Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Balita ng Pakikibaka

 Read this article in English

14 na riple nasamsam sa reyd sa Davao del Norte

Labing-apat na matataas na kalibreng armas (mga M14 at M16) ang nasamsam ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) nang ireyd nito ang detatsment ng AFP at PNP sa Barangay Bacungan, Magsaysay, Davao del Norte nitong Marso 19. Napatay sa reyd ang isang sarhento. Malubha ring nasugatan ang dalawa pang sundalo at tatlong upisyal ng pulisya, kabilang si Supt. Wilfrido Cabrera.

Noon araw ding iyon, sinalakay ng mga Pulang mandirigma ang detatsment ng Task Force Monkayo sa Diwalwal, Compostela Valley. Napatay sa reyd ang isang pulis. Sinalakay ng BHB ang Task Force Monkayo dahil sa mga pusakal na paglabag nito sa mga karapatangtao at pagtatanggol sa interes ng malalaking lokal at dayuhang negosyante sa lugar.

Detatsment ng PNP sa bordeos, nireyd ng BHB

Sinalakay ng mga Pulang mandirigma ang kampo ng PNP sa Bordeos, Quezon noong Marso 2. Kinumpiska ng BHB ang anim na iba�t ibang kalibreng armas mula sa mga pulis. Nasamsam din ng mga mandirigma ang limang radyong VHF mula sa Kabalikat Civicom Group na nakabase sa naturang kampo.

Nabigla at hindi na naka-panlaban ang tatlong pulis na tumatao noon sa naturang kampo. Sinamantala ng mga mandirigma ang bagsak na linyang pangkomunikasyon ng pulisya rito, gayundin ang masamang panahon, na lalong nagpahirap para sa mga pulis na tumakas o magtawag ng reimporsment.

Buan, palalayain na--NDF

Iniutos noong Marso 16 ni Kasamang Luis Jalandoni, pinuno ng NDFP Negotiating Panel, ang pagpapalaya sa bihag ng digma na si Maj. Noel Buan. Alinsunod rito, nagdeklara rin ng tigil-putukan ang NDFP sa pitong prubinsya ng Timog Katagalugan mula Marso 17 hanggang Abril 11 upang bigyang-daan ang pagpapalaya kay Buan.

Sa liham na nag-uutos ng pagpapalaya kay Buan, inilahad ni Kasamang Jalandoni na ang pagpapalaya sa naturang bihag ng digma ay isasagawa sa bisa ng desisyon ng Pambansang Komiteng Tagapagpaganap ng NDFP, sa ngalan ng Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan at mga organo ng pampulitikang kapangyarihan ng demokratikong gubyernong bayan at alinsunod sa Geneva Conventions, mga protokol nito at ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o CARHRIHL.

Sa isang hiwalay na panayam, sinabi ni Kasamang Jalandoni na "muling naigiit at napatunayan ng demokratikong gubyernong bayan ang status of belligerency nito sa kakayahan nitong kumupkop ng bihag ng digma sa isang mahabang panahon at gawaran ito ng makataong pagtrato at paggalang sa kanyang mga karapatang-tao".

Sinabi rin ni Kasamang Jalandoni na natanggap ng NDFP noong Marso 14 at 15 ang kopya ng SOPO ng PNP at SOMO ng AFP. Aniya, nakatakdang ipasa ng Melito Glor Command si Major Buan sa International Committee of the Red Cross (ICRC). Ipapasa ng ICRC si Buan sa kanyang pamilya, sa tulong ng iba pang mga grupo at indibidwal.

Proyektong pagmimina sa Mindoro, tinuligsa

Mariing tinutulan ng mga residente ng Victoria, Oriental Mindoro ang plano ng Crew Minerals Philippines (CMP), isang kumpanyang Canadian, na magtayo roon ng minahan.

Sa isang rali na inilunsad noong huling linggo ng Pebrero, tinuligsa ng mamamayan sa magkakaratig na bayan ng Victoria, Naujan, Socorro at Pinamalayan ang eksplorasyon ng CMP na naging sanhi ng pagbaha sa nasabing mga bayan. Dinaluhan ang rali ng libu-libong magsasaka, mangingisda, katutubo, estudyante, guro, taong-simbahan, mga makakalikasan at mga myembro ng non-government organizations. Ayon sa kanila, madaliang binigyan ng pahintulot ng Department of Environment and Natural Resources ang Aglubang Mining Corp., kasosyo ng CMP, nang walang anumang pakikipag konsulta sa mga residente.

Balak ng mga residente na magtayo ng mga barikada para pigilin ang pagpasok ng mga makinarya sa pagmiminahan. Dagdag pa nila, kaya nilang tula-ran ang ginawang pagba-barikada ng mga taga-Antipolo City at Semirara na nakapigil sa plano ng gubyernong magtambak ng basura sa kanilang mga lugar.

Pagkahirang kina Villanueva at Reyes, tinutulan

Tinuligsa ng mga militanteng organisasyon ang pagpili ni Macapagal-Arroyo kay Lt. Gen. Diomedio Villanueva bilang bagong hepe ng Armed Forces of the Philippines at ang paghirang sa retiradong heneral at dating hepe ng AFP na si Angelo Reyes bilang bagong kalihim ng depensa.

Ayon sa Moro-Christian People�s Alliance, si Villanueva ang hepe ng Southern Command nang ilunsad ang todo-largang digma sa Mindanao na sumira sa buhay ng daan-daanlibong mamamayan doon. Sinabi naman ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na kontra sa ipinangangalandakang "patakarang pangkapayapaan" ng gubyernong Macapagal-Arroyo ang paghirang kay Villanueva. Sa hiwalay na pahayag, binatikos ng BAYAN ang pagkakaluklok ni Reyes sa isang pwesto na pangsibilyan bilang ibayong patunay na lubhang militarisado ang rehimeng Macapagal-Arroyo.

Patalsikin ang mga tuta ni Lacson sa PNP � Pamalakaya

Iginiit ng Pambansang Samahan ng mga Mamamalakaya (Pamalakaya) ang kagyat at walang kundisyong pagpapatalsik sa mga heneral ng pulisya na nangangampanya para kay Panfilo Lacson sa pagkasenador. Ayon sa Pamalakaya, ang pangangampanyang ginawa ng mga upisyal ay patunay na sila ay mga "buong panahong myembro ng sabwatang Estrada-Lacson," at hindi na dapat manatili pa sa pwesto.

Binatikos din ng Pamalakaya ang pananatili ng mga tauhan nina Estrada at Lacson sa mga sensitibong pusisyon sa bagong rehimen. Ipinanawagan din nila sa rehimeng Macapagal-Arroyo na seryosong isulong ang imbestigasyon laban kina Estrada, Lacson at mga alipures nila dahil sa mabibigat nilang paglabag sa mga karapatang-tao at iba pang mga krimen.

Ang sumusunod ay ilan sa mga iginiit ng Pamalakaya na dapat patalsikin: Chief Supt. Jose Ayap ng Ilocos PNP Regional Office; Chief Supt. Tiburcio Fusillero, hepe ng PNP Central Visayas regional office; Chief Supt. Dominador Domingo, hepe ng PNP Central Mindanao regional office; Senior Supt. Gregorio Dolina, hepe ng PNP Southern Mindanao regional office; Renato Paredes, direktor ng Traffic Management Group; sina Chief Supt. Romeo at Reynaldo Acop; Director Victor Batac; at sina Senior Supt. Caesar Mancao, Michael Ray Aquino at Diosdado Valeroso.

BALITA MULA SA SILANGANG KABISAYAAN

21 armas, nasamsam ng BHB sa Samar

Dalawampu�t isa at hindi 15 ang bilang ng armas na nasamsam ng BHB sa reyd nito sa patrol base ng 34th IB sa Barangay Babaclayon, San Jose de Buan, Samar noong Pebrero 12. Ayon sa mga pinakahuling ulat koresponsal mula sa Efren Martires Command (EMC), isang M60 machine gun, isang M203 grenade launcher, walong M16, pitong M14, dalawang .45, dalawang .38, isang set ng radyong pangkomunikasyon, maraming bala at iba pang kagamitang militar ang nasamsam ng BHB. Walo (hindi pito) ang kaaway na napatay at apat (hindi lima) ang sugatan sa naturang pagsalakay.

Ayon pa sa EMC, nireyd ng BHB ang ditatsment ng 34th IB dahil sa mahabang listahan ng mga kasalanan nito laban sa masang magsasaka at rebolusyonaryong kilusan. "Ang pinakahuling ginawa nila ay ang pagreyd sa mga kasama sa Matuguinao erya kung saan lima ang namatay," anang EMC. Dagdag pa nito, may ginahasa pang kasamang babae ang mga pasista bago pinatay. Pinaslang din ng naturang mga tropa ang isang matandang magsasaka sa Barangay Canbais noong Disyembre, bukod sa iba pang mga pang-aabuso.

Pinabulaanan ng EMC ang pahayag ng kaaway na pinagbabaril ng BHB ang umano�y sumurender na mga sundalo. Binatikos din ang ipinamalita ng militar na umano�y tinaga ng BHB ang mga katawan ng mga tropa, at sinabing wala sa prinsipyo ng BHB ang di paggalang sa mga patay na katawan ng kalaban.

Anang EMC: "Ang gubyerno ni Macapagal-Arroyo ay walang pinagkaiba ... sa dating rehimeng US-Estrada." Ipinahayag nitong patuloy na isusulong ng BHB ang demokratikong rebolusyon hanggang makamit ang tunay na kalayaan at demokrasya.

MGA BALITA MULA SA REHIYONG ILOKOS-KORDILYERA

Anim na pwersa ng kaaway ang napatay at apat ang nasugatan sa dalawang labanang naganap sa Rehiyong Ilokos-Kordilyera noong Disyembre 2000 at Enero 2001.

Ayon sa mga ulat koresponsal, limang sundalo ang napatay at dalawa ang nasugatan nang tambangan ng isang yunit ng Leho Cawilan Command ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Kalinga ang mga tropa ng 21st IB sa Barangay Gawaan, Balbalan, Kalinga noong Enero 22. Kabilang sa mga namatay ang pinuno ng mga tropa na si 1Lt. Bienvenido Bermal.

Pabalik mula sa pag-ooperasyon ang mga sundalo nang ambusin ng BHB. Tumagal nang 20 minuto ang labanan. Walang kaswalti sa panig ng BHB.

Ikinagalak ng mamamayan sa lugar ang pagtagumpay ng taktikal na opensiba ng BHB. Ang mga nakaraang yunit ng Philippine Army na nakapakat sa Kalinga sa nakaraan (tulad ng 45th IB at 48th IB) ay pawang mga abusado at kinamumuhihan ng masa. Pero sa lahat sa mga nadestino, ang 21st IB ang itinuturing ng masa roon na pinakaabusado at pinakamalupit. Naturingan itong Best Battalion ng AFP mula 1995-98.

Bago nito, isang CAFGU ang napatay nang magsagupaan ang isang tim ng Agustin Begnalen Command ng BHB sa Abra at mga tropa ng 17th IB na nag-ooperasyon sa Boliney, Abra noong Disyembre 13, 2000. Isa pang CAFGU at isang sundalo ang nasugatan sa naturang labanan. Wala ring kaswalti sa panig ng BHB.

Ayon sa ulat, nagsitakbo sa iba�t ibang direksyon ang mga tropa ng kaaway dahil sa sobrang takot at pagkagulat. Tanda ng pagwawalambahala ng kaaway sa mga kasamahan nila, laluna sa mabababa ang ranggo, iniwan ang bangkay ng nasawing CAFGU. Iniulat lamang itong "missing in action". Natagpuan na lamang ito ng mga kamag-anak na naghahanap sa kanya na nakatiwangwang sa pinangyarihan ng labanan.

Inilantad rin ng BHB ang sapilitang pagpapapirma ng 21st IB sa mga magulang ng mga pinaghinihinalaang bagong sampang Pulang mandirigma ng bogus na sertipikong mga menor de edad ang mga anak nila, kahit nasa hustong gulang na ang mga ito. Pwersahang pinapirma ang mga magulang ng tatlong kabataang taga-Apatan, Pinukpuk, Kalinga ng "katibayan" na edad 14-16 lamang diumano ang mga anak nilang hinihinala ng militar na sumapi sa BHB.

MGA BALITA MULA SA CAGAYAN VALLEY

Reaksyunaryong pulitika sa Isabela, tinuligsa

Binatikos ng Benito Tesorio Front (BTF) sa Hilagang-Silangang Isabela ang pangingibabaw sa reaksyunaryong pulitika sa Isabela ng mga dinastiya ng mga warlord, malalaking panginoong maylupa at burukrata kapitalista.

Sa isang pahayag nitong Marso 3, sinabi ni Ka Delio Baladon, tagapagsalita ng Benito Tesorio Command ng Bagong Hukbong Bayan, na mananatili sa kanilang trono ang mga dati nang nagpapasasa sa pulitika ng Isabela katulad ng mga pamilyang Dy at Albano. Subalit, aniya, "wala na namang malakas na tinig ang mga maralitang magsasaka, manggagawang bukid at iba pang maliliit na siyang higit na nakarararami sa prubinsya". Dagdag ni Baladon: "Mamamayagpag ang mga pulitikong promotor ng mga eleksyong marumi at marahas, at pamamahalang batbat ng katiwalian at iba pang kabulukan".

Idiniin ni Baladon na dahil dito ay lilinaw ang katumpakan ng paninindigan ng rebolusyonaryong kilusan na makakamit lamang ng masang api ang pampulitikang kapangyarihan sa pamamagitan ng digmang bayan.

Gayunpaman, ani Baladon, sisikapin ng rebolusyonaryong kilusan na impluwensyahan ang eleksyon para sa kapakinabangan ng mamamayan. Nanawagan ang Benito Tesorio Front sa mga kandidato sa prubinsya na dalhin sa kanilang mga plataporma de gubyerno ang sumusunod na mga isyu:

  • Kagyat na pag-usig at pagparusa kay Joseph Estrada at mga kasapakat nito sa kasong pangungulimbat at iba pang krimen sa bayan;
  • Pagtutol sa pagtatayo ng CAFGU; at
  • Pagtutol sa mga proyekto ng gubyerno na kontra-magsasaka, kontra-manggagawa at kontra-mamamayan, katulad ng pagmimina ng malalaking korporasyon.

Ang mga kandidato at ang partidong maninindigan sa mga usaping ito, ani Baladon, ay aani ng suporta sa ilampung libong baseng masa ng rebolusyon, kabilang ang ilang libong mga botante, sa silangang Isabela. Mabibigyan din sila, aniya, ng pahintulot na mangampanya sa saklaw ng teritoryo ng demokratikong gubyernong bayan.

Sa kabilang banda, ayon kay Baladon, ang mga kandidatong kontra-mamamayan at aktibo sa kampanyang kontra-rebolusyonaryo ng AFP at reaksyunaryong gubyerno ay hindi hahayaang makapangampanya sa mga sonang gerilya at gagawaran ng angkop na parusa.

Panlilinlang ng AFP hinggil sa mga "testigo", binatikos

Inilantad ng BTF ang panlilinlang ng AFP hinggil sa pagtetestigo diumano ni Jay-Ar "Ka CJ" Bulusan, isang bihag sa digma, laban sa dalawang estudyanteng sina Kerima Tariman at Eric Amodo. Sina Tariman at Amodo ay dinakip noong isang taon sa Echague, Isabela at sinampahan ng gawagawang kaso ng iligal na pag-iingat ng baril. Dahil nakaambang maibasura ng korte ang kaso laban sa dalawa, ipinasya ng AFP na iprisinta bilang isang "kumander ng BHB" si Ka CJ na tatayo umanong testigo laban kina Tariman at Amodo. Ito�y kahit inamin na noong una ng militar na isa lamang bagong sampang mandirigma si Ka CJ.

Kaugnay nito, pinagsalita sa radyo laban sa BHB ang isang lalaking nagpanggap na Ka CJ. Nauna rito, isang nagpanggap naman na Sheryll "Ka Andrea" Arcilla ang pinagsalita rin sa radyo. Si "Ka Andrea" ay nadakip noong Hunyo 2000 sa Barangay Linumot, Jones. Nakatakas siya mula sa pagkakabilanggo noong Enero.

Samahan laban sa pagmimina, inilunsad

Inilunsad sa Isabela State University sa Echague, Isabela nitong Marso 6 ang PUMALAG o People�s Union Against Mining and Landgrabbing. Dinaluhan ito ng mahigit 200 lider magsasaka mula sa mga minahan sa Cagayan, Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya. Pinangunahan ito ng lokal na balangay ng Kilusang Magbubukid sa Pilipinas sa Isabela, KALIKASAN, Center for Environmental Concerns, mga progresibong organisasyon, taong simbahan at ibang panggitnang pwersa.

Bago nito, dumalo ang mga mamamayan ng Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya sa pambansang pagkilos laban sa dayuhang pagmimina na ginanap nitong Marso 5 sa Mendiola. Ang Didipio ay isa sa mga baryong saklaw ng ARIMCO Mining, isang higanteng kumpanyang Australyano na nagsasagawa ng eksplorasyon sa lugar.

Sa kaugnay na balita, nagpiket noong Pebrero 23 ang may 200 katao sa Bayombong, Nueva Vizcaya upang tutulan ang pagmimina ng Arimco. Piniket nila ang pulong ng Regional Development Council ng Cagayan Valley.

Dumalo sa piket-mobilisasyon ang tatlong Obispo na sina Archbishop Diosdado Talamayan ng archdiocese ng Tuguegarao (Cagayan), Bishop Sergio Utleg ng Diocese of Ilagan (Isabela) at Bishop Ramon Villena ng Diocese ng Bayombong (Nueva Vizcaya) at iba pang mga pari sa Cagayan Valley.

Nanindigan din ang Regional Development Council laban sa pagmimina ng ARIMCO dahil natakot ang mga myembro nito sa nakitang organisado at militanteng pagtutol ng mamamayan laban sa operasyon ng naturang minahan.

 


Previous articleBack to top 

Marso 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Banta sa usapang pangkapayapaan ang pamamamyagpag ng mga militarista sa loob ng rehimeng Macapagal-Arroyo

Bagong hirang na kalihim ng depensa:
Gen. Angelo Reyes: Pusakal na pasista

Ang militarismong pumatay kay P/CInsp. Abelardo Martin at ang nagpapatuloy na pasismo ng estado
Lumalalang pagsasamantala at pang-aapi sa kababaihang anakpawis
Sumisidhing pang-aapi sa uring manggagawa sa Europe
Mga Balita ng Pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.