|
|
Higit na pinatutunayan ng pinakahuling mga pangyayari at mga deklarasyon ng Malakanyang ang papabilis na pagtaas ng antas ng interbensyong militar ng US sa bansa at ang kahalagahang puspusang isulong ang malawakang kilusan laban dito. Nitong Hunyo 3, pinagkaisahan na ng GRP at ng US sa pamamagitan nina Gloria Macapagal-Arroyo at US Deputy Defense Sec. Paul Wolfowitz ang pagsanib ng mga tropang Amerikanong kalahok sa Balikatan 02-1 sa mga operasyong antas-kumpanya ng AFP at pagpakat nila sa labas ng Basilan para saklawin ang Zamboanga Peninsula at iba pang lugar kung saan nagaganap mismo ang mga sagupaan sa pagitan ng AFP at bandidong Abu Sayyaf. Ayon kay Wolfowitz, isang pagkakamali ang magtuon ng pansin sa isang isla lamang. Lantaran na niyang sinabi na bukas ang US na makialam sa Pilipinas lagpas pa sa paglulunsad ng mga "pagsasanay-militar". Mahigpit ding ipinanukala ni Wolfowitz ang ekstensyon ng pananatili ng mga tropang Amerikanong "nagsasanay ng mga sundalong Pilipino" sa Mindanao. Ipinahayag na ng gubyerno ni Macapagal-Arroyo ang pagiging bukas nito sa panukala. Sinabi na rin ni Roilo Golez, ang National Security Adviser, na walang pangangailangang baguhin pa ang Terms of Reference para sa pagpapalawig ng presensya ng mga sundalong Amerikano sa bansa. Kaugnay ng mga ito, mahigpit ding iginigiit ng US sa pamamagitan ni Wolfowitz ang pagpirma ni Macapagal-Arroyo sa Mutual Logistics Support Agreement (MLSA). Aniya, kailangan ito para umano masimulan ng US at Pilipinas ang bagong mga hakbangin kaugnay ng pagtutulungan sa kampanya laban sa terorismo sa bansa at sa Southeast Asia. Kapalit umano nito ang karagdagang ayudang militar ng US para sa AFP. Sa pag-apruba sa MLSA, magkakaroon ang imperyalismong US ng karapatang gumamit ng anumang pasilidad, saan man sa bansa, kailanman naisin at gaano man katagal para sa pwersang militar nito. Makapagtatayo rin ito ng mga pasilidad na pag-iimbakan ng mga armas sa bansa. Napakalinaw na sa gayong mga tinutungo ng mga pangyayari ay pinag-iibayo at binibilisan ng US ang pagpapalawak at pagiging permanente ng pagbabase ng mga sandatahang pwersa nito sa Pilipinas. Habang lumalaon, ibayong lumalaki ang banta ng paglulunsad ng magkasanib na mga operasyong militar ng AFP at mga tropang Amerikano laban sa pambansa-demokratikong rebolusyonaryong kilusan. Ang pagkamatay ng mga bihag ng Abu Sayyaf na sina Martin Burnham at Ediborah Yap sa isang bigong rescue operation nitong Hunyo 7 sa Sirawai, Zamboanga del Norte at ang pagkabawi kay Gracia Burnham ay isinasangkalan ng US at ng rehimeng Macapagal-Arroyo para lubusin ang kawalang pakundangan ng mga pinagsanib na operasyon ng mga tropa ng US at AFP sa Mindanao at lalo pang itulak ang interbensyong militar ng US sa bansa. Sa harap ng pangyayari, idineklara ni Macapagal-Arroyo na ang "paglaban sa kahirapan at terorismo", na dati umano�y nakatuon lamang sa pagtugis sa Abu Sayyaf sa Basilan at Zamboanga del Norte, ay hindi na ililimita sa mga lugar na ito kundi sasaklaw na sa iba pang dako ng bansa. Habang naghahanda ang rebolusyonaryong kilusan at mamamayan sa lumalaking banta ng armadong agresyon ng US, dapat puspusang pukawin, organisahin at pakilusin ang mamamayan laban sa imperyalistang interbensyon. Dapat ubos-kayang kumilos ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan upang pigilin at labanan ang lumalalang interbensyon ng US, palayasin ang lahat ng tropang mananakop at patalsikin ang rehimeng Macapagal-Arroyo na todo-todong nakikipagkutsabahan sa US para lapastanganin ang soberanya ng bansa.
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|