Palayain ang lahat ng mga bilanggong pulitikal!
Patuloy na umaalingawngaw ang panawagan para sa kagyat na pagpapalaya ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa lahat ng 254 bilanggong pulitikal nang walang anumang kundisyon o kapalit. Dapat tugunan ng bagong-luklok na rehimen ang mahigpit na paggigiit para rito ng mga kamag-anak ng mga bilanggong pulitikal, ng mga organisasyong pangkarapatang-tao, ng simbahan at ng buong sambayanan.
Ang mga bilanggong pulitikal ay biktima ng walang-patumanggang kontra-rebolusyonaryong digma na inilulunsad ng reaksyunaryong estado. Sila ay dinakip at ipiniit dahil sa kanilang pakikipaglaban para sa interes ng masang anakpawis. Sinampahan sila ng mga kasong kriminal upang itangging pulitikal ang kanilang mga kaso. Ang kanilang patuloy na pagkapiit ay paglabag sa mga karapatang sibil ng mga bilanggong pulitikal.
Sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng imperyalismong US at ng militar, laluna ng Executive Secretary na si Gen. Renato de Villa, napilitan si Macapagal-Arroyo na ipag-utos nitong huling linggo ng Pebrero ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal dulot ng mariing paggigiit ng malawak na seksyon ng lipunan. Subalit di tulad ng kagyat na pagpapalaya ni Corazon Aquino noong 1986 sa mayorya ng mga bilanggong pulitikal ng batas militar, ang kautusan ni Arroyo ay sumaklaw sa 73 lamang.
Dahil sa puspusang pakikipaglaban para rito ng mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao ay naaprubahan na ng dating Department of Justice (DOJ) ang pagpapalaya sa may 50 bilanggong pulitikal bago pa man mapatalsik si Estrada. Dinagdagan ito ng bagong rehimen ng 27 pa subalit pinatawan naman ng napakaraming kundisyon ang pagpapalaya sa kanila. Masahol pa, aroganteng ipinatanggal ni De Villa sa listahan ang humigit-kumulang 30, kabilang sina Leoncio Pitao, kilalang pinuno ng Bagong Hukbong Bayan sa Hilagang Mindanao, at Lorna Baba, isang taong-simbahan.
Gayundin, tulad ng mga nagdaang rehimen, tinanggihan ni Macapagal-Arroyo na palayain sina Donato Continente at Juanito Itaas, alinsunod sa panghihimasok ng imperyalismong US. Ito�y kahit sina Continente at Itaas, na pinagbibintangang pumatay sa Amerikanong si Lt. James Rowe noong 1989, ay pinagkalooban na ng parole ng mga reaksyunaryong korte.
Ang patuloy na pagbibimbin sa mga bilanggong pulitikal ay isang malaking inhustisya. Lalong malaking inhustisya ang ginagawa ng rehimeng Macapagal-Arroyo na habang nakabilanggo ang mga detenidong pulitikal ay patuloy nitong pinahihintulutang makapamayagpag sa buong kapuluan ang mga sagad-sagarang kriminal gaya nina Joseph Estrada at Panfi lo Lacson, tinatanawan ng utangna- loob ang mga berdugong gaya ni Angelo Reyes, at kinakaibiga�t niyayakap ang mga mapagsamantala�t mapang-api gaya nina Danding Cojuangco at Lucio Tan.
Para sa mga detenidong pulitikal, kanilang mga kamag-anak at mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao, tuluy-tuloy ang pakikibaka hanggang mapalaya ang lahat ng bilanggong pulitikal. Higit kailanma�y lumilinaw na ang bawat pag-usad tungo sa mithing paglaya ay makakamit lamang sa pamamagitan ng walang-pagod na pakikipaglaban para rito. Isang bagay pa ang tiyak: hangga�t hindi nababago ang naghaharing sistemang tumuturing sa rebolusyonaryong paninindigan bilang krimen, magpapatuloy ang pakikibaka kahit pa nakalabas na sa selda.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|