|
Kalagayan ng karapatang-tao sa bansa
Lalo pang lalala ang kalagayan ng karapatang-tao sa bansa sa susunod na anim na taong panunungkulan ni Pres. Gloria Macapagal-Arroyo.
Batay sa pagtatasa ng KARAPATAN sa rekord ng rehimeng Arroyo mula 2001 hanggang unang bahagi ng taong kasalukuyan, nakikini-kinita nito na dadami pa ang mga paglabag sa mga karapatang-tao sa Pilipinas habang ipinatutupad ng gubyerno ang "matatag na republika" ni Arroyo at masugid nitong itinataguyod ang "gera laban sa terorismo" ng US.
Papalaki rin ang presensya at panghihimasok-militar ng US sa bansa. Matatandaang noong bago matapos ang "Balance Piston 04-03" sa Central Mindanao, kinumpirma ni Gen. Narciso Abaya, hepe ng AFP, na mayroon pang 18 pinagsanib na pagsasanay-militar ang US at ang Pilipinas ngayong taon. Kaugnay nito, iigting pang lalo ang mga kampanya laban sa armadong rebolusyonaryong kilusang inilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng Bangsamoro Islamic Armed Force sa pamumuno ng Moro Islamic Liberation Front.
Habang sinusupil ang mga kalayaang sibil ng malawak na mamamayan, lalo pang lalala ang pagsasamantala at pang-aapi sa uring anakpawis dahil sa walang tigil na pang-aatake ng pasistang estado sa ligal na demokratikong kilusan. Bunga nito, dadami pa ang bilang ng mga mamamayan na aarestuhin dahil sa mga paglabag pampulitika subalit sasampahan ng mga kasong kriminal. Samantala, patuloy pa ring ipinagkakait ng rehimen ang hustisyang isinisigaw ng mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao, laluna noong panahon ng diktadurang Marcos. Malabo pa ring mabigyan ang mga ito ng danyos perwisyos kahit may desisyon na ang mga korte sa US at sa Pilipinas pabor sa 10,000 biktima ng paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng batas militar.
Humahabang listahan ng mga paglabag sa karapatang-tao (2001-2004)
Pwersahang nagsilikas o nawalan ng tirahan | 113,211 katao | Nakaranas ng pagbabanta, harasment at pananakot | 26,093 katao | Nasiraan ng mga ari-arian | 12,067 katao | Nawalan ng kanilang ari-arian | 8,966 katao | Biktima ng iligal na mga paghahalughog | 5,786 katao | Biktima ng koersyon | 1,559 katao | Biktima ng food at economic blockade | 1,337 katao | Pisikal na inatake | 1,289 katao | Sapilitang tinipon sa mga "hamlet" | 1,236 katao | Iligal na inaresto at ikinulong | 1,191 katao | Nirekonsentra o muling tinipon sa mga "hamlet" | 896 katao | Arbitraryo at iligal na idinitine | 676 katao | Biktima ng pananalbeyds/masaker | 319 katao | Biktima ng tortyur | 183 katao | Tinangkang patayin | 59 katao | |
|
|
|
07 Setyembre 2004 Edisyong Pilipino
|
|
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.
AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.
Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here. |
|