![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Higit na lumalakas ang Partido sa pamamagitan ng pagpapalaki ng bilang ng kababaihang kasapi at namumuno sa Partido. Ang kanilang papalaking papel sa loob ng Partido, hukbong bayan at mga rebolusyonaryong organisasyong masa ay nagsisilbing inspirasyon sa iba pang kababaihan, gayundin sa kalalakihan sa pangkalahatan. Malaking kawalan sa Partido at rebolusyong Pilipino kung hindi matamang bibigyang-pansin ang maramihang paghihikayat ng masang kababaihahan sa rebolusyon at ang kanilang tuluy-tuloy na pag-unlad bilang mga rebolusyonaryo. Obhetibong interes ng kababaihan mula sa mga pinagsasamantalahan at inaaping uri at sektor ang pagrerebolusyon. Sa rebolusyonaryong paraan lamang mapupuksa ang mga ugat ng dinaranas nilang pagsasamantala at pang-aapi. Tanging sa rebolusyonaryong pagbabago ng mga panlipunang kundisyon mabubunot ang magaganit na pang-ekonomya, pampulitika, pang-ideolohiya at sosyo-kultural na ugat ng pangkasarian at makauring pang-aapi sa masang kababaihan. Ngunit hindi ito mangyayari kung hindi kikilos mismo ang kababaihan. Isang susing usapin sa pagpapalaya sa sambayanan ang pagpapalaya sa kababaihan. Para matiyak at maging epektibo ang maramihang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng kababaihan mula sa mga demokratikong uri, sinasapol ng Partido ang kanilang partikular na mga suliraning pampulitika, pang-ekonomya at pangkultura, gayundin ang mga usaping pampamilya o pantahanan. Inaangkupan ang mga ito sa pamamagitan ng mapanlikhang mga paraan ng propaganda, pag-oorganisa at pagpapakilos na tunay na tumutugon sa gayong mga interes. Pinamumunuan at isinusulong ng Partido ang isang rebolusyonaryong kilusan ng kababaihan na nagbibigay ng natatanging atensyon sa kanilang mga karaingan. Sa pamamagitan nito, binibigyang-pansin ng Partido ang paglaban sa mga mapagsamantala at mapang-aping relasyon na nagtatali sa kanila sa aba at aping katayuan. Sa gayon, lubusang napakakawalan ang kanilang lakas, sigla at inisyatiba para sa pakikibaka. Sistematikong inoorganisa ang kanilang hanay sa itinatayong mga samahan. Sa kanayunan at kalunsuran, ang mga samahang ito ay nagsisilbing malalim na balon ng mga aktibista at Pulang mandirigma. Nirerekrut sa Partido ang pinakaabanteng elemento mula sa kanilang hanay.
Kaalinsabay ng malawakang pagpapakilos at pag-oorganisa sa masang kababaihan, sinisikap din ng Partido na sistematiko at tuluy-tuloy na magpaunlad at magpatatag ng mga kadre at aktibista mula sa kanilang hanay. Susi rito ang pagkakaisa ng mga mag-asawang rebolusyonaryo, ng kanilang kinapapaloobang yunit at ng rebolusyonaryong kilusan sa pangkalahatan sa pangangailangang tugunan ang mga partikular na problema kaugnay ng pagtataguyod ng pamilya na kung hindi naisasaayos ay sumasagka sa pagkilos ng kababaihang rebolusyonaryo. Isang partikular na usapin ang pagpapalaki at pag-aalaga ng mga anak. Sa mga pagkakataong hindi ito maayos na napanghahawakan, karaniwang nakasasagka ang mga ito sa tuluy-tuloy na pagkilos ng mga mag-asawang rebolusyonaryo at unang naisasakripisyo ang pagkilos o pag-unlad ng babaeng asawa. Sa gayon, sinisikap ng Partido na hakbang-hakbang na paunlarin ang sistema ng suporta na nakatuon sa pagpapalaya sa kababaihan sa pagkakatali sa mga mga usaping pampamilya at pangkabuhayan. Sa ilang bahagi ng organisasyon ng Partido, malaki na ang pag-unlad sa mga pagsisikap na tugunan ang suportang pangkabuhayan, pang-ideolohiya at sikolohikal para sa mga pamilya ng mga kasamang kumikilos nang buong panahon para sa rebolusyon. Mahalagang ihabol ang pansin at pagsisikap ng iba pang bahagi ng ating organisasyon. Tulad ng anumang rebolusyonaryong pagsisikap, pinakaepektibong paraan para rito ang pagmomobilisa sa lakas at sigasig ng organisadong masa. Ang pag-aalaga at pagkalinga sa susunod na salinlahi ng mga rebolusyonaryo ay marapat na maging isang masiglang kilusang masa. Higit pa sa pagsisikap na tugunan ang kanilang mga materyal na pangangailangan, mahalagang tuluy-tuloy na paunlarin ang kamulatan tungkol sa pagtataguyod ng rebolusyonaryong pamilya. Bahagi nito ang pagpapaunlad sa rebolusyonaryong kamulatan ng mga anak, ng mga tumutulong sa pag-aaaruga sa kanila at iba pang kapamilya at kababaryo. Ang mga bata, sa partikular, ay maaaring pagampanin ng iba't ibang mga tungkulin sa rebolusyon upang mapaunlad ang kanilang isipan, kaalaman at praktika. Kailangan ding patuloy na itaas ang kamulatan ng mga kasama hinggil sa pagpapalaya sa kababaihan at pagtatayo ng rebolusyonaryong pamilya upang mapagtibay pang lalo ang pang-ideolohiyang pagkakaisa na isulong ang ganitong mga pagsisikap. Kailangan din ang kolektibong pag-ako ng responsibilidad at pagtulong ng kani-kanilang yunit kaugnay ng mga usaping ito. Higit sa lahat, ang pinakamalaking katiyakan na matutugunan ang partikular na interes ng kababaihan kapwa sa loob at labas ng rebolusyon ay ang mismong pagpapalakas sa rebolusyonaryong kilusan ng kababaihan. Patuloy nating hikayatin ang mas marami pang kababaihan na yakapin ang rebolusyon at patuloy na itaas ang antas ng kanilang rebolusyonaryong pagkilos. Ang tagumpay natin sa ganitong larangan ay magkaugnay na tagumpay ng kilusan sa pagpapalaya ng kababaihan at ng sambayanan. ![]()
| ||||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|