Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Bibiguin ng mamamayan at rebolusyonaryong kilusan ang solusyong militar ng reaksyunaryong rehimeng US-Estrada

 Read this article in English

Tulad ng asong ulol, walang-isip at hayok na hayok na nagmamatigas ang reaksyunaryong rehimeng US-Estrada na gamitin ang solusyong militar sa paglutas ng mga usaping panlipunan at mga suliranin nito sa pulitika. Subalit katulad ng pasistang guro niyang si Marcos, hinuhukay lamang ni Estrada ang sariling libingan. Lalo lamang pinalalalim ni Estrada ang krisis ng naghaharing sistema at nag-uudyok ng papatindi at papalawak na mga pakikibakang antipasista at anti-Estrada. At tulad ng ginawang pagdurog sa kamay na bakal ng diktadurang Marcos, bibiguin ng mamamayan at rebolusyonaryong kilusan ang solusyong militar ni Estrada.

Pag-upo pa lamang niya noong 1998, kaagad na inilarga na ni Estrada ang Operational Plan (Oplan) Makabayan, na nagdidiin sa solusyong militar bilang paraan ng paglaban sa rebolusyonaryong kilusan. Ito ang isinagawang pag-angkop ng reaksyunaryong estado sa lahatang-panig na muling paglakas ng Partido at rebolusyonaryong kilusan simula 1992 bunga ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto gayundin ng muling pag-igting ng armadong pakikibaka ng Moro Islamic Liberation Front-Bangsamoro Islamic Armed Forces (MILF-BIAF) mula 1996. Matapos ipamalas ng Partido ang militanteng katatagan, binitawan na ni Estrada bilang mayor na pamamaraan ng paglaban sa rebolusyon ang pampulitikang taktika ng kooptasyon at pagpapasuko.

Sa ilalim ng Oplan Makabayan, ibayong pinalalakas ang militar at pulisya. Gayundin, lalong pinalalaki ang mga grupong paramilitar katulad ng Citizens' Armed Forces Geographical Unit at mga grupong vigilante. Layunin ng Oplan Makabayan na armasan ang pasistang pwersang militar ng mga makabagong kagamitan, palawakin ang kontra-rebolusyonaryong mga grupong vigilante at itaas ang kakayahan nila sa paniniktik.

Kaakibat din nito ay ang paglalarga ng kampanyang disimpormasyon at paninira laban sa Partido at Bagong Hukbong Bayan (BHB) at anti-komunistang witch-hunting laban sa mga ligal na organisasyong makabayan at demokratiko.

Noong 1999, mabilis na bumulusok ang popularidad ni Estrada, bumwelo ang mga anti-Estradang protesta at mga taktikal na opensiba ng BHB at lumala ang krisis sa paghahari ng rehimeng US-Estrada. Sa desperasyong ipagtanggol ang poder nito, sabay-sabay na pinakawalan ni Estrada ang kanyang mga uhaw-sa-dugong pasistang tropa at pinag-ibayo ang kaakibat na anti-komunista at anti-mamamayang kampanyang propaganda upang papaghariin ang takot sa bayan, busalan ang bibig ng mamamayan, supilin ang mga demokratikong karapatan at piliting hadlangan ang mabilis na sumusulong na mga pakikibakang masa at armadong paglaban.

Sa kasalukuyan, ikinokonsentra ng rehimeng USEstrada ang lakas-pamutok nito sa Timog Katagalugan at sa mga lugar ng MILF-BIAF sa Mindanao habang itinataas ang kakayahan nito sa mabilis na deployment ng pwersa saanmang lugar sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng mga operasyong laking-brigada, layunin ng pasistang rehimen na magkamit ng mga taktikal na tagumpay sa baluktot na paniniwalang magsisilbi itong salik sa pagpapatatag ng kanyang paghahari.

