Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Balita

 Read this article in English


Armadong goons ng APEX Mining Corp, pinarusahan ng Pulang Bagani Command

Isang M60, isang .30 kalibreng masinggan, dalawang M14, limang M16, isang garan at apat na night vision goggles ang nasamsam ng mga Pulang mandirigma sa isang walang putok na reyd nitong Pebrero 26 sa Compostela Valley.

Ang matagumpay na taktikal na opensibang ito ay inilunsad ng Pulang Bagani Command ng Merardo Arce Command (MAC-BHB) laban sa mga armadong goons ng APEX Mining Corp. sa Brgy. Masara, Maco.

Ayon kay Rigoberto F. Sanchez, tagapagsalita ng MAC-BHB, ang taktikal na opensiba ay pagparusa sa malaon sa pananakot, pagbabanta at pang-aabuso ng mga security goons ng APEX sa masa. Walang pinag-iba ang naturang grupo sa reaksyunaryong sandatahan sa paglulunsad ng mga anti-mamamayan at kontra-rebolusyonaryong aktibidad. Pinarusahan din sila dahil sa paglabag sa mga patakaran at regulasyon ng demokratikong gubyernong bayan hinggil sa pagmamantine ng matataas na kalibreng armas.

Lubusang ikinatuwa ng mamamayan at ng rebolusyonaryong kilusan ang pinakahuling tagumpay na ito ng Pulang Bagani Command.


Istasyon ng PNP sa Albay, nireyd ng BHB

Dalawang M-16 at apat na .38 pistola ang nasamsam ng BHB sa sorpresang pagsalakay nito sa istasyon ng PNP sa Pier Site, Pio Duran, Albay nitong Pebrero 16.

Tatlong pulis ang napatay at isa ang nasugatan sa naturang reyd. Nasawi sina SPO4 Macario Olina, SPO4 Sancho Suizo, at SPO4 Alfredo Lopez Sr. Alas-9:45 ng gabi nang ilunsad ang pagsalakay.


Masasamang elemento, pinarusahan

Ginawaran ng BHB ng parusang kamatayan ang tatlong masasamang elemento sa magkahiwalay na insidente.

Pinarusahan ng BHB si Moises Salazar nitong Pebrero 24 sa Sitio Bagtok, Barangay San Vicente, Montevista, Compostela Valley. Si Salazar ay napatunayang nagkasala ng panggagahasa sa mga kababaihan at pagnanakaw. Makailang ulit na binalaan ng mga Pulang mandirigma si Salazar.

Nitong Pebrero 13, ginawaran ng parusang kamatayan si PO3 Rey Alasaas sa Barangay Poblacion, Baco, Oriental Mindoro. Matagal nang target ng pagpaparusa si Alasaas dahil sa tuluy-tuloy niyang pagpapasimuno sa mga kontra-rebolusyonaryong aktibidad sa prubinsya.

Pinarusahan din ng BHB nitong Pebrero 16 si Rene Mahinay, sa Barangay Labigan, Pio V. Corpuz, Masbate, dahil sa kanyang pagiging aktibong aset ng militar.


GRP, Sagka sa pagpapalaya ng mga bihag-digma

Patuloy na tumatanggi ang rehimeng Macapagal-Arroyo na itigil ang mga operasyong militar at pulis sa rehiyong Dulong Timog Mindanao. Sa halip, lalo pang pinaiigting ang mga operasyong militar na sumasagka sa mahusay na pagpapalaya ng Valentin Palamine Command (VPC) kina Sgt.Jeremias Rosete at iba pang ahente ng AFP.

Maraming lumad at iba pang mamamayan sa naturang mga lugar ang kasalukuyang pinahihirapan at napalilikas dulot ng isinasagawang matinding mga operasyon ng AFP roon.

Tumatanggi ang rehimen na ipatupad ang SOMO at SOPO upang baluktot na palabasin na ang patuloy na suspensyon ng usapang pangkapayapaan ay dahil sa "bigo ang BHB na palayain ang mga bihag-digma nito". Noon pang Setyembre 2001 ay iniaalok na ng VPC ang pagpapalaya sa mga bihag-digma.


Tagumpay sa Hong Kong.

Iniatras ng gubyerno ng Hong Kong noong Enero 31, 2002 ang planong pagbawas sa minimum na sweldo ng mga domestic helper. Tagumpay ito ng pakikibakang pinamunuan ng mga Pilipinong manggagawa laban sa binalak na pagkakaltas.


