Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Tungkol Sa Deklarasyon Ng Kalayaan Ng Hunyo 12

 Read this article in English

Pahayag ni Armando Liwanag
Tagapangulo, Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipinas
Hunyo 12, 1998

Sa lumang demokratikong rebolusyon, ang Sigaw ng Pugad Lawin ng 1896 ang natatanging pagdedeklara ng Kalayaan ng Pilipinas. Mas makabuluhan at dakila iyon kaysa deklarasyon sa Kawit noong Hunyo 12, 1898 na dinungisan ng pagpapahayag ng pangangayupapa, "sa ilalim ng proteksyon ng Makapangyarihan at Makataong Bansang Norte Amerikano."

Kiling ang pamunuang Aguinaldo na gawing isang �protektorado� ng United States ang Pilipinas. Subalit desidido ang US, na isang papaakyat na kapangyarihang imperyalista, na agawin ang Pilipinas at gawin itong isang ganap na kolonya. Habang kunwa�y tumutulong sa rebolusyong Pilipino, nakikipagaregluhan na ang US para sa paglilipat ng kapangyarihang kolonyal mula sa Espanya, sa pamamagitan ng huwad na labanan sa Manila Bay noong Agosto 1898 at ng pagbabayad ng US$20 milyon para sa Pilipinas sa Tratado ng Paris noong Disyembre 20, 1898.

Pagkatapos magdala ng malaking bilang ng tropa sa Pilipinas, pinasiklab ng US ang Digmaang Pilipino- Amerikano noong Pebrero 4, 1899. Magiting na nakibaka ang mamamayang Pilipino at ang gubyerno at hukbong rebolusyonaryo para sa pambansang kalayaan laban sa digmang pananalakay at pananakop na kolonyal ng US.

Tunay na sinalamin ng deklarasyon ng Kawit ang rebolusyonaryong pagkilos at pagnanasa ng mamamayan sa pambansang kalayaan at demokrasya. Naging inspirasyon din ito para sa serye ng mga aksyong rebolusyonaryo, kabilang ang pagtutol sa pananalakay ng US, ang pagdaraos ng Kongreso ng Malolos at ang proklamasyon ng republika ng Malolos. Ngunit ang pagbanggit sa proteksyon ng US ay nagpakita ng di-makabayan at kontrarebolusyonaryong tunguhin ng pamunuang burges liberal.

Di kayang gagapin at harapin ng kaisipang burges liberal ang umuusbong na penomenon ng monopolyo kapitalismo na mapanlinlang na gumamit ng mga konsepto at salitang liberal. Burges liberal ang pamunuan ng rebolusyon dahil ito�y naliwanagan, at di dahil ito ay ibinunga ng pag-unlad ng kapitalismo, na tulad ng naganap sa rebolusyong Pranses. Ang mga lider ng rebolusyonaryong gubyerno ay walang pasubaling tumutol sa paghaharing kolonyal ng Espanya at sa mga pyudal na ari-arian at makalumang obskurantismo ng mga dayuhang korporasyong relihiyoso. Subalit marami sa kanila ay nagmula sa uring panginoong maylupa at kayang makakuha ng mataas na edukasyon.

Di hamak na mas magandang araw ang Hunyo 12, 1898 kumpara sa Hulyo 4, 1946. Ang deklarasyon ng kalayaan sa Kawit ay bahagi ng daloy ng rebolusyonaryong proseso ng pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika at pagpapabagsak sa kolonyalismong Espanya sa pamamagitan ng armadong rebolusyon. Ang Hulyo 4 ay tanda ng pagkukunwari ng imperyalistang US na "pagkalooban" ng kalayaan ang Pilipinas at ng kumbersyon nito mula kolonya tungo sa pagiging malakolonya.

Sa serye ng pagdiriwang ng lumang demokratikong rebolusyon nitong nakaraang dalawang taon, inalipusta ng mga reaksyunaryong Pilipino ang rebolusyonaryong kapasyahan at tapang ng mamamayang Pilipino na maglunsad ng armadong rebolusyon para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa kolonyalismo at pyudalismo.

