Tatalim ang alitan ng mga reaksyunaryo hinggil sa pagbabago ng konstitusyon
Ang pamimilit ni Estrada na baguhin ang konstitusyon ng reaksyunaryong estado sa kabila ng malawakang pagbatikos dito ay nagtutulak ng lalo pang pagtalim ng alitan ng magkakaribal na reaksyunaryong paksyon. Alam ng mga reaksyunaryong anti-Estrada na ang paulit-ulit na paggigiit ni Estrada na itutuon lamang sa mga probisyong pang-ekonomya ang isasagawang pagbabago sa konstitusyon ay pantabing lamang sa nais na ilusot na mga pagbabagong magbibigay ng higit na kapangyarihan at pribilehiyong pampulitika kay Estrada at sa kanyang mga alipures.
Nagbabadya ang isang mayor na krisis pampulitika ng naghaharing sistema na sumesentro sa usapin ng mismong pagiging presidente ni Estrada ng reaksyunaryong estado.
Isang pagmamaskara lamang ang paglalarawan sa sarili ng mga reaksyunaryong anti-Estrada na ang pagtutol nila sa pagbabago ng konstitusyon ay hindi nangangahulugang kontra sila kay Estrada. Layunin nila sa ngayon na mahikayat ang mga reaksyunaryong maka-Estrada na pumusisyon laban sa pagbabago ng konstitusyon. Ngunit sa harap ng pagmamatigas ni Estrada at pagkokonsolida ng kanyang hanay, kailangang hubarin ng mga reaksyunaryong anti-Estrada ang maskarang ito kung determinado silang hadlangan ang pagbabago ng konstitusyon at ipagtanggol ang kanilang sariling interes.
Muling binuo ni Estrada ang LAMP ("Lapian ng Masang Pilipino") bilang isang partido upang maghanda sa malalaking pampulitikang labanan . Nais niyang matiyak na maipaiilalim niya sa kanyang kumpas ang mga kasapi ng LAMP upang isalaksak ang pagbabago sa konstitusyon. Sa kasalukuyan, tinitiyak ni Estrada na ang pamunuan at mayorya ng Kongreso at Senado ay napapabilang sa kanyang mga tapat na tauhan upang maipwersa ang pagbabago sa saligang batas sa kabila ng mahigpit na oposisyon.
Sa simula pa lamang ng pag-upo ni Estrada, agad nang naging malinaw na tatalas nang tatalas ang alitan ng mga reaksyunaryo. Malubha ang krisis panlipunan na nagtutulak sa mga reaksyunaryo na maging desperado at magunahan sa pagkontrol ng mga negosyo at mga piling pwesto sa burukrasya.
Dalawang malaking kampo ng mga reaksyunaryo ang ngayo'y nag-uumpugan. Sa pangkalahatan, ito ay ang kampong maka-Marcos at kampong anti-Marcos. Ang naghaharing pangkating Estrada ang pangunahing kumakatawan sa unang kampo na kumandili at nagbukas ng malawak na pintuan upang ganap na makapanumbalik ang mga Marcos sa poder at mabawi o mapangalagaan ang kanilang mga nakaw na yaman. Binubuo ito ng pamilyang Marcos at mga alipures ng diktadurang Marcos na ngayon ay nakapanumbalik na sa kapangyarihan sa pamamagitan ni Estrada.
Sa kabilang dako ay ang kampong anti-Marcos na binubuo pangunahin ng mga reaksyunaryo na nilamangan ni Marcos mula 1972 hanggang 1986, nakaupo sa pwesto mula 1986 ngunit ngayo'y muling inaagrabyado ng naghaharing pangkat.
Ang walang pakundangang panlalamang ng naghaharing pangkating Estrada sa interes ng ibang seksyon ng naghaharing uri at ang ala-Marcos na pagsasarili ng pakinabang at poder ng estado ay nagtutulak sa kampong anti-Estrada/Marcos na aktibong tumindig bilang oposisyon sa pulitika. Kumikitid ang puwang at nangangamba ang mga elementong anti-Estrada/Marcos na tuluyang mapagkaitan ng karapatan at ari-arian sa ala-Marcos na pagmomonopolyo ni Estrada sa estado poder.
Ang alitan sa pagitan ng mga reaksyunaryo hinggil sa pagbabago ng konstitusyon ay isang positibong bagay para sa rebolusyonaryong kilusan. Kailangan itong samantalahin upang pahinain ang poder ng naghaharing reaksyunaryong pangkat. Nasa interes ng mga reaksyunaryong anti-Estrada/Marcos na mapabilang sa isang malawak na antipasistang prente ng mamamayan. Wastong maging bukas ang mga progresibo at militanteng pwersa sa kanilang pakikipagtulungan para sa layuning labanan at biguin ang mga anti-demokratikong pakana ng rehimeng Estrada.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|