Laganap na kagutuman at karalitaan sa bansa
Matagal nang nagdudumilat na katotohanan ang laganap na kagutuman at karalitaan sa bansa. Kaya hindi na kataka-taka ang resulta ng sarbey ng Social Weather Station (SWS) na nagsasaad na 15.1% o isa sa bawat pitong pamilyang Pilipino ang nakaranas sa nakaraang tatlong buwan (mula Hunyo hanggang Agosto) ng kahit isang pagkakataon na wala silang makain. Tumaas nang tatlong ulit ang bilang ng mga sumagot nito kung ikukumpara sa nakaraang taon.![](../../angbayan/images/041007/dukha.gif)
Ayon sa sarbey, pinakamarami ang bilang ng mga gutom at maralita sa Mindanao (23%). Tumaas ito nang apat na ulit mula Setyembre 2003. Pumapangalawa ang Metro Manila (15.7%) kung saan mahigit doble ang inilaki ng bilang ng mga gutom at maralita mula sa 7.3% noong isang taon. Samantala, 11.3% ang pigura para sa buong Luzon (tumaas mula 4.7% noong 2003). Nagtala ng 13.3% ang Visayas, mula sa 4.3% noong isang taon.
Kung tutuusin ay mas mataas pa rito ang aktwal na mga pigura. Ayon sa ibang estadistika, umaabot sa 70% ng populasyon ng Pilipinas ang hindi kumikita nang sapat para masagot ang pinakabatayang mga pangangailangan nila sa buhay.
Lumabas ang resulta ng sarbey sa panahong tuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo di lamang ng pagkain kundi ng iba pang batayang gastusin tulad ng bayad sa kuryente, tubig, LPG, gaas at pamasahe.
Sa halip na harapin ang katotohanan na ang kanyang maka-imperyalista at anti-mamamayang mga patakaran ang siyang nagbubunsod ng pagkawasak ng mga produktibong pwersa, pagbagsak ng produksyon, pagkabaon sa depisit at utang, malawakang pagkalugi, at laganap na disempleyo, karalitaan at kagutuman, ibinubunton ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang sisi sa rebolusyonaryong armadong kilusan ng BHB at mamamayang Moro at sa mga panlabas na salik tulad ng bagyo at iba pang mga sakuna.
Plano ng rehimen na magpatupad ng mga pakonswelo-de-bobong tugon tulad ng pamimigay sa mga maralita ng food coupons o mga papeles na maaaring ipagpalit sa mga tindahan para makakuha ng rasyon ng pagkain. Ito ay pansamantala at pakitang-taong lunas lamang at hindi makasasapat sa matinding pangangailangan ng mamamayan.
Magpapatuloy ang paglala ng kagutuman at karalitaan sa bansa hangga't hindi naitatatag ang isang sistemang tunay na malaya, maunlad at mapagkalinga sa mamamayan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|