Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Balita

 Read this article in English

AMBUS, REYD INILUNSAD SA SAMAR

Dalawang matagumpay na taktikal na opensiba ang inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Samar noong umaga ng Hulyo 28. Tinambangan ng mga Pulang mandirigma sa Barangay Urdaneta, Lavezares, Northern Samar ang dyip na may lulang mga sundalo mula sa 801st Bde ng Philippine Army. Namatay sa naturang ambus si Tin. Gabriel Rosales at dalawa pang sundalo. Apat na iba pang sundalo ang sugatan.

Samantala, 200 metro mula sa pinangyarihan ng ambus, nireyd ng isa pang tim ng mga gerilya ang punong himpilan ng 1st PNP Provincial Mobile Force. Dalawang pulis ang iniulat na namatay at marami ang sugatan. Walang kaswalti sa hanay ng BHB. Nakumpiska sa dalawang labanang ito ang limang M16, dalawang M14, isang M60, dalawang pistolang .45 , isang .38 na rebolber at iba pang kagamitang militar.

Sanhi ng matinding kahihiyan, iniutos ng pambansang liderato ng pulisya ang pagsibak sa PNP Regional Director para sa Silangang Kabisayaan na si Hen. Tuacula Ulama.

TAKTIKAL NA OPENSIBA, PATULOY SA BIKOL

Pitong tropa ng kaaway ang napatay at tatlo ang sugatan sa sunud-sunod na taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan sa Bikol mula Marso hanggang Agosto. Labindalawang iba�t ibang kalibreng armas ang nasamsam ng mga Pulang mandirigma.

Sa Brgy. Caayunan, Basud, Camarines Norte, isang sundalo ng Philippine Army na nagngangalang Juan dela Rosa ang napatay sa isnayping na isinagawa ng BHB nitong Agosto 13.

Nito namang Hulyo 20, isang ditatsment ng 22nd IB PA sa Brgy. Rosario, Oas, Albay ang nireyd ng BHB. Naganap ito bandang ika-11 n.u. Walong matataas na kalibre na riple at isang M60 masinggan ang nadagdag sa mga armas ng BHB. Napatay si PFC Manuel Baldoza sa dalawang oras na labanan.

Ayon sa Silyab, pahayagang masa sa Kabikulan, isang CAFGU ang napaslang sa pag-harass na isinagawa ng 14-kataong yunit ng BHB laban sa 76th IB noong Mayo 12 sa Pasacao, Camarines Sur.

Tatlong myembro naman ng PNP Regular Mobile Force Company ng Tiwi, Albay ang nabuwal sa isang ambus ng BHB sa Sityo Cristo, Tiwi, Albay noong Abril 1. Sumuko ang isang taga-RSAF at sugatan ang dalawa pang pulis. Nasamsam ang dalawang M16 at isang rebolber.

Ang naturang mga TO ay inilunsad matapos ang dalawang magkasunod na pananambang sa Sorsogon noong Marso. Nasawi sa pananambang ang isang elemento ng AFP at malubhang nasugatan ang isa pang pulis.

KAAWAY PINADUGO NG BHB

Pinadugo ng mga gerilya ng BHB ang kaaway sa iba�t ibang taktikal na opensiba sa Luzon at Mindanao.

Sa Brgy. Calubcob I, San Juan, Batangas, isang myembro ng PNP Mobile Force Company ang pinarusahan ng tatlo-kataong isparo yunit ng BHB nitong Agosto 30. Nasamsam mula kay SPO2 Santiago Bonilla ang isang M16 at isang .45.

Samantala, isang tinyente ang napatay nang ambusin ng isang platun ng BHB ang mga tropa ng 54th IB PA sa Sityo Bacalan, Brgy. Mainit, Mt. Province nitong Agosto 24. Kinilala ang napatay na upisyal na si 2Tin. Pericles Tirasol. Nasugatan sa labanan sina Cpl. Enrique Bulong at Cpl. Arsenio Millano.

Napatay naman ang hepe ng pulisya ng Boston, Davao Oriental at tatlo pang tropa ng PNP sa isang ambus ng BHB nitong Hulyo. Limang pulis din ang nasugatan. Lulan ng dyip ang mga tropa nang tambangan sila ng mga Pulang mandirigma.

KUMPERENSYA NG ILOKOS-KORDILYERA IDINAOS

Matagumpay na nailunsad kamakailan lamang ang magkasanib na kumperensya ng Rehiyong Ilokos-Kordilyera. Sa pangunguna ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral ng Partido, nalagom ang rebolusyonaryong praktika ng dati�y magkahiwalay na rehiyon.

Nagbigay ng masusing pansin ang kumperensya sa konsolidasyon ng Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon; sa pagpapatuloy ng pagsulong ng kilusang pagwawasto; at sa mga kritikal na suliraning nakapipigil sa kabuuang pagsulong ng rehiyon.

Naipinal din ang oryentasyon ng isang pangunahing sentrong lunsod sa rehiyon.

Pinagtibay ng mga delegado ang isang resolusyong nagtatakda ng mga katangian ng Cordillera People�s Democratic Front (CPDF) na nagbubuklod sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon.

Samantala, may nabalangkas nang tatlong taong programa ang bagong halal na pamunuan. Masasalamin sa programa ang direksyon ng pagpapalawak at pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon.