Noong 1996, nagsagawa ng ispesyal na pagsisikap ang mga reaksyunaryong Pilipino upang maliitin ang mamamayang naglulunsad ng armadong rebolusyon, siraang puri si Bonifacio, isisi sa kanya ang pagkamartir ni Rizal at itandi si Bonifacio bilang mapusok at marahas na tao kumpara kay Rizal na "mapagsakripisyo, mapagmahal sa kapayapaan at may mataas na pinag-aralan." Balintunang pinasasaring ng mga kleriko at sekular na tagapamandila ng "lipunang sibil" na mas mahusay na landas ang repormismo sa ilalim ng kolonyalismong Espanyol kumpara sa armadong rebolusyon na kanilang pinintasang nakasasama sa sarili o mas masahol pa sa armadong kontrarebolusyon.

Ngayong 1998, ubos-kayang nagsisikap at gumagastos ng malaking halaga ang mga reaksyunaryong Pilipino upang ipagdiwang ang Hunyo 12 sa pamamagitan ng pagpapalobo sa papel ng mga ilustradong ninuno ng kasalukuyang reaksyunaryong mga uri ng malaking komprador at panginoong maylupa at pagtatakip sa dakilang rebolusyonaryong pakikibaka ng masang anakpawis, sa pagdadalawangmukha ng imperyalismong US, sa patuloy na dominasyon ng US sa Pilipinas at sa pangangailangang ipagpatuloy ang pambansa-demokratikong rebolusyon laban sa dayuhan at pyudal na paghahari.

Alinsunod sa kanilang makauring kiling, nais ng mga reaksyunaryong Pilipino na alisan ng rebolusyonaryong diwa ang lumang demokratikong rebolusyon at tumutungo sila sa pagpuri sa patakarang �mapagpalang asimilasyon� ng US, sa sukdulang pagsuko at kooptasyon ng pamunuang ilustrado at sa patuloy na pagtanggap sa imperyalistang dominasyon ng US. Ginagawa nila ito sa kontrarebolusyonaryong diwa ng pagtuligsa sa rebolusyonaryong dahas ng mamamayan at pagtatakip sa kontrarebolusyonaryong dahas ng imperyalismo at ng lokal na mapagsamantalang mga uri ng malalaking komprador at panginoong maylupa.

Sinasalamin lamang ng ganitong laganap na kiling ng mga reaksyunaryo ang katotohanan na ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya ay nananatiling bigo at kailangang ipagpatuloy. Sa likod ng kasinungalingan ng �pagkakaloob� ng US ng kalayaan, patuloy ang US sa lahatang-panig na dominasyon sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga tutang pulitikong kabilang sa mga lokal na mapagsamantalang uri.

Utang na dugo ng imperyalismong US sa mamamayang Pilipino ang daan-daan libong buhay na nabuwis sa kanilang digma ng kolonyal na pananakop at ang milyun-milyong buhay na nasalanta sa hanay ng masang anakpawis ng manggagawa at magsasaka sa loob ng mahigit 40 taon ng direktang paghaharing kolonyal at mahigit 50 taon ng di direktang paghaharing kolonyal na nagpapatuloy hanggang kasalukuyan.

Ang paglipat ng Pilipinas mula kolonya tungong malakolonya o neokolonya ay nagpahintulot sa US na apihin at pagsamantalahan ang mga Pilipino sa paraang higit na marahas at mapanlinlang kaysa nakaraan sa pamamagitan ng mga lokal na mapagsamantalang uri ng malalaking komprador at mga panginoong maylupa at ng mga reaksyunaryong pulitiko mula sa kanilang hanay.

Ang mga papet na burukrata-kapitalista sa reaksyunaryong gubyerno ang mga nakalantad na amo ng mamamayang Pilipino. Ngunit ang imperyalismong US, kasama ng iba pang kapangyarihang imperyalista, ang patuloy na kumokontrol sa ekonomya at pinansya ng bansa, humuhuthot ng supertubo, nagpapataw ng di matiis na pasaning utang sa mamamayan, nagsasadlak sa kanila sa kahirapan at pagdarahop at nagsusuplay ng armas para supilin ang rebolusyonaryong paglaban.

Sa kasalukuyang pandaigdigang kaayusan ng "malayang kalakalan" na gumagamit ng mga islogan ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon, ang pagkakasakal ng dayuhang monopolyo-kapitalismo sa ekonomya ng Pilipinas ay higit na mahigpit kaysa nakaraan. Hindi tinutugunan ng mga imperyalista at lokal na reaksyunaryo ang hangarin ng mamamayan para sa proteksyon ng pambansang patrimonya, pambansang industriyalisasyon, tunay at ganap na reporma sa lupa at katarungang panlipunan.

Nananatili ang kontrol-militar ng US sa Pilipinas sa pamamagitan ng patuloy na umiiral na US Military Assistance Agreement at US-RP Mutual Defense Treaty. Ipinapataw din nito sa Pilipinas ang Visiting Forces Agreement na may layong gawing base militar ng US ang buong bansa sa ilalim ng estratehiya ng US ng pandaigdigang dominasyon at ng alyansang militar ng US at Japan.

Ipinoproklama ng mga imperyalistang US at ng kanilang mga papet na Pilipino, sa paraang minsa­y garapal at minsan nama­y tuso, na ang pakikibaka para sa pambansang kasarinlan at kalayaan ay lipas na at kailangan lamang ng Pilipinas na panatilihin ang kanyang abang katayuan sa pandaigdigang "malayang pamilihan" alinsunod sa itinakda ng mga ahensyang multilateral (tulad ng IMF, World Bank at WTO) at ng mga korporasyon at bangkong multinasyunal ng dayuhang monopolyo kapitalismo.

Winawasak ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng lokal na naghaharing sistema ang buhay ng malawak na masa ng mamamayan at nagdudulot ito ng di matiis at walang katulad na paghihirap. Walang ibang pagpipilian ang sambayanang Pilipino kundi isulong ang bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan.

Nagapi ang lumang demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng karahasan at panlilinlang ng imperyalismong US at dahil sa pagkakanulo ng mga lokal na reaksyunaryo. Kaya kailangang ipagpatuloy ang rebolusyong Pilipino. Sa kasalukuyang panahon ng imperyalismo at proletaryong rebolusyon, pinamumunuan ng uring manggagawa at ng rebolusyonaryong partido nito ang bagong demokratikong rebolusyon sa Pilipinas. Sa katunayan, sumusulong ang rebolusyon.

Minana ng Partido Komunista ng Pilipinas mula sa Katipunan ang kapa ng rebolusyonaryong pamumuno. Sa pamumuno ng PKP, nagpupunyagi ang mamamayang Pilipino sa kanilang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa paghaharing dayuhan at pyudal. Ipinagpapatuloy nila ang mga di pa natutupad na tungkulin ng rebolusyong Pilipino.

Iniluluwal ng bagong kaguluhang pandaigdig ang mga kundisyon para sa muling pagdaluyong ng kilusang anti-imperyalista at sosyalista. Sa tulong ng gayong mga kundisyon at ng mga positibo at negatibong aral na halaw mula sa nakaraang mga rebolusyonaryong pakikibaka ng uring manggagawa, nasa pusisyon ang PKP na pamunuan ang mamamayang Pilipino sa pambansa-demokratiko at sosyalistang yugto ng rebolusyong Pilipino at makabuluhang makapagambag sa pagsulong ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo.

 


 Back to top 

12 Hunyo 1998
Edisyong Pilipino


Tungkol Sa Deklarasyon Ng Kalayaan Ng Hunyo 12
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.