Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ang usapin ng sesesyon at karapatan sa pagpapasya-sa-sarili ng mamamayang Moro

 Read this article in English

Sa larangan ng pulitika, ang karapatan para sa pagpapasyasa- sarili ay maaaring maipatupad sa alinman sa mga sumusunod na paraan: Una, ang pagkakaroon ng mga espesyal na batas na gagarantiya ng pagkakapantay-pantay ng lahat ng grupo sa isang estado at ang kaakibat na pagpawi sa lahat ng restriksyon na maaaring humadlang sa partisipasyon ng mga grupong minorya; ikalawa, ang panrehiyong awtonomya; ikatlo, ang pederasyon; at ikaapat, ang tahasang paghiwalay o sesesyon.

Dahil maliitan at hiwa-hiwalay ang kanilang ekonomya at mga komunidad, ang higit na nakararaming grupong etno-linggwistiko sa Pilipinas ay di naigigiit ang kanilang karapatang humiwalay. Sa kasaysayan, madalas na nakikiisa ang mga grupong ito sa iba pang mamamayang Pilipino upang labanan ang mga dayuhang kolonyalista. Ang tanging daan sa kanilang paglaya mula sa pang-aapi at pagsasamantala ay ang kanilang paglahok sa pambansa-demokratikong rebolusyon kaisa ng kabuuang mamamayang

Pilipino.

Sa mga minorya ngayon, natatangi ang paglitaw ng organisadong pwersang Moro na naggigiit ng, at aktwal na, nakikipaglaban para sa kanilang karapatang humiwalay sa reaksyunaryong gubyerno. May puwang ang Moro National Liberation Front/Bangsamoro Army (MNLF/BMA) sa kasaysayan ng mamamayang Moro bilang kauna-unahang pwersang nagbandila ng pakikibakang ito sa pamamagitan ng pagtangan sa konseptong nasyunalismong Moro at ng pagbubuo nito ng pagkakaisa sa pagitan ng iba�t ibang maliliit na grupong etnolinggwistiko sa Timog Mindanao.

Ngunit simula nang pirmahan ng MNLF ang Kasunduang Tripoli noong 1976 at binitiwan nito ang tuluy-tuloy na pagpapalakas ng armadong pakikibaka, unti-unti nang humina ang MNLF at BMA. At noong 1996, tuluyan nang ipinagkanulo ng lider ng MNLF/BMA na si Nur Misuari, sampu ng kanyang mga alipures, ang pakikibakang Moro nang pumasok ito sa tiwaling kasunduan sa rehimeng US-Ramos. Kapalit ng huwad na awtonomya para sa mamamayang Moro (�awtonomya� sa ilalim ng isang mapaniil na estado) at pwesto sa reaksyunaryong burukrasya para kay Misuari, binitiwan ng MNLF ang mahabang kasaysayan ng armadong pakikibaka ng mamamayang Moro at pormal na tinanggap ang integrasyon ng Bangsamoro sa kasalukuyang reaksyunaryong gubyerno.

Ang pakikibakang tinalikdan ng MNLF ay ipinagpatuloy ng Moro Islamic Liberation Front/Bangsamoro Islamic Armed Force (MILF/BIAF). Militanteng naninindigan ang MILF/ BIAF laban sa reaksyunaryong kaaway at kampanyang pasipikasyon nito.

Bahagi ng Bangsamoro ang lahat ng inaapi at pinagsasamantalahang sektor at uri ng mga etnolinggwistikong grupong Maranao, Maguindanao, Tausog, Samal, Yakan, Sanggil, Palawani, Badjao, Kalibugan, Jama- Mapun, Iranun, Kalagan at Molbog. Matatawag ding Moro ang mga tribu at mga bahagi ng mga tribu at indibidwal na nagtataguyod sa pakikibakang Moro para sa kanilang karapatan para sa pagpapasya-sa-sarili, yaong mayroong mahabang kasaysayang nakaugnay sa kanilang pulitika, ekonomya at kultura at malaon nang naninirahan sa mga depenidong lugar ng Moro.

