Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan: Sinasagkaan ng rehimeng Macapagal-Arroyo

 Read this article in English

Sinasagkaan ng rehimen ang usapang pangkapayapaan sa bawat pihit nito. Sa itinakbo na ng usapang pangkapayapaan, tuluy-tuloy at mahigpit ang pagtutol ng mga militarista sa gabinete ni Macapagal-Arroyo sa muling pagpapatuloy nito. Sa pangunguna nina Defense Secretary Angelo Reyes at National Security Adviser Roilo Golez, dalawang beses na sinuspindi ang usapang pangkapayapaan dahil umano sa pagpaparusa ng BHB sa mga pusakal at berdugong pulitiko. Mahigit kalahating taon na itong suspendido.

Patuloy ding tumatanggi ang rehimen na palayain ang mga bilanggong pulitikal at magbigay ng iba pang kongkretong konsesyon sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan. Maging ang sabayang tigil-putukan noong Kapaskuhan ay maraming ulit na nilabag ng mga reaksyunaryong sandatahang pwersa. Tuluy-tuloy pa rin ang matitinding operasyong militar sa mga larangang gerilya ng rebolusyonaryong kilusan. Malinaw na kinakatigan at binabasbasan ni Macapagal-Arroyo ang itinakdang laro at direksyon ng mga militarista.

Lalong tumigas ang kanilang militaristang pusisyon dulot ng todo-suportang ibinigay ng papet na rehimen sa "kontra-terorismong" kampanya ng US at pagkakasali ng BHB sa listahan ng itinuturing ng US na mga terorista.

Muling pinigil ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang nakatakdang pormal na pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) nitong Enero 7 sa Oslo, Norway. Sa halip, iginiit ng rehimen ang tuluy-tuloy na pagsasagawa na lamang ng tinatawag na back channel talks (impormal na usapan).

Inaasahan ni Macapagal-Arroyo na sa pamamagitan ng walang taning na back channel talks, iikut-ikot na lamang ang usapan nang walang makabuluhang makakamit para sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan samantalang unti-unting mapahihina ang pusisyon at lakas ng NDFP. Nais ni Macapagal-Arroyo na sa The Netherlands na lamang ito gawin upang ipagkait sa NDFP ang pagkilalang diplomatiko ng gubyerno ng Norway at ng internasyunal na komunidad.

Mulat ang NDFP sa layunin ng rehimen na ilimita sa back channel talks ang usapan upang limitahan ang kagyat na mga bentahe para sa rebolusyonaryong kilusan sa pagsusulong ng pormal na usapan.

Inilalayo ng rehimen ang usapan sa atensyon ng publiko upang maging lingid sa mamamayang Pilipino ang superyoridad ng programa ng NDFP at ang pagiging makatarungan ng ipinapanukala nitong mga reporma. Sa kabilang banda, nais ng rehimeng na iwasan ang malantad sa mamamayan ang kabulukan at pagiging reaksyunaryo ng umiiral na sistemang panlipunan na pinananatili at ipinagtatanggol nito.

Mulat ang NDFP sa mga layunin ng rehimen sa paglilimita nito sa usapan sa back channel talks. Inililinaw ng NDFP negotiating panel na hindi maaaring manatiling impormal ang usapan nang walang taning at nang walang kapasyahang naaabot.

Upang bigyang-sikad ang usapan at hindi tuluyang mawala ang proseso ng pakikipagnegosasyong pangkapayapaan sa rehimeng Macapagal-Arroyo, nagbigay pa rin ng maluwag na puwang ang NDFP sa pleksibilidad kahit na maganit ang GRP sa pagsalubong at pagtapat sa mga ito. Noong Nobyembre, sumang-ayon ang NDFP na sa Pilipinas na idaos ang mga pulong ng reciprocal working committees on socio-economic reforms (mga magkatapat na komiteng umaasikaso sa mga sosyo-ekonomikong reporma) kahit wala pang pormal na muling pagbubukas ng usapan. Noong Disyembre, pinangunahan ng NDFP ang hamon para sa pagsabay at pagkoordina ng GRP at NDFP sa tigil-putukan. Dagdag dito, nagpahayag ng kahandaan ang NDFP na palayain ang mga bihag ng digma na nasa pangangalaga ng mga yunit ng BHB sa Dulong Timog Mindanao. Sinang-ayunan ng NDFP ang isa pang serye ng impormal na usapan sa kagustuhang ituloy ang usapang pangkapayapaan at upang maipatupad man lamang ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o CARHRIHL at mabuo ang Joint Monitoring Committee para rito.

Ginawang kundisyon ng rehimen sa pagsang-ayon nito sa pagbabalik ng pormal na usapan ang pag-iisa na lamang ng pag-uusap tungkol sa tatlong nalalabing adyenda para umano�y humantong sa iisang kasunduan na lamang. Taliwas ito sa The Hague Declaration na nagtakda ng pagkakasunudsunod ng apat-na-puntong substantibong adyenda (karapatang-tao at internasyunal na makataong batas, mga sosyo-ekonomikong reporma, mga konstitusyunal at pampulitikang reporma at panghuli, dispusisyon ng mga pwersa at tigil-putukan). Mangangahulugan ito ng mas mahabang proseso ng pormal na usapan bago pa man may makamit na mapagpasyang kasunduan at mga makabuluhang benepisyo mula sa usapan.

 


Previous articleBack to topNext article

Enero 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Di na matagalan ng mamamayan ang rehimeng Macapagal-Arroyo

Lalong sumisidhi ang hidwaan sa hanay ng naghaharing uri
Pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan: Sinasagkaan ng rehimeng Macapagal-Arroyo
Paglapastangan sa prinsipyo ng pambansang kasarinlan: Nanganganib ang pagpapatuloy ng usapan
Ang panunumbalik: Armadong panghihimasok ng imperyalismong US sa Pilipinas
Mga tropang Amerikano:
Muling nagbabase sa Pilipinas

Pagtutol sa pagpasok ng mga armadong tropa ng US, lumalawak
Mutual Logistics Support Agreement:
Bagong katawagan, lumang kasunduan

Mga ulat-koresponsal:
Di mapagtakpan ang mga pang-aabuso ng 5th ID sa Isabela

Mga ulat-koresponsal:
5th ID, sangkot sa illegal logging

Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.