PEACE FORUM GINANAP SA MINDANAO

Matagumpay na idinaos mula Mayo 24 hanggang Hulyo 4 ang Mindanao-wide Peace Forum sa pangunguna nina Ka Luis Jalandoni at Coni Ledesma, mga kinatawan sa usapang pangkapayapaan ng Pambansang Demokratikong Prente ng Pilipinas (PDPP). Tinalakay sa peace forum na ginanap sa mga pangunahing lunsod ng Mindanao ang mga batayang suliraning kinakaharap ng mga mamamayan sa buong isla. Sa Butuan City, higit 600 ang dumalo sa isinagawang konsultasyon.

Sa kaugnay na balita, pinalaya ng Frank Navarro Command ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Hilagang Mindanao si Pfc. Rito Noguerra. Si Noguerra, elemento ng 36th IB ay pinakawalan nitong Mayo 9 sa San Luis, Agusan del Sur. Isa siya sa dalawang sundalong dinakip ng BHB noong Abril 20 sa Mahagsay, San Luis habang nagsasagawa ng operasyong �kontra-insurhensya�. Si Tin. Christopher Tampos, na inaresto kasama ni Noguerra ay nakatakas noong Abril 22.

Ayon sa Kalihukan, rebolusyonaryong pahayagang masa sa Hilagang Mindanao, si Noguerra ay pormal na ipinasa sa mga kinatawan ng International Committee of the Red Cross, mga taong simbahan at mga upisyal ng lokal na reaksyunaryong gubyerno. Pinalaya siya sa bisa ng kautusang inisyu ng PDPP noong Mayo 1.

MASAKER SA DINGALAN INILANTAD

Masaker, hindi engkwentro: Ito ang naging kongklusyon ng isinagawang fact-finding mission ng mga grupong nangangalaga sa karapatang-tao sa pagkapatay ng apat na kabataan sa Brgy. Dikapanakian, Dingalan, Aurora nitong Hunyo 9.

Pinasubalian ng imbestigasyong pinangunahan ng Alliance for the Advancement of People�s Rights (Karapatan) ang sinasabi ni Kalihim sa Depensa Orlando Mercado at mga upisyal ng AFP na ang mga kabataang kabilang sa katulong na yunit ng BHB ay naka-engkwentro ng mga tropa ng 56th at 70th IB.

Napatunayang walang awang pinagpapapatay sina Cely A�onuevo, 14; Maritess Casamis, 16; Jimmy Baltazar, 18; at Ricardo Ilustre, 19. Nahuli naman at pansamantalang pinalaya si Wilfredo Quibral. Ayon sa testimonya ni Quibral at sa iba pang ebidensyang nakalap, sina A�onuevo at Casamis ay ginahasa bago patayin. Ang dalawa pang kabataang lalaking sugatan na wala nang kakayahang lumaban ay tinuluyan pa rin sa utos ni Tin. Raymundo Aguada, ang pinuno ng sumalakay na mga tropa.

Mariing kinundena ng mamamayan ng Dingalan, Aurora ang masaker at iginiit ang pagpapatalsik sa mga sangkot na yunit ng AFP.

KASUNDUAN SA KARAPATANG-TAO PINIRMAHAN NI ESTRADA

Pinirmahan na ni Pangulong Joseph Estrada ang Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa mga Karapatang-tao at sa Internasyunal na Makataong Batas. Inaprubahan ito ni Estrada sa bisa ng isang memorandum na inilabas nitong Agosto 7. Matatandaang ang nasabing kasunduan ay nilagdaan ng mga kagawad ng negotiating panel ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at Pambansang Demokratikong Prente ng Pilipinas (PDPP) noon pa mang Marso 16 sa The Hague, The Netherlands.

Si Ka Mariano Orosa, tagapangulo at tumatayong prinsipal ng PDPP sa usapang pangkapayapaan, ay pumirma na sa kasunduan noong Abril 10.

Samantala, sa isang pahayag na inilabas nitong Agosto 11 ni Ka Luis Jalandoni, Tagapangulo ng Negotiating Panel ng PDPP, kinilala ang pag-apruba ni Estrada sa kasunduan kasabay ng isang hamon na kagyat itong ipatupad. Ayon pa sa pahayag ,may mga aksyong kailangang gawin pa ang rehimeng Estrada upang ipakita sa sambayanang Pilipino ang kaseryosohan nito sa pagpapatupad ng kasunduan. Kabilang dito ang pagpapalaya sa mga detenidong pulitikal; indemnipikasyon sa mga biktima ng paglabag sa mga karapatang-tao sa panahon ng diktadurang Marcos; pagbubuo ng magkasanib na komite para sa monitoring; pagpasada at pagpapawalambisa sa mga mapaniil na batas, dikreto at iba pang ehekutibong atas; at pagpasada at pagbago sa mga patakaran, batas, programa, proyekto, kampanya at praktika ng GRP na nagiging sanhi o nagbibigay-daan sa pwersahang ebakwasyon at rekonsentrasyon ng mga sibilyan at iba pang paglabag sa karapatang-tao.

 


Previous articleBack to top 

09 Hulyo 1998
Edisyong Pilipino


Editoryal - Kleptokrasya at ang bulok na naghaharing sistema:
Ang Pangit na Mukha ng Burukratang Kapitalismo sa Rehimeng Estrada

Erap para kay Danding
Sino ang tunay na kriminal?
Ang Tiwali at Bulok na AFP at PNP

Visiting Forces Agreement
Magmimistulang base militar ng US ang buong Pilipinas

Pasismo at Kontrarebolusyonaryong Dahas ng Estadong Neokolonyal
Rebolusyonaryong Kilusan sa Metro Manila
Muling Pagbubuo at Ibayong Pagsulong

Hinggil sa Usapin ng Pambansang Minimum na Sahod
Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.