Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Sagot ng NDFP negotiating panel sa bayad na patalastas ng CBCP-NASSA

 Read this article in English

Luis Jalandoni
Tagapangulo
NDFP Negotiating Panel
Abril 19, 2004

Bilang Tagapangulo ng Negotiating Panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), inawtorisa ako ng NDFP National Executive Committee na maglabas ng pormal na sagot sa mga katanungang inihaharap ng pahayag na "NPA Taxation in the May 2004 elections" ng CBCP-NASSA1 na pirmado ng mga obispong Katoliko at mga social action director. Sinasamantala ng NDFP ang pagkakataong ito upang bigyang-linaw ang mga saligang prinsipyong gumagabay sa rebolusyonaryong pagbubuwis hindi lamang para sa mga lumagda sa pahayag kundi sa lahat ng taong napaniwala na isang anyo ng pangingikil ang pagpapahintulot ng BHB sa mga kandidato at mangangampanya sa eleksyon na pumasok sa teritoryo ng rebolusyonaryong gubyerno na tinatawag na "permit to campaign" ng ilan.

Ang ipinapahayag namin dito ay tulad rin ng ipinahayag namin sa hapag ng negosasyon kaugnay ng naturan ding usapin nang ungkatin ito noong Abril 1 ng isang kagawad ng negotiating panel ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) sa ikalawang bahagi ng pormal na usapang pangkapayapaan sa Oslo, Norway mula Marso 30 hanggang Abril 3, 2004.

Unang-una na, ipinapahayag namin na ang milyun-milyong mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa, kabilang ang Bagong Hukbong Bayan, na pawang kinakatawan ng NDFP ay rumerespeto sa likas at di maihihiwalay na karapatan at kalayaang mag-isip at magpahayag ng lahat ng indibidwal at grupo, kabilang ang lahat ng klase ng partidong pampulitika at pulitikong nangangampanya ngayon para sa eleksyon sa Mayo 2004 ng reaksyunaryong estado. Malayang makapagpapahayag ang mga entidad na ito hinggil sa anumang pinaninindigan nila nang may pagsasaalang-alang sa mga pambansa at demokratikong karapatan ng mamamayan.2

Hindi mapipigil ng rebolusyonaryong mamamayan at mga pwersa ang mga inisyatiba at hakbangin ng iba't ibang entidad na nag-aalok ng pakikipagsuportahan at pakikipagtulungan, pumupusisyong nyutral o marahas na lumalaban sa mga rebolusyonaryong pwersa. Gagawin lamang nila ang naaangkop na tugon. Isang kalabisan at malinaw na kabulaanan ang pagpapalagay na ang rebolusyonaryong gubyerno at ang kilusang masa ay makapagpapataw ng sariling kagustuhan sa pamamagitan ng simpleng pamumwersa o panunutok ng baril sa iba, kabilang ang mga nakaupong upisyal at mga naghahangad ng pwesto sa reaksyunaryong gubyerno. Totoong lumalapit sa mga rebolusyonaryong pwersa ang mga lider pulitiko at kandidato sa eleksyon sa Mayo 2004 upang ipaliwanag ang kanilang mga ideya at pananaw, mag-alok ng pakikipagsuportahan at pakikipagtulungan at tumubos ng security clearance para sa kanilang kampanya.

Ginagawa lamang ito ng naturang mga pulitiko at kandidato nang tulad ng ginagawa ng GRP sa pakikipag-usap sa NDFP hinggil sa mga usaping substantibo at teknikal. Iilang pangahas na pulitiko lamang ang bumabalewala sa baseng masa at armadong lakas ng rebolusyonaryong kilusan, nagdedeklara ng gera laban dito at walang hunos-diling nagdadala ng mga pribadong armadong grupo at/o upisyal na mga armadong yunit ng reaksyunaryong armadong pwersa, pulisya at paramilitar sa teritoryo ng rebolusyonaryong gubyerno.

Ang pahintulot o security clearance para pumasok sa teritoryo ng rebolusyonaryong gubyerno ay naglalayong tukuyin ang katangian ng mga grupo at indibidwal na pumapasok at hadlangan ang pagpasok ng mga tauhan ng kaaway na magpapahamak sa mamamayan. Kapaki-pakinabang ito kapwa sa mga rebolusyonaryong pwersa at mga kandidato dahil sa pamamagitan nito'y maiiwasan ang mga di kinakailangang sagupaan at pagkakamali.

Hindi binubuwisan ng rebolusyonaryong gubyerno ang kalayaang magpahayag, bagamat maaari nitong limitahan (ngunit di labagin) ang gayong karapatan kapag pumapasok sa teritoryo nito ang mga kontrarebolusyonaryong kaaway na may dalang mga armadong tauhan upang siraan at hamunin ang mga rebolusyonaryong pwersa. Ang binubuwisan ng rebolusyonaryong gubyerno ay ang pribilehiyong magpatakbo ng pribadong negosyo na maaaring sa isang antas ay mapagsamantala ngunit maaaring pahintulutan at buwisan dahil kailangan at pakikinabangan pa rin ng mamamayan.

Sa ilalim ng intenasyunal na batas at ng kumon na