Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal: Ibayong isulong ang pakikidigmang gerilya sa buong bansa!

 Read this article in English

Ang balot-sa-krisis na reaksyunaryong sistema sa bansa ay tuluy-tuloy na dumadausdos at nabibiyak. Patuloy na lumalala ang ekonomya ng bansa at tumitindi ang kahirapan at kagipitang dinaranas ng masa ng sambayanan. Bumibigat ang mga dahilan para magprotesta ang mamamayan. Umiigting ang mga kontradiksyon sa hanay ng mga naghaharing uri. Gumigiray ang malakolonyal at malapyudal na sistema sa bansa, lalupa't lumulubog sa resesyon ang pandaigdigang sistemang kapitalista. Hinahatak ng huli pabagsak ang ekonomya ng Pilipinas na higit na itinali rito ng patakarang "globalisasyon". Sumasambulat ang mga bagong kaguluhan sa daigdig at sa bansa.

Ibayo pang lumala ang krisis ng imperyalismo sapul nang maganap ang teroristang atake sa US noong Setyembre 11 at inilunsad ng US ang gerang agresyon nito sa Afghanistan. Sa Pilipinas, bagong sakit ng ulo ng naghaharing sistema ang pagtatakwil ni Misuari sa pakikipagkasundo ng MNLF sa gubyerno at ang pagputok ng labanan sa pagitan ng paksyong Misuari ng MNLF at mga sandatahang pwersa ng gubyerno.

Ang tuluy-tuloy at mabilis na lumalakas na mga suhetibong pwersa ng rebolusyon - ang Partido, hukbong bayan, rebolusyonaryong kilusang masa at nagkakaisang prente - ay nasa mas mahusay na katayuan ngayon upang isulong ang digmang bayan sa harap ng umiiral na napakainam na sitwasyon para sa rebolusyon.

Ibayong panunupil ang tugon ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo sa tumitinding krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema. Pinagsasabay ngayon ng rehimen ang pagpapatindi ng mga atake sa mga larangang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan at pagmamatigas sa usapang pangkapayapaan.

Pangunahing kinokonsentrahan ng mga sandatahang pwersa ng gubyerno ang BHB at rebolusyonaryong base nito. Sa kasalukuyan, 75% ng panagupang pwersa ng AFP at CAFGU (55,288 tauhan) ang nakakonsentra sa BHB. Mayroon din itong 11,600 tauhang nakatutok sa MILF at 8,700 sa Abu Sayyaf.

Samantala, sa kabila ng kaisahan na ng NDFP at GRP panel na ituloy na ang usapang pangkapayapaan, inaantala pa rin ng rehimen ang pagsusulong nito. Iginigiit ng rehimen ang kundisyon nitong itigil ng NDFP ang binabansagan ng GRP na mga "pampulitikang asasinasyon". Labag ito sa saligang prinsipyong nilalaman ng Deklarasyon sa The Hague noong 1992, ang sandigang kasunduan ng usapang pangkapayapaan, na ang usapan ay isasagawa nang walang prekundisyong ipapataw sa alinmang panig. Ang pagpataw ng kundisyong ito ay pamimilit sa NDFP na bitiwan ang tungkulin nitong ipatupad ang hustisya alinsunod sa mga kapasyahan ng mga reboluyonaryong organo ng kapangyarihang pampulitika at hukumang bayan.

Ipinakikita nito na wala sa prayoridad ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang usapang pangkapayapaan. Ito ang dahilan kung bakit kabi-kabila ang pagpapataw nito ng mga kundisyon at arbitraryong sinususpinde ang usapan. Sa kasalukuyan, mas interes ng rehimen ang gapiin ang rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng todo-largang digma.

Sa hangaring gapiin ang rebolusyonaryong kilusan, ipinatutupad ng kaaway ang taktika ng konsentrasyon upang samantalahin ang estratehikong superyoridad nito sa militar kumpara sa BHB. Briga-brigadang tropa ang itinatambak ng AFP sa unang prayoridad na 13 larangang gerilya (na layon nitong wasakin hanggang 2002) at doo'y ipinatutupad ang maiigting na opensiba at walang pakundangang pananalasa sa mamamayan. Isinasagawa ito ng kaaway sa balangkas ng Oplan Makabayan/Balangai.

