Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Labanan ang pananalakay ng US sa Iraq

 Read this article in English

Marapat gawin ng mamamayan ng buong daigdig ang lahat ng paraan upang biguin ang di makatarungang gera ng US

Mariing kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas ang armadong pananalakay ng gubyernong US sa Iraq. Ang unilateral at aroganteng paglulunsad ng gera ay tahasang pagyurak sa soberanya ng Iraq at kalayaan ng mamamayang Iraqi.

Paglapastangan ito sa mga prinsipyo ng pantay na karapatan, soberanya at kasarinlan ng mga bansa, di pagsalakay sa isa't isa at di panghihimasok sa mga panloob ng usapin ng mga bansa.

Marapat at kinakailangang magkaisa ang mamamayan ng buong daigdig at ibigay ang lahat ng maiaambag upang wakasan at biguin ang pananalakay na ito ng imperyalismong US.

Aroganteng nagpataw si Presidente George W. Bush ng US ng 48-oras na ultimatum noong Marso 18 para sumuko ang gubyerno ng Iraq at ginamit itong daan sa paglulunsad ng gera. Layunin ng US na lusubin ang Iraq upang ibagsak ang gubyernong anti-US at makapagpwesto roon ng papet na rehimen. Makatwiran ang gubyernong Iraq na kundenahin ang ultimatum. Nagbigay ito ng sariling ultimatum kay Bush na magbitiw dahil sa walang katarungang panggegera at malubhang pagkakahiwalay nito ngayon sa mundo.

Dalawang araw nang pinauulanan ng bomba ang Baghdad, kabisera ng Iraq. Kasabay nito, sumalakay ang mga sundalong Amerikano gamit ang kanilang mga tangke sa mga bayan sa katimugang bahagi ng bansa.

Matindi ang galit ng mamamayan at gubyernong Iraq laluna sa paghuhulog ng mga bomba sa mga bahay at gusaling sibilyan sa Baghdad. Mga sibilyan, kabilang ang ilang bata, ang namatay sa pambobomba. Nakahanda ngayon ang mamamayan at mga sundalong Iraqi na depensahan ang kanilang bansa. Kinokonsolida nila ngayon ang kanilang hanay at inaabangan ang pagpasok ng mga tropang Amerikano sa kaloob-looban ng Iraq upang labanan sila sa pamamagitan ng gerang regular at di regular. Nakahanda ang armado at di armadong mamamayan sa paglulunsad ng patriyotikong digma.

Aroganteng isinaisantabi ng US ang pagtutol ng malawak na masa ng mamamayan sa daigdig, ng nakararaming bansa at pati na ng karamihan ng mga alyado ng US. Pilit itong nagmaniobra, nagpakana at naglubid ng kung anu-anong pagdadahilan para makakuha ng suporta para sa panggegera sa Iraq. Bandang huli, dahil tiyak nang matatalo ang resolusyong ipinipilit nitong ipapasa sa United Nations, inunahan, binastos at ginawa nang inutil ng US ang pandaigdigang kapulungan.

Ipinakikita ng walang pakundangang pananagasa sa mga prosesong internasyunal at diplomatiko na walang balak ang US na pumailalim sa kapasyahan ng higit na nakararaming bansa sa buong daigdig. Ipinakikita nito na ang tanging mapagpasya ay ang militar na superyoridad bilang nagsosolong imperyalistang superpower sa mundo. Ipinakikita nitong kayang lapastangin ang mga saligang prinsipyo ng sibilisadong relasyon sa pagitan ng mga bansa at yurakan ang soberanya at kasarinlan ng anumang bansa.

Ginagampanan ngayon ng US ang naging karumal-dumal na papel ng mga pasistang Germany, Japan at Italy noong ikalawang digmaang pandaigdig. Walang kapantay sa nakaraan ang inaani ngayong poot ng imperyalismong US mula sa mamamayan at iba�t ibang bansa sa mundo.

Ang masidhing unilateralismo at panggigigil ng US sa gera ay itinutulak ng hayok na pagnanais nitong baguhin ang dibisyon ng daigdig sa pagitan ng mga imperyalista, pasaklawin ang hegemonya nito sa Iraq, magtalaga rito ng papet na rehimen, angkinin ang yamang langis ng Iraq at kontrolin na rin ang kalakhang suplay ng langis sa Middle East at sa buong daigdig. Tulak ito ng desperasyon ng imperyalismong US sa harap ng napakasidhing krisis sa ekonomya.

Nagpupugay ang PKP sa ipinamamalas na militansya at katatagan ng mamamayang Iraqi...

Lubos ang karapatan ng Iraq na labanan, puksain at lipulin ang mga umaatakeng dayong armadong pwersa at biguin ang tangkang papaghariin doon ang imperyalistang kapangyarihan ng US.

Nagpupugay ang PKP sa ipinamamalas na militansya at katatagan ng mamamayang Iraqi para ipagtanggol ang kanilang pambansang soberanya at tutulan ang mga dikta ng superpower na imperyalistang US. Walang ibang dapat gawin ang mamamayang Iraqi kundi ang maglunsad ng isang patriyotikong gera laban sa agresyon ng US.

Sa harap ng imperyalistang panggegera ng US sa Iraq, ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa daigdig ay dapat maglunsad ng lahat ng posibleng paraan at anyo ng pakikibaka para labanan at ibagsak ang imperyalismong US.

Kailangang makiisa ang rebolusyonaryo at mamamayang Pilipino at lahat ng rebolusyonaryo at mamamayan sa daigdig sa paglaban ng mamamayang Iraqi sa armadong agresyon ng US. Sa pagyurak ng US sa soberanya at kasarinlan ng Iraq, lalo ring lumalaki ang banta ng agresyon ng US sa Pilipinas. Bahagi ng tungkuling internasyunalista natin ang paglaban at pagbigo sa agresyon ng US sa ating bansa. Kailangang kundenahin at labanan, gamit ang lahat ng posibleng paraan, ang bulag na pagsuporta ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa imperyalistang amo nito. Kailangang ibagsak ang mga gubyernong sumusuporta sa gerang agresyon ng US sa Iraq.

Ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa US at sa iba pang mapandigma at pasistang kasapakat ng US ay kailangang maglunsad ng lahat ng posibleng anyo ng pakikibaka � ligal at iligal, armado at di armado � upang pigilan ang agresyon laban sa Iraq at bigwasan ang mga imperyalistang gubyerno nina George W. Bush ng US, Tony Blair ng UK, Jose Maria Aznar ng Spain at John Howard ng Australia.

Lubos na wasto ang panawagan sa mamamayan ng mga imperyalistang bansang ito na itransporma ang imperyalistang gera sa mga gera sibil laban sa kani-kanilang mapandigmang mga gubyerno.

 


 Back to topNext article

22 Marso 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Labanan ang pananalakay ng US sa Iraq
Sumalakay na ang halimaw
Tutol sa gera ang sambayanang Pilipino
Ika-34 na anibersaryo ng BHB:
Sagot sa armadong interbensyon ng US

Matatagumpay na opensiba ng BHB
Mga Ulat Koresponsal:
Bigo ang all-out war sa Panay

Mga Ulat Koresponsal:
Magigiting na Pulang kumander

Mga Ulat Koresponsal:
Mga sundalong Amerikano sa Central Panay

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.