Isinasagawa ngayon ang napakalupit na kontrarebolusyonaryong digma sa kanayunan at kalunsuran. Lansakang nilalabag ang mga karapatang sibil ng mamamayan at ang mga alituntunin sa digmaan at internasyunal na makataong batas. Pinaiiral ngayon, laluna sa kanayunan, ang lahat ng aspeto ng batas militar. Isinasakatuparan ang patakaran ng pagtortyur, pagsalbeyds, pagboblokeyo sa pagkain, pambobomba, pwersahang pagpapalikas, iligal na pang-aaresto at pagsasampa ng mga kasong kriminal sa mga pinaghihinalaang rebolusyonaryo. Sa kalunsuran, ibinasura na ang tinaguriang patakaran ng "maximum tolerance" sa pagharap sa mga demonstrasyon at ipinatutupad ang patakaran ng "maximum force" o paggamit ng todong-pwersa upang buwagin ang mga militanteng rali ng mga manggagawa, estudyante at iba pang sektor.

Batay sa mga di pa kumpletong talaan, tinatayang mauungusan ng reaksyunaryong gubyernong Estrada ang rekord ng diktadurang Marcos at ng mga sumunod na pasistang rehimen sa usapin ng dami ng mga kaso at biktima ng paglabag sa mga karapatang-tao.

Sa pagbitaw sa pampulitikang pamamaraan ng paglaban sa rebolusyonaryong kilusan, binitawan na rin ng reaksyunaryong gubyerno ang dating pakitang-taong paggalang sa mga karapatang-tao at sa mga internasyunal na makataong batas. Winakasan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) ang negosasyong pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) upang ipawalambisa ang Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa Karapatang-tao at sa Internasyunal na Makataong Batas at alisin ang anumang balakid sa paglalarga ng todo-todong digma.

Minamadali na rin ni Estrada na wakasan ang negosasyong pangkapayapaan ng GRP-MILF. Sa kabila ng nagpapatuloy na pormal na negosasyon, tinambakan ng libu-libong tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at inilunsad ang malakihang pananalakay sa Camp Omar ng MILF-BIAF nitong Pebrero. Ito ay labag sa mga nauna nang kasunduang nabuo sa pagitan ng GRP at MILF at tahasang pang-uupat sa MILF na umatras na sa prosesong pangkapayapaan.

Sa kahayukan nito sa digmaan, lubusang binabalewala ng pasistang militar kahit ang kapakanan ng mga tauhan nitong bihag ng digma. Sa halip na tumbasan ang makataong alok ng NDFP na palayain ang mga bihag ng digma, katulad nila Maj. Noel Buan at PCI Abelardo Martin, iniutos ni Estrada ang laking-brigadang operasyon sa Timog Katagalugan.

Subalit batas ng kasaysayan ang nagtatadhana na, habang matamang tumatalima sa mga taktikang gerilya at linya ng matagalang digmang bayan na nagtataguyod sa interes ng masa at umaasa sa kanila, tuluy-tuloy na lalakas at lalaki ang rebolusyonaryong armadong kilusan at unti-unti nitong pahihinain ang higanteng reaksyunaryong hukbo. Para sa Partido at buong rebolusyonaryong kilusan, ang pagmamatigas ng reaksyunaryong gubyernong Estrada sa solusyong militar nito ay nagbubunsod ng higit na mahusay na sitwasyon para sa lahatang-panig na pagsulong ng rebolusyonaryong gawain, laluna sa larangan ng armadong pakikibaka.

Kailangang itaas ang antas ng pagkakaisa at kakayahan ng BHB. Mahalagang isagawa ang pampulitikang pagsasanay na nakatuon sa pag-aaral sa lipunan at rebolusyong Pilipino, mga dokumento at direktiba ng Partido, mga partikular na suliranin ng masa at ang pag-oorganisa at pagpapakilos sa kanila. Kailangan ding maisagawa ang pagsasanay-militar na nagtataas sa kakayahan ng mga mandirigma sa mga maniobrang pang-opensiba at depensiba, pagtudla at iba pang saligang gawaing-militar; at sa kakayahan ng mga upisyal sa pagtataya, pagpaplano at pamumuno sa mga operasyon.