Laban sa pagtaas ng kontribusyon sa SSS.

Tinutulan ng mga samahang manggagawa ang planong pagtataas mula 8.4% tungong 21% ng kinakaltas sa sahod ng mga myembro para sa kanilang kontribusyon sa SSS. Iginiit ng Kilusang Mayo Uno na dapat munang imbestigahan ang mga paglustay sa pondo ng SSS sa halip na magpataw ng bagong pasanin sa balikat ng mga manggagawa.


Bagong alituntunin sa labor-only contracting.

Ilalabas ng Department of Labor and Employment ang bagong mga alituntunin sa labor-only contracting sa katapusan ng Pebrero 2002. Ilalatag nito ang mga ligal na paraan ng kontraktwalisasyon. Hahalili ito sa kinamuhiang DOLE Order #10 (1997) na ibinasura noong nakaraang taon.


Diskriminasyon sa US.

Libu-libong manggagawang Pilipino sa US ang nakatakdang tanggalin sa trabaho matapos simulang ipatupad ang US Aviation Security Law. Ipinagbabawal ng batas na ito na magsilbing inspektor ng bagahe sa mga paliparan ang mga imigrante. Kinundena ng Migrante International at grupong Philip Vera Cruz Project sa US ang hakbanging ito.


Malawakang disempleyo mula Enero.

Umabot sa 8,599 mang.gagawang Pilipino ang naitalang natanggal sa trabaho mula Enero 1 hanggang Pebrero 15, 2002 kasabay ng patuloy na pagsasara ng mga kumpanya. Kabilang sa mga kumpanyang ito ang Pepsi Cola, Philippine Home Cable Holdings, Cyberspace Inc. at Rosario Bros. Co.


Laban sa field testingg ng GE Rice sa Camaarines Sur.

Binatikos nitong Pebrero 4 ng Kilusang Magbubukid ng Piliinas (KMP) ang plano ng Monsanto na mag-eksperimento dahil ng pagtatanim ng genetically-engineered rice sa Tigaon, Camarines Sur. Tinuligsa nila si Mayor Elmo Bombase sa pag-apruba nito.


"Bantay Buko", binuo.

Binuo noong Enero 17 ng mga organisasyon ng maliliit na magniniyog at iba pang sektor ang malawak na alyansang "Bantay Buko". Paiigtingin nito ang kampanya para sa pagbawi sa bilyun-bilyong pisong pondong coco-levy at hahadlangan ang anumang aregluhang mabubuo sa pagitan ng rehimeng Macapagal-Arroyo at ni Danding Cojuangco kaugnay ng San Miguel Corporation.


"Direct Payment Scheme", binatikos.

Binatikos ng KMP ang Department of Agriarian Reform (DAR) sa plano nitong direct payment scheme o direktang pagbabayad ng mga magsasaka sa lupa. Iginiit ng KMP na ang mga magsasaka ay "lalong mapagkakaitan ng lupa" dahil rito. Binuo ng DAR ang plano na ito matapos makatanggap lamang ng P2.8 bilyon para sa pagbili ng lupa para sa repormang agraryo.


Rice Safety Net Bill, tinututulan.

Mariing tinututulan noong Enero 28 ng KMP ang House Bill 3339 na nagpapanukalang lubusang alisin na ang mga restriksyon sa importasyon ng bigas. Lalo lamang nitong pahihirapan ang maliliit na magsasaka dahil babaha sa bansa ang murang angkat na bigas. Tinututulan din ng mga empleyado ng National Food Authority (NFA) ang naturang panukala dahil kaakibat nito ang tuluyan nang pagsasapribado ng ahensya at pagsisisante sa mga empleyado nito.


Laban sa pagpapagamot ni Estrada sa US.

Naghapag ng resolusyon ang mga kinatawan ng Bayan Muna sa Kongreso nitong Pebrero 18 laban sa kahilingan ni Estrada na ipagamot ang kanyang tuhod sa US. Iginiit ng Bayan Muna na hindi dapat pahintulutan si Estrada na umalis "sa interes ng katarungan at mabilis na resolusyon ng mga kaso ng pandarambong". Nagpahayag din ng pagtutol sina Sec. Raul Roco, Lito Osme�a ng partidong Promdi at Renato de Villa ng partidong Reporma. Kinokontra nila ang naunang resolusyon sa Kongreso at Senado na sumusuporta sa kahilingan ni Estrada na sikretong ineendorso rin ni Macapagal-Arroyo. Pinirmahan na ito ng 130 kongresman at 18 senador.


