Lumalaking sagka
Nahaharap sa isang lumalawak na pandaigdiganang kilusang anti-gera ang planong pagsalakay ng US sa Iraq
Patuloy na aroganteng binabalewala ng imperyalismong US ang malawak na pagtutol ng mamamayan at mayorya ng mga bansa ng mundo sa planong salakayin at saklutin ang bansang Iraq. Lalo itong nagiging desperado sa harap ng lumalakas na pagtutol at ibayong pagkakahiwalay ng US at iilang kasapakat nito.
Nitong Pebrero, mahigit nang 310,000 mga tropa ng US ang nakapaligid sa Iraq. Aabot na rin sa 40,000 tropa ng United Kingdom ang nakapakat doon upang umalalay sa mga tropang Amerikano. Kalakhan ng mga pwersang ito ay nasa hangganan ng Kuwait at nakaumang sa syudad ng Basra sa Iraq. Ang 10,000 pwersang US na nakaistasyon sa Afghanistan ay itinuon na rin sa nakaambang pananalakay. Liban sa ilang susing yunit-militar, kumpleto na ang arsenal ng US sa Middle East.
Gayunpaman, nahaharap sa panibagong mga sagka ang US. Nitong Marso 1, bunga ng malawakang protesta ng mamamayan sa bansa, bigo ang US na ilusot sa parlamento ng Turkey ang pahintulot para sa pagbabase ng pwersang militar ng US sa katimugang bahagi ng bansa. Balak ng US na ipakat sa Turkey ang 62,000 tropang Amerikano, 255 eroplanong pandigma at 65 helikopter para sa opensiba nito laban sa Iraq.
Para mahatak ang mga pwersa ng Iraq sa pagdepensa sa hilaga at timog, malaking bentahe sana ang paggamit ng Turkey bilang lunsaran mula hilaga, kasabay ng paggamit sa Kuwait (at Qatar) mula naman sa timog. Pero dahil tumanggi ang Turkey na maglunsad ng atake mula sa kanila, maoobliga ang US na magbago ng plano at maglunsad ng atake mula sa Black Sea (dagat sa hilaga ng Turkey) o gumawa ng ibang paraan.
Bago ito, tumanggi ang North Atlantic Treaty Organization (NATO) na bigyan ng suportang-militar ang Turkey. Pinangunahan ng Germany, Belgium at France ang pagtanggi sa kahilingan ng US na magpadala ng dagdag na gamit at ayudang militar sa Turkey bilang preparasyon sa anumang �ganting-salakay ng Iraq sa bansa.�
Kasabay ng pagkabigo nito sa Turkey, napilitan kahit ang League of Arab States (Arab League) na magpahayag para sa �lubusang pagtakwil sa anumang agresyon laban sa Iraq.� Ang Arab League ay binubuo ng 22 bansang nakapalibot sa Iraq.
Sa kabila nito, tuluy-tuloy na binobomba ng mga eroplanong militar ng US ang mahahalagang pasilidad sa katimugang bahagi ng Iraq. Paulit-ulit na ipinagmamayabang ng US na itutuloy nito ang digmang agresyon sa Iraq, may suporta man ito ng UN o wala.
Pagkakahati-hati ng mga imperyalistang bansa
Ang arogansya at unilateralismo ng imperyalismong US ay nagpapalalim sa hidwaan sa hanay ng mga imperyalistang bansa at pagkakahiwalay ng mga pinakamasugid na nag-uupat at sumusuporta sa gera. Nahahati ngayon ang mga bansa sa daigdig sa pagitan ng iilang bumubuo sa mabuway na alyansang maka-US�United Kingdom, Australia at Spain at ilang mga papet na estadong hawak nila�at ng higit na nakararaming bansa sa daigdig na tutol sa gera.
Ang pagmamatigas ng US na salakayin ang Iraq ay lubusan nang naglalantad sa tindi ng kontradiksyon at labis na pagkakahiwalay ng US kahit sa loob ng mga pandaigdigang institusyong itinatag para maging daluyan lamang ng mga patakarang imperyalista.
Sa Marso 7, ihahapag ng US ang resolusyong naghuhusga sa Iraq ng paglabag sa mga alintuntunin ng UN sa paggawa at pagmamantine ng weapons of mass destruction, isang kundisyon na nais nitong gamitin upang maging ligal ang pananalakay sa Iraq. Hindi pa man ito pormal na naihahapag, nagpahayag na ang karamihan sa mga bansa ng pagtutol dito, lalupa�t hindi sinusuportahan ng weapons inspection team ang pagtatasang ito ng US.
Isinisigaw din ng nakararaming maliliit at atrasadong bansa ang pagtutol nila sa aroganteng pamamayagpag at panggegera ng imperyalismong US. Sa ika-13 kumperensya ng Non-aligned Movement (NAM) noong Pebrero 24-25, nagkaisa at pumirma ang 116 na kasaping bansa nito ng resolusyon laban sa paglulunsad ng US ng gera sa Iraq. Sa pananaw ng NAM, layunin ng paggegera ng US na pag-ibayuhin ang dominasyon nito sa daigdig. Ang US ngayon ang itinuturing nilang pinakamalaking banta sa nakararaming atrasadong bansa.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|