Mga balita ng pakikibaka
Mga kriminal na pulitiko, pinarusahan ng MGC
Pinarusahan ng Melito Glor Command (MGC) ng BHB-Timog Katagalugan si Marcial Punzalan, kongresman ng ikalawang distrito ng Quezon, nitong gabi ng Mayo 12 sa Tiaong, Quezon. Napatay din ang isang niyang badigard at isang upisyal militar. Kaagad na nagpahayag ang tagapagsalita ng MGC na si Tirso �Ka Bart� Alcantara na ang BHB ang naggawad ng parusang kamatayan kay Punzalan. Pinarusahan siya dahil sa pagiging sagad-sagarang kontrarebolusyonaryo at protektor ng sindikato sa droga sa prubinsya.
Bandang hapon naman nitong Mayo 7, pinarusahan din ng MGC si Cesar Platon, alkalde ng Tanauan City, Batangas. Ayon kay Ka Bart, pinarusahan si Platon dahil sa kaniyang mga kasong kriminal at kontra- rebolusyonaryo. Ilan sa mga ito ang pagtutulak ng droga, carnapping, gunrunning at paglabag sa mga karapatang-tao.
Mga warlord sa Negros Oriental, pinarusahan ng BHB
Ginawaran ng BHB ng parusang kamatayan noong Abril 27 si Jose Cardenas, bise alkalde at tumatakbong alkalde ng Canlaon, Negros Oriental, ang kapatid niyang konsehal na si Jessica Cardenas, at apat na iba pa.
Ayon sa pahayag ni Bayani Obrero, tagapagsalita ng Gatmaitan Operation Command ng BHB, ang pagpaparusa sa magkapatid na Cardenas ay kahilingan ng malawak na masa ng mamamayan ng Canlaon City. Aniya, si Cardenas ay napatunayang maysala sa pagpatay, pagharas at pagdakip sa mga magsasakang inagawan ng lupa, iligal na pagtotroso, gunrunning, drug trafficking at pagsupil sa karapatan ng mamamayan.
Dagdag pa ni Kasamang Obrero, naghasik ng lagim ang magkapatid na Cardenas sa Canlaon sa pamamagitan ng mga armadong goons, kontrol ng militar at pulisya, at pag-aarmas ng mga upisyal ng barangay, mga tanod at impormer.
Sina Cardenas ay pinarusahan sa Sityo Pinamintigan, Barangay Budlasan, Canlaon City.
3 sundalo ng AFP, patay sa ambus sa Surigao
ISANG sarhento at dalawang korporal ng Philippine Army ang napatay nang tambangan ng mga Pulang mandirigma noong Abril 29 sa Sityo Magtuyom, Bislig, Surigao del Sur. Ang naturang mga elemento ng AFP ay sangkot sa paglulunsad ng mga mapaminsalang operasyong militar sa nasabing lugar.
Kumpanya sa quarrying sa Davao, pinarusahan
Sinunog ng mga mandirigma ng BHB nitong Mayo 22 ang mga makinaryang pang-quarry ng North American Crusher at Algon Construction sa Brgy. Gumalang, Baguio District, Davao City. Ang pagpaparusang ginawa ay bunga ng patuloy na pagtanggi ng kumpanya na magbayad ng buwis sa demokratikong gubyernong bayan.
|