Namamakyaw ang mga dayuhan.

Puspusang ineenganyo ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang pagbebenta sa mga imperyalistang kumpanya sa pinansya ng mga di-produktibong pautang ng mga bangko sa bansa. Kalakhan ng mga pautang na ito ang ay may kalakip na real estate collateral (sanlang lupain). Mapapasakamay ang mga ito ng mga dayuhang bumibili ng mga pautang, sa kabila ng pagbabawal ng konstitusyon ng gubyerno sa dayuhang pag-aari ng mga lupain sa bansa. Umaabot sa P291 bilyon ang kabuuang halaga ng mga ipinagbibiling di-produktibong pautang ng pinakamalalaking bangko sa bansa. Pinakamalaki ang sa Metrobank, Philippine National Bank, Land Bank, Equitable-PCI Bank. Isa sa mga pinakamalaking dayuhang kumpanyang nagsimula nang mamakyaw ay ang Lehman Brothers ng US na bumili na ng kalahati ng P33 bilyong di-produktibong pautang ng Metrobank. Kabilang sa iba pa ang Cerberus Ltd., Colony Capital Asia Pacific Ltd., Goldman Sachs, Morgan Stanley, Lone Star at Deutsche Bank.


Mahigit 120 sundalo at pulis, nilipol sa Nepal.

Matagumpay na sinalakay ng mga Pulang mandirigma ng Partido Komunista ng Nepal (Maoista) ang mga himpilan ng militar at pulisya sa Accgan District, sa Nepal nitong Pebrero 16 at 17. Sa mga pagsalakay na ito, mahigit 120 pwersang militar at pulis ang napatay at 27 pa ang malubhang nasugatan sa pinakamalaking opensibang militar ng PKN mula noong magdeklara ang reaksyunaryong gubyerno ng state of emergency sa bansa noong Nobyembre 23, 2001.


Laban sa World Economic Forum.

Libu-libong mamamayan ang nagrali sa New York, upang kundenahin ang pulong ng World Economic Forum (WEF) nitong Pebrero 3-8. Sa harap ng pagtitipon ng mga gubyerno at malalaking negosyo, isinigaw nila ang mga islogang "Wakasan ang Gera!", "Enron, ilang manggagawa ang niloko n'yo ngayon?" at "Pagkain, hindi bomba!" Kinundena nila ang "globalisasyon", ang napakababang pasahod sa Ikatlong Daigdig, ang malawakang disempleyo at mga patakarang sumasalanta sa mamamayan at kalikasan.


Welga sa South Korea.

Nag-walkout nitong Pebrero 26 ang may 20,000 manggagawa ng Hyundai Motor Co. at Kia Motors sa South Korea. Tinututulan ng mga manggagawa ang mga programa ng rehimeng Kim Dae-Jung para sa repormang pang-ekonomya na. Kabilang dito ang pagsasapribado ng riles at iba pang pag-aari ng estado na magbubunsod ng malawakang tanggalan sa trabaho.

 


Previous articleBack to top 

Pebrero 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal: Pagbayarin nang mahal ang sukdulang papet na rehimeng Macapagal-Arroyo
Ang panunumbalik:
Armadong panghihimasok ng US sa Pilipinas

Ibayong pagyurak sa soberanya ng mga bansa: Doktrinang Bush
Pinalaking badyet pandigma ng US
Pagbatikos sa doktrinang Bush
Ang kapangyarihang militar ng US sa Asia-Pacific
North Korea handang lumaban sa agresyong US
Pagpapaalis sa mga Amerikanong "tagapayong militar" sa Colombia, iginiit ng FARC
[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Sa mga nagdaang Balikatan: Mga paglabag sa karapatan ng mamamayan
[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Pananalanta sa panahon ng mga base militar ng US sa Pilipinas
[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Digmaang Pilipino-Amerikano (1899-1913): Noong unang nanghimasok ang imperyalismong US sa bansa
[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Mga alingawngaw ng armadong panghihimasok ng US sa Vietnam
Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.