong anyo ng pagdurog sa kaaway ang madisarmahan siya ng sandata at kakayahang lumaban nang hindi siya pinapatay.

VII. Anong epekto nito sa kasalukuyang takbo ng armadong pakikibaka?

Mapapalakas ang kasalukuyang takbo ng armadong pakikibaka dahil tatampok ang panig ng BHB bilang tunay na hukbo ng mamamayan. Walang masasabi ang mga kalaban ng rebolusyon sa pulitika at larangan ng militar. Hindi nila mailalarawan na mamamatay tao ang BHB. Sila ngayon ang lalabas na hindi makatarungan dahil hindi nila mapalaya ang mga kasamang nakakulong ngayon na walang hinangad kundi mabago ang kasalukuyang malakolonyal at malapyudal na sistema. Hindi nila mapalaya ang mga kasamang nasa Bilibid Prisons pa at napagpasyahan na ng korte na palayain. Nang dahil sa utos ng imperyalismong US ay hindi nila mapalaya ang dalawang kasama na kinakasuhan ng pagpatay kay Ret. Col. James Rowe ng JUSMAG.

V. Hindi kaya lalong mag-abuso ang mga katulad niyang may mahabang listahan ng krimen sa rebolusyon at mamamayan?

Malayo sa maging abusado ang sinumang nabihag sa digma ng BHB at mahusay na naalagaan hanggang sa mapalaya siya. Ito ang kakaibang katangian ng Hukbong Bayan sa pagtrato sa mga bihag. Hindi katulad sa reaksyunaryong hukbo na kapag nakakabihag ay pinahihirapan at ang iba�y sinasalbeyds na.

Ang mga napapalayang bihag-ng-digma ay dumadaan sa isang reedukasyon. Ang mga natutunan nila sa loob ng reaksyunaryong hukbo ay nagigiba lahat kapag nakapiling, nakita at napapag-aralan ang mga kilos, gawi at mismong mga prinsipyo ng rebolusyunaryong hukbo. Ito ang pakay ng kilusan para sa mga reaksyunaryong sundalo sa hinaharap. Pero sa ngayon pa lang ay inuumpisahan na ang pagrereeduka sa kanila kahit pailan-ilan pa lamang.

Magiging abusado lamang ang mga nabibihag ng BHB kapag nagkamali ang kilusan sa pagtrato sa panahong bihag pa sila o kaya ay nakagawa ang rebolusyunaryong pwersa ng pagkakamali sa kanila o pamilya nila sa panahong napalaya na sila. Kahit napalaya na sila ay patuloy pa rin ang gawaing pampropaganda sa kanila, sa kanilang pamilya, mga kaibigan at sa buong angkanan nila lalo na kung nasa loob sila ng larangang gerilya.

Bagkus na maging abusado, magiging kabilang na rin sila sa mga propagandista ng kilusan sa loob ng reaksyunaryong hukbo kung sakaling piliin pa nilang bumalik sa serbisyo militar na dati nilang kinatatalagahan. Nariyan din ang masang magbabantay sa kanilang mga kilos matapos silang mapalaya.

VI. Ano ang dapat gawin ng rebolusyunaryong kilusan sa mga katulad niya habang hindi pa nabibira o nabibihag ng BHB?

Ang mga napalayang bihag-ng-digma ay dumadaan sa isang reedukasyon. Ang mga natutunan nila sa loob ng reaksyunaryong hukbo ay nagigiba lahat kapag nakapiling, nakita at napapag-aralan ang mga kilos, gawi at mismong mga prinsipyo ng rebolusyunaryong hukbo.

Habang hindi pa nabibihag o nabibira ng BHB ang mga katulad nilang palaban sa rebolusyon, kailangang manyutralisa na sila sa pamamagitan ng kanilang mga kamag-anak o mismong kapamilya. Ito ay bahagi ng gawaing pampulitika ng BHB sa hanay ng kaaway. Kaugnay ito sa makauring pagtrato ng kilusan sa mga indibidwal na sundalo bagamat ang buong makinarya ng AFP-PNP ay itinuturing na mersenaryo at pasistang instrumento ng naghaharing uri upang supilin ang makatarungang paglaban ng rebolusyunaryong mamamayan. Huwag dapat palalampasin ang pagkakataong makapagpropaganda sa hanay ng mga reaksyunaryong sundalo para mapagbago sila sa kanilang mga kilos hanggang sa kumalas sila sa mersenaryo at pasistang hukbo at lubusang pumanig sa mamamayan at sa rebolusyon sa hinaharap.

VII. Ano naman ang tungkulin ng mga nasa Grupong Pang-organisa, Komiteng Pangorganisa, Ganap na Samahang Masa at/o Sangay ng Partido sa Lokalidad/Milisyang Bayan para mapasuko o mapuksa ang mga katulad niya?

Pangunahing tungkulin ng mga nabanggit ang masinop na pagsisiyasat sa kilos at aktibidad ng mga katulad nila upang hindi makapinsala sa hanay ng rebolusyon. Anumang impormasyon na makukuha hinggil sa kanila ay kailangang itala at ipadala sa pinakamalapit na yunit ng BHB para mapagbatayan ng kanilang planong pang-operasyon.

Batay sa atas ng mga kasama sa Hukbo, dapat isagawa ang karagdagang pagsisiyasat hanggang sa panimulang pagkausap sa mga kamag-anak o kaibigan ng mga katulad nila upang makasilip ng pagkakataong manyutralisa sila. Dito rin matutukoy kung patuloy pa silang lalaban sa atin. Kapag nagpakita sila ng layuning magbago na ay dapat silang panimulang propagandahan. Kailangang ipaalala o ipaabot sa Hukbo ang mga pangyayari at resulta ng mga pagbabago ng mga sagadsaring kalaban ng rebolusyon. Sa kabilang banda, dapat ding ibandila ang pagparusa sa mga ayaw magbago o patuloy na lumalaban sa rebolusyunaryong kilusan at patuloy na nang-aapi, nagsasamantala at nandarambong sa mamamayan.

""

 


Previous articleBack to top 

03 Enero 1998
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ang rebolusyunaryong dalawahang taktika sa reaksyunaryong eleksyon

Ibayong Lumulubog sa Kumunoy ng Pagkaalipin
Total Logging Ban sa Mindanao:
Kilusang Masa Laban sa mga Berdugo ng Kalikasan

Pangayaw Laban sa Alsons
Mga Lumad sa Timog Mindanao
Matatatag na Base ng Rebolusyon

Balita
Latian ng Liguasan
Luntiang Lupain, Nais Angkinin

Paglilinaw Hinggil sa Pagpapalaya kay SPO3 Martillano Magtagad
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.