Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Balita

Tigil-Putukan sa Kapaskuhan, Idineklara ng Rebolusyunaryong Pwersa

Nagdeklara ng pansamantalang tigil-putukan ang mga rebolusyunaryong pwersa mula ika-8 n.u. ng Disyembre 22 hanggang ika-8 n.u. ng Enero 7. Idineklara ito ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas, Pambansang Istap Militar ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at Pambansang Komiteng Tagapagpaganap ng National Democratic Front (NDF). Sa isang pahayag sa midya, sinabi ng mga rebolusyunaryong pwersa na ang deklarasyon ng pansamantalang tigilputukan ay batay sa makataong dahilan at upang ang mga kumand, yunit at tauhan ng magkalabang mga hukbo ng gubyerno ng Pilipinas at ng NDF ay makapaggunita ng Kapaskuhan at Bagong Taon. Inatasan pa rin ang BHB at milisyang bayan na manatiling alerto laban sa paniniktik o mga operasyong opensiba ng kaaway o anupamang panghihimasok sa teritoryo ng demokratikong gubyernong bayan.

Lakbayan Laban sa Kahirapan, Inilunsad

Mahigit 20,000 kasapi ng mga militanteng organisasyon ang nagmartsa nang limang araw mula sa Gitnang Luson, Timog Katagalugan at iba't ibang bahagi ng Kamaynilaan upang batikusin ang mga anti-mamamayan at proimperyalistang patakaran ng rehimeng Ramos. Ang martsang tinaguriang "Lakbayan Laban sa Kahirapan at Imperyalistang Pandarambong" at pinamunuan ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ay ginanap mula Oktubre 20 hanggang Oktubre 24. Kinundena ng mga demonstrador ang mga patakarang tulad ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon na ibayong nagpapatindi sa paghihikahos at nagpapabigat sa pinapasang krisis ng mamamayan. Sa ikahuling araw ng martsa, nagtipon sa Mendiola ang mga nagrali at nakinig sa mga pahayag ng mga tagapagsalita mula sa iba't sektor at rehiyon. Kabilang sa mga nagsalita ay mga kinatawan ng BAYAN sa Bikol at Mindanao.

1.5 Milyong Katao, Nagrali Laban sa 'Cha-Cha'

Tinatayang 1.5 milyong katao ang nagprotesta noong Setyembre 21 laban sa balak ng Malakanyang na amyendahan ang saligang batas. Layon ng mga nais sumusog sa konstitusyon (na binansagang mga pro-"cha-cha" o charter change) na alisin ang limitasyon sa termino ng panunungkulan ni Presidente Fidel Ramos upang makapanatili pa ito sa poder lagpas sa 1998.

Sa Kamaynilaan, may 750,000 ang dumalo sa isang prayer-rally na pinangunahan nina Jaime Cardinal Sin at dating Presidente Corazon Aquino. Limampung libo sa mga demonstrador ang tumuloy sa Mendiola at dumalo sa isang dramatikong torch parade.

Sa Kabisayaan, may 300,000 ang nagmartsa sa Cebu, Iloilo, Bacolod, Tagbilaran, Dumaguete, Calbayog, Roxas at Kalibo. Nagpatuloy kinabukasan ang pagpoprotesta nang magwelga ang mga drayber sa Bacolod.

Sa Mindanao, may 260,000 ang nagrali sa mga lungsod ng Davao, Gen. Santos, Cagayan de Oro at Iligan at sa lalawigan ng Bukidnon. Paralisado rin ang transportasyon sa Cagayan de Oro.

Samantala. may 55,000 demonstrador ang nagprotesta sa iba't ibang sentrong urban sa Luson, kabilang ang Legazpi, Lucena, Laoag, Baguio, Tuguegarao at lungsod ng Angeles.

Base Militar ng US, Itatayo sa Mindanao?

Nagbabala nitong Oktubre ang mga aktibistang tutol sa pananatili ng mga baseng militar ng dayuhan sa Pilipinas hinggil sa posibilidad na magtayo muli ng mga pasilidad militar sa bansa ang US. Ito'y dahil sa ipinanukalang dalawang executive agreements sa pagitan nina Presidente Fidel Ramos at ng pangulo ng US na si Bill Clinton hinggil sa patuloy na access ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas at sa status of forces ng mga ito . Bukod rito, kahina-hinala rin ang konstruksyon ng isang daungan at paliparang internasyunal sa lungsod ng Gen. Santos. Ibinunyag ni Roland Simbulan, tagapangulo ng Nuclear Free Philippines Coalition at isa sa mga pangunahing tumututol sa base, na ang mga kumpanyang kinontrata upang ihanda ang disenyo ng naturang mga pasilidad ay siya ring mga kumpanyang kinokontrata ng US Department of Defense. Sinadya raw ito, aniya, upang magkaroon ng kakayahang teknikal ang daungan at paliparan para matugunan ang mga pangangailangan ng mga pwersang militar ng US. Isa pa raw lugar na posibleng tayuan ng baseng militar ng US Navy ay ang Sumbang Point sa lungsod ng Zamboanga.

30 Aktibista sa Kordilyera, Sasampa sa BHB

Mahigit 30 kabataang aktibista na kabilang sa DATAKO (Demokratiko a Tignayan ti Agtutubo ti Kordilyera), ang rebolusyunaryong organisasyong masa ng kabataan sa Kordilyera, ang nagdeklarang sasampa sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ito'y bilang tugon sa panawagan ng BHB sa kabataan na lumahok sa digmang bayan. Ayon sa Dangadang, ang pangmasang pahayagan sa rehiyon, ang mga naturang aktibista ay kabilang sa mga delegadong dumalo sa kumperensya ng DATAKO na ginanap nitong ikatlong kuwarto ng 1997 sa isang sonang gerilya sa Kordilyera. May iba pa ring delegadong nangakong sasampa sa Hukbo sa malapit na hinaharap.

Demolisyon, Malala sa Pilipinas, ayon sa UN

Ang gubyerno ng Pilipinas ang isa sa mga pangunahing lumalabag sa karapatan sa disenteng pamamahay. Ayon sa resulta ng isang pananaliksik ng United Nations (UN) na inilathala sa midya nitong Hulyo, ang Pilipinas ang isa sa mga bansang may pinakamaraming kaso ng marahas na demolisyon at sapilitang pagpapalikas sa mga maralita ng lungsod. Ginagawa ito, anang UN, upang makapagtayo ang gubyerno ng mga proyektong imprastruktura at mabigyang-daan ang konstruksyon ng mga mamahaling subdibisyon. Mula 1986 ay 100,000 katao na ang nagiging biktima ng demolisyon taun-taon. Kinundena ng UN ang naturang mga demolisyon lalu na't may mga bata nang namatay at ilandaang taong nasaktan bunga nito.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Hulyo 1997
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Sumulong sa Ika-30 Anibersaryo!

Bumubugso Pasulong ang Rebolusyon!
New Mining Act of 1995:
Kontra-Mamamayan, Salot sa Kalikasan

Oplan Unlad Bayan:
Bigo sa Hilagang Mindanao

Renegadong Taksil sa Kanlurang Mindanao:
Pupulutin sa Kangkungan ng Kasaysayan

Balita
Pakikidigmang Gerilya:
Sumusulong sa Buong Kapuluan

Komunike ng Ikatlong Panrehiyong Kumperensya ng Timog Katagalugan:
Kamtin ang Dramatikong Pagsulong!

Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.