Balita
Walang awat na pamamaslang sa Davao City, kinundena ng BAYAN
Mariing kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN)-Southern Mindanao ang walang awat na pamamaslang sa Davao City. Umaabot na sa 22 katao ang biktima ng pananalbeyds sa syudad sa loob ng 15 araw.
Pinakahuling mga biktima ng mga nakabisikletang vigilante sina Albert Canedo at Jun Rey Reducto, parehong kasapi ng Anakbayan. Ang dalawang kabataan ay walang kriminal na rekord sa kanilang komunidad.
May palagay ang BAYAN na ang nagpapatuloy na pananalbeyds na ito ay pagkukundisyon sa isipan ng mamamayan na maging katanggap-tanggap ang ekstrahudisyal na pagpatay sa mga nagtutulak ng droga at maliliit na kriminal. Nagpahayag ng pangamba ang BAYAN na sa pagkakapaslang kina Canedo at Reducto, pananalbeyds ang magiging paraan para likidahin ang mga lider at kasapi ng mga progresibong organisasyon.
Binatikos din ng BAYAN ang kawalang-silbi ng Philippine National Police, Task Force Davao (TFD) at Armed Forces of the Philippines dahil hanggang sa kasalukuyan ay wala pa itong nadarakip sa mga salarin.
Inagurasyon ni Abbas, idinaos
Nanumpa si Mahmoud "Abu Mazen" Abbas bilang presidente ng Palestinian Authority nitong Enero 15 sa West Bank. Ang panunumpa ay kagyat na isinagawa matapos manalo si Abbas sa eleksyong idinaos nitong Enero 9 upang palitan ang yumaong si Yasser Arafat.
Si Abbas, na pumalit din kay Arafat bilang tagapangulo ng Palestinian Liberation Organization ay nagkamit ng 62% ng mga boto.
Isang araw bago ang inagurasyon ni Abbas, pinutol ni Ariel Sharon, prime minister ng Israel, ang ugnay kay Abbas at sa Palestinian Authority dahil umano sa mga pang-aatake ng mga grupong Palestinian. Ito ay sa kabila ng panawagan ni Abbas para sa pagpapatuloy ng usapan sa pagitan ng magkatunggaling bansa para resolbahin ang kaguluhan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|