Mga katotohanan sa likod ng "pagmamalasakit" ni "Ate Glo" sa maralitang lunsod
Nagpapabango si Macapagal-Arroyo bilang "Ate Glo" na kunway mapagmalasakit sa maralita. Nahamon siya ng pangyayaring may malaking bilang ang nabayaran at nalinlang ng mga pwersang maka-Estrada mula sa hanay ng mga maralita ng lunsod upang mamobilisa para sa tinaguriang Edsa 3 at sa pagsugod sa Malakanyang noong Mayo 1. Kaya naglabas si Macapagal-Arroyo ng pakitang-taong direktibang magbibigay ng mga titulo para sa lupa sa mga komunidad ng mga maralitang lunsod sa Metro Manila at Mindanao. Kasabay nito, sa mga tinatawag niyang "konsultasyon sa mahihirap", ipinangalandakan ni Macapagal-Arroyo ang mga pangakong pabahay, proyektong pangkabuhayan at iba pang serbisyo para sa mamamayang naghihikahos.
Sa likod nito, maramihang demolisyon ang isinasagawa ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa mga komunidad ng mga maralitang lunsod. Sa loob ng napakaiksing panahon, mahigit 18,000 pamilya ang agad na nawalan ng tirahan. Ilan lamang sa mga lugar na tinarget nito ang Malabon, Balintawak at Tondo sa Metro Manila. Mismong ang mga ahensya ng pabahay ang nag-utos ng demolisyon. Walang patumangga ang paglabag ng mga pulis at bayarang goons sa karapatang-tao ng mga maralita. Di malayong malagpasan ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang rekord ng pinatalsik na rehimen sa buong taon ng 2000 sa usapin ng dami ng naging biktima at antas ng karahasan sa demolisyon.
Hulyo 12: Umabot sa 50 ang bilang ng mga maralitang lunsod na nasaktan sa marahas na demolisyon sa Malabon. Isang lalaki at tatlong babae kabilang ang isang buntis ang inaresto ng mga pulis. Ang mga inaresto ay kalahok sa paglaban ng mga residente sa tangka ng demolition team at mga kagawad ng Substation 2 ng PNP sa pamumuno ni Chief Supt. Pablo Aquino na gibain ang daan-daang bahay sa umano�y pribadong Gozon Compound sa Letre Road, Barangay Tonsuya.
Hunyo 28: Giniba ng mga armadong pulis at demolition team ang mga tirahan ng may 500 pamilya sa Barangay Catmon, Malabon. Ilang buwan nang binabayaran ng mga residente ng P300 bawat buwan ang may titulo sa lupaing kanilang tinitirahan. Ni walang temporaryong lugar na inialok sa kanila ang lokal na pamahalaan, taliwas sa mismong batas ng reaksyunaryong sistema.
Hunyo 19: Mismong ang demolition team ng National Housing Authority at mga pulis ang nagwasak sa mga bahay sa Smokey Mountain sa Baryo Madaragat, Balic-Balic, Tondo. Hinaras, binugbog, ikinulong at pinagnakawan pa nila ang mga nanlabang residente.
Marso 5 at 9: Dinemolis ng mga tropa ng Task Force Control, Prevention and Removal of Illegal Structures and Squatting ang mga bahay sa Old Samson Road, Balintawak, Quezon City. Dahil dito, limang bata ang tuluyang namatay sa tigdas nang mawalan ng kahit anong silungang bubong.
Matatandaang libong katao, kabilang ang kababaihan at mga bata, ang dumanas ng kalupitan sa kamay ng mga elemento ng Philippine Army, Marines at SWAT ng PNP sa mga komunidad ng mga maralitang lunsod sa Maynila, Malabon, Navotas at Caloocan noong maagang bahagi ng Mayo. Kinurdunan, inatake, tinakot at iligal na pinaghuhuli ng mga naturang tropa ang mga residente rito. Kaakibat ito ng pagtugis sa mga pwersang maka-Estrada na lumahok sa pag-atake sa Malakanyang noong Mayo 1.
Ang kumakalam na sikmura ng masang anakpawis ay hindi kailanman mapupunan ng kahit anong panliligaw ni panlilinlang ng sinumang reaksyunaryo na mag-aastang kampyon nila nang hindi nilulutas ang pinagmumulan ng kanilang karalitaan. Ang kabuuan ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa bansa ang siyang pinakadahilan ng pagkakaroon ng milyun-milyong maralitang lunsod at patuloy pang pagdami nila. Tanging ang pagbabagsak nito at ang pagkakamit ng pambansang kalayaan at demokrasya para sa kapakanan ng mamamayan, laluna ng masang anakpawis, ang makalulutas sa suliranin ng mamamayang maralita.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|