Batay sa depinisyong ito, tinatayang 28-35% ng populasyon sa buong Mindanao ang mamamayang Moro sa kasalukuyan. Mayorya ang mamamayang Moro sa mga prubinsya ng Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-tawi. Sa 11 namang munisipalidad sa ibang prubinsya, nananatiling mayorya ang mamamayang Moro (pito sa Lanao del Norte; dalawa sa Zamboanga del Norte; isa sa North Cotabato; at isa sa Palawan).

Sa lahat ng grupo at tribu ng pambansang minorya sa Pilipinas, ang mamamayang Moro ang may inabot na pinakaabanteng sistemang panlipunan bago dumating ang kolonyalistang Kastila. Sila rin ang may mahaba at sustenidong kasaysayan ng armadong pakikipaglaban sa magkakasunod na kolonyalistang sumakop sa kanilang mga teritoryo.

May batayan sa kasaysayan at mga umiiral na kundisyon sa kasalukuyan ang karapatan ng mamamayang Moro para humiwalay sa mapang-aping gubyerno ng Republika ng Pilipinas at magtatag ng sariling bansa. Pinakamatingkad na salik ang kanilang kultura. Umiiral ang mga depenidong hangganan ng kanilang mga teritoryo. Mataba ang lupa para sa ibayong paglaganap ng nasyunalismong Moro.

Gayunpaman, ang kasaysayan, lipunan at mga komunidad ng Moro ay mahigpit na nakakawing sa ebolusyon ng bansang Pilipinas at sa sistemang kinasasadlakan ngayon ng buong mamamayang Pilipino. Sa kabila ng tuluy-tuloy na armadong pakikipaglaban ng mamamayang Moro sa mga dayuhang mananakop, paulit-ulit na napasusuko ang kanilang mga pinuno na pawang kabilang sa naghaharing uri. Ang huli ang nagsilbing daluyan ng mga patakarang kolonyal na sumupil sa mamamayang Moro. At sa panahon ng ganap na pangingibabaw ng imperyalismong US sa bansang Pilipinas, naipailalim nito ang lipunan at sistemang Moro sa reaksyunaryong gubyernong nakabase sa Maynila.

Hindi ligtas ang mga komunidad ng Moro sa pang-aapi at pagsasamantala ng mga imperyalista, panginoong maylupa at malalaking burgesyang kumprador. Katunayan, ang mamamayang Moro, katulad ng iba pang pambansang minorya sa Pilipinas, ay kabilang sa pinaka-api, pinagsasamantalahan at sistematikong pinababayaan ng kontra-rebolusyonaryong estado, at kung gayon, ay may malalim na interes sa pambansa-demokratikong rebolusyon. Malawakang kinakamkam

at dinarambong ng mga dayuhang kapitalista at lokal na mapagsamantalang uri ang kanilang mga lupain at likas na yaman. Sa nakaraang mga dekada, sa ilalim ng magkakasunod na papet at pasistang guberyno, biniktima sila ng paulit-ulit at malulupit na kampanyang militar at henosidyo, kabilang ang mga pambobomba, panununog at pwersahang pagpapalikas mula sa kanilang mga teritoryo.

Malaon nang sinusuportahan at hinihikayat ng Partido at ng rebolusyonaryong kilusan ang mga organisasyon ng mamamayang Moro na igiit ang kanilang karapatan para sa pagpapasya-sa-sarili, kabilang na ang kanilang karapatan para sa sesesyon, bilang armas nila laban sa reaksyunaryong estado, pambansang pang-aapi at sobinismong Kristiyano. Nasa interes ng sambayanang Pilipino, kabilang na ng mga Moro, na isulong ng mga organisasyong Moro ang armadong pakikibaka para igiit ang gayong karapatan.

Gayundin, palagiang hinihikayat ng pambansa-demokratikong kilusan ang mamamayang Moro na makiisa sa buong mamamayang Pilipino upang magtulungan sa pagpapabagsak ng imperyalismo, burukratang kapitalismo at pyudalismo at pagpapalaya ng lipunang Pilipino sa pangkalahatan at ng lipunang Moro sa partikular mula sa pagsasamantala at pangaapi.

Kaalinsabay sa alok ng pambansa-demokratikong kilusan ng rebolusyonaryong pagkakaisa at pakikipagtulungan sa mga organisasyong Moro, inoorganisa nito ang mamamayang Moro at nagpapalitaw ng mga rebolusyonaryong kadre at aktibista mula sa kanilang hanay. Aktibong itinatakwil at nilalabanan ng rebolusyonaryong kilusan ang mga pakana ng reaksyunaryong estado na sulsulan ang sobinismong Kristiyano ng mayorya laban sa Bangsamoro. Gayundin, itinatakwil at nilalabanan ng rebolusyonaryong kilusan ang etnosentrismong Moro na naghihiwalay sa pakikibakang Moro sa pakikibaka ng buong sambayanang Pilipino.

Mahalagang mapatatag ang relasyon ng mamamayang Moro sa buong mamamayang Pilipino upang maikawing ang kanilang rebolusyonaryong kilusan sa iba pang rebolusyonaryong pwersa ng mamamayan at iba pang mamamayang inaapi sa buong daigdig.

Sa ilalim ng demokratikong gubyernong bayan, tumatanaw ang Partido at ang rebolusyonaryong kilusan sa pagtataguyod ng panrehiyong awtonomya sa mga lugar ng konsentrasyon ng Bangsamoro at lokal na demokratikong gubyernong koalisyon sa mga lugar na di sila konsentrado. Ang pampulitikang kaayusang ito ang magtitiyak sa interes ng mamamayang Moro sa loob ng gubyernong bayan, papawi sa lahat ng tipo ng sobinismo at magpapatatag sa internasyunalismo ng buong sambayanang Pilipino.

Ang kaayusan ding ito ang magpapadali sa proseso ng pag-unlad ng relatibong atrasadong mga komunidad at sa lubos na pagtamasa ng pambansang pagkakapantay- pantay ng magkakaibang nasyunalidad sa loob ng demokratikong gubyernong bayan.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Setyembre 1999
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Lumalawak at lumalakas ang militanteng pakikibaka ng mga manggagawa

Ang Bayan, sa internet
Mga rali at welga sa Nobyembre 16:
Patuloy na pag-igting ng pakikibaka para sa P125 dagdag sa sahod

Deregulasyon sa industriya ng langis
Sabwatan ng mga imperyalista, mga kartel ng langis at ng reaksyunaryong gubyerno

Liham mula sa Rehiyong Ilokos-Kordilyera
Ang usapin ng sesesyon at karapatan sa pagpapasya-sa-sarili ng mamamayang Moro
Ika-50 taong anibersaryo ng tagumpay ng demokratikong rebolusyon sa Tsina
Sa ika-50 taong anibersaryo ng tagumpay ng demokratikong rebolusyon sa Tsina
Ang busabos na kalagayan ng mga manggagawa sa Tsina

Sa ika-50 taong anibersaryo ng tagumpay ng demokratikong rebolusyon sa Tsina
Ang sosyalistang transpormasyon ng kanayunan at pagbabaligtad nito

Binabati ng mamamayang Pilipino ang mamamayan ng East Timor at tinutuligsa ang mga atake laban sa kanila ng mga pasistang Indones
Hudyat sa ibayong pagsulong ng antipyudal na pakikibaka sa Timog Katagalugan
Panimulang tagumpay sa pagpawi ng resikada

Patuloy na paglulunsad ng mga taktikal na opensiba ng BHB-Bikol
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.