Kaugnay nito, kailangang samantalahin ng mga yunit ng BHB ang mga pagkakataong bigwasan ang mga tropa ng reaksyunaryong hukbo. Sa mga larangang gerilya, maaaring samantalahin ng mga mandirigma ang bulag na pagkilos ng AFP at PNP, ang mababang moral ng kanilang tropa at ang di pantay na deployment ng kanilang mga pwersa. Sa pakikipagtulungan sa masa, subaybayan ang pagkilos ng mga pasistang tropa upang makabuo ng angkop na plano para sa paglulunsad ng mga tiyak na maipagwawaging taktikal na opensiba.

Kailangan ding pahigpitin ang pagkakaisa ng hukbo at mamamayan. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagharap sa kanilang mga suliranin at paghikayat ng kanilang pagsuporta at paglahok sa armadong pakikibaka. Mula sa kanilang hanay, malawakang magrekluta ng mga nasa sapat na gulang, may mahusay na rekord at malusog na pangangatawan bilang mga mandirigma ng BHB.

Kinakailangang itaas ang antas ng militansya at tapang ng masa upang kolektibong harapin at labanan ang pagmamalupit ng mga pasistang tropa at igiit ang katarungan mula sa pang-aabuso ng mga sundalo at pulis. Ang mga pusakal na yunit at upisyal ng reaksyunaryong hukbo at pulisya, pati na ang pinakamasasahol na reaksyunaryong pulitiko, ay kailangang pagbayarin sa kanilang mga kasalanan sa mamamayan.

Sa pamamagitan ng paglalantad sa kabulastugan ng solusyong militar ni Estrada ay makatitipon ng malawak na suportang pampulitika para sa armadong pakikibaka. Kailangang pansinin ang paghikayat ng iba�t ibang anyo ng suporta para sa hukbong bayan mula sa petiburgesyang lunsod at iba pang sektor sa kalunsuran. Samantalahin ang lahat ng oportunidad, kabilang na sa masmidya, upang ilantad ang mga abuso at kalupitang militar at ang mga paglabag sa mga karapatang-tao, mga internasyunal na makataong batas at alituntunin sa digma.

Habang lalong nanggigigil si Estrada sa kanyang solusyong militar, lalong nagiging matingkad ang kawalang-intensyon ng kanyang pasistang rehimen na lutasin ang mga saligang suliraning panlipunan na nagbubunsod ng malawak na paghihirap ng mamamayan at krisis sa pulitika at ekonomya. Habang lalong malupit ang anti-mamamayan at kontra-rebolusyonaryong digma ng reaksyunaryong gubyernong Estrada, lalong tiyak itong mabibigo � lalo nitong paglalagablabin ang nagaalab nang rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino.

 


 Back to topNext article

Enero 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Bibiguin ng mamamayan at rebolusyonaryong kilusan ang solusyong militar ng reaksyunaryong rehimeng US-Estrada
Tungkol sa tumitinding pananalakay ng AFP sa MILF-BIAF
Mga bihag ng digma:
Sinasabotahe ng rehimeng US-Estrada ang pagpapalaya kina Martin at Buan

13 taktikal na opensiba ng BHB sa Timog Katagalugan noong 1999, lahat tagumpay!
Malaking bigwas sa tinipong maliliit na tagumpay
Patuloy sa 2000
Muling paglulunsad ng mga taktikal na opensiba ng BHB sa Negros
Lantarang pasista at teroristang paghahari ng rehimeng US-Estrada sa Timog Katagalugan
Armando "Ka Sixto" Cerna Jr.:
Biktima ng kalupitan ng AFP

Balikatan 2000:
Ibayong militarisasyon ng Gitnang Luzon

Tumitinding pasismo sa kalunsuran:
Mararahas na dispersal at pambubuwag ng welga

Lubusang pagkabulok ng lumang partido:
Ang pasistang pangkating Baguisa

Norberto Manero:
Larawan ng bayaran at pusakal na berdugo

Pagparusa kay Conrado Balweg
Cagayan Valley:
Pagbaka sa konserbatismo at muling pagsulong

Agresyon ng Russia sa Chechnya:
Pagpapalawak ng imperyong Ruso

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.