Dahil sa kakulangan ng pwersa at rekurso ng AFP, napupwersang magprayoridad sa ilang piling target ng konsentrasyon ang bawat area command: Mindoro Oriental (SOLCOM at pambansang kumand ng AFP); Isabela-Quirino-Aurora-Nueva Ecija (NOLCOM), Bohol (VISCOM), at Rehiyong Caraga (SOUTHCOM). Sunod sa Basilan, pinakamataas ang konsentrasyon ngayon ng kaaway sa Mindoro Oriental. Sa direktang utos ni Macapagal-Arroyo, ibinuhos sa Mindoro ang kalahati ng 13 batalyong panagupang pwersa ng AFP na nakatambak ngayon sa Timog Katagalugan at dalawang batalyon ng PNP.

Dulot ng mga konsentradong operasyong ito ng sandatahang pwersa ng kaaway, ang kapakanan at mga karapatang-tao ng mamamayan ay walang patumanggang niyuyurakan. Bunsod ito ng tinatawag nilang "back-to-basics orientation", na walang iba kundi ang pagbabalik sa saligang lantay-militar na oryentasyon at pagbitaw sa dating mga mapagpanggap na civic action.

Walang pakundangan ang ganitong oryentasyon sa pagtrato at epekto sa mamamayan. Kapansin-pansin ang pagdami ng biktima ng pwersahang pagpapalikas laluna sa Mindanao at Mindoro. Nagdudulot ito ng matinding hirap at pinsala sa mamamayan, at sa gayon ng higit na pagkakahiwalay ng kaaway sa mamamayan.

Ang ating linya ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya sa loob ng yugto ng estratehikong depensiba ay ipinatutupad natin sa pamamagitan ng paglulunsad ng iba't ibang laking taktikal na opensibang kayang maipagwagi ng hukbong bayan laban sa mahihinang bahagi ng kaaway sa pinakamaraming larangang nakakalat sa buong bansa.

Sa harap ng konsentrasyon ng kaaway sa ilang larangang gerilya, kinakailangan nating maglunsad ng paparaming taktikal na opensiba sa mas maraming bahagi ng bansa. Sa gayong paraan, mapipilitan ang kaaway na banatin ang pwersa at pansin nito sa paparaming larangang gerilya at papalawak na saklaw ng labanan. Kasabay ito ng pagbira natin sa nahihiwalay na maliliit at mahihinang bahagi ng malalaki at malalakas na konsentrasyon ng kaaway.

Sa gayong proseso, tuluy-tuloy tayong nagpapalakas at antas-antas na mapahihina ang kaaway. Ang estratehikong superyoridad ng kaaway sa usaping militar, ay laging maaaring itransporma sa taktikal na superyoridad ng rebolusyonaryong armadong pwersa. Maisasagawa ito sa pamamagitan ng masinsin at malaganap na pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa.

Kaugnay nito, mainam ang matagumpay na paglulunsad ng taktikal na opensiba ng BHB sa Cateel, Davao Oriental nitong Nobyembre 10. Sa labanang ito, nalipol ng BHB ang 18 sundalo mula sa himpilan ng 27th Special Forces Company ng AFP, nasugatan ang 11 pa at nasamsam ang 21 matataas na kalibreng armas.

Mahalagang sariwain at pagsikapang ipantupad ang panawagan ng Partido noong ika-32 anibersaryo ng pagtatatag ng BHB: ang pagsasagawa ng serye ng kakayaning mga taktikal na opensiba ng mga pwersa ng hukbong bayan na nakakalat sa mahigit 100 larangang gerilya. Ang pagkuha natin mula sa kaaway ng kahit abereyds na tig-10 riple bawat buwan sa bawat larangang gerilya ay mangangahulugan ng lumalaking naiipong tagumpay sa digma. Tiyak itong babanat sa pwersa ng kaaway at maglalantad ng mahihinang bahagi nitong mas madali nating malilipol.

 


 Back to topNext article

Nobyembre 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal: Ibayong isulong ang pakikidigmang gerilya sa buong bansa!
Ilang aral mula sa mga kamalian at kabiguan ni Misuari
Mga punto hinggil sa itinakbo ng mga kasunduan sa pagitan ng MNLF at GRP
Kulang na kulang ang pagbaba ng presyo ng langis
Mga ulat koresponsal: Pagtindi ng militarisasyon sa TK
Kampanyang militar laban sa Abu Sayyaf: Naghahasik ng lagim sa Basilan
Ilang matitingkad na kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng mamamayan sa Basilan
Pinakamatitinding operasyong militar sa Cagayan Valley sa loob ng kalahating dekada
Paglakas ng rebolusyonaryong kilusan sa Catanduanes: Nang masa�t Hukbo�y magkaisa
Ilang kwento sa likod ng mga taktikal na opensiba sa Bikol
Bagong papet na pasistang rehimen sa Afghanistan at ang estratehikong interes ng imperyalismong U.S.
Mga balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.