|
Daan-daang residente, namakwit sa Samar
Daan-daang residente ng limang barangay ng San Jorge, Samar ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan mula nang paigtingin ng mga elemento ng 34th IB ang mga pang-aabuso nito noong Marso. Ang mga nagsilikas ay mula sa mga barangay ng Sinit-an, Guadalupe, Hernandez, Bay-ang at Bungliw, na may kabuuang populasyong 776 katao. Ayon sa salaysay ng mga residente, matapos ang isang matagumpay na ambus ng mga Pulang mandirigma ng Arnulfo Ortiz Command ng BHB sa mga tropa ng 34th IB noong Marso 3, nag-ibayo na ang pandarahas ng militar sa mga tagabaryo.
Isang mag-asawang magsasakang nakatira malapit sa pinag-ambusan ang napatay nang sunugin ng militar ang kanilang bahay ilang araw matapos ang pananambang. Pinaratangan sila ng militar na may kinalaman sa ambus.
Noon namang Marso 9, pinatay ng mga pinaghihinalaang militar si Benito "Bening" Mabini, kapitan ng Barangay Sinit-an na kahahalili lamang sa dating punong barangay na si Rolando Mabini, na pinaslang din bago ito.
Mula noon ay nagsimula nang magsibakwit ang mga residente. Ayon sa resulta ng fact-finding mission na inilunsad ng Sangguniang Bayan ng San Jorge at iba pang upisyal ng munisipalidad noong Abril 7, okupado na ng militar ang mga bahay ng ilan sa mga pamilyang nagsilikas mula sa Barangay Sinit-an. Sa Barangay Bungliw, binantaan ng 34th IB ang mga residente na susunugin ang kanilang baryo kung hindi nila ituturo kung nasaan ang BHB at sampung sibilyan sa kanilang barangay ang isasalbeyds sa bawat sundalong napapatay. Sa Barangay Guadalupe at Hernandez, inireklamo ng mga taumbaryo ang mga pang-aabusong militar ng 34th IB tulad ng di pagbabayad ng mga binibili sa tindahan, di pagbabalik ng mga hiniram na gamit sa bahay, pag-uutos sa kababaihang umakyat ng puno ng niyog at pagbabawal sa mga tagabaryo na matulog sa kanilang malalayong sakahan. Pinipilit din ang taumbaryong dumalo sa mga pulong na tinatawag ng militar kahit mayroon silang mga gawain, at kung hindi'y pararatangan silang myembro ng BHB.
|
|
21 Abril 2005 Edisyong Pilipino
|
|
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.
AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.
Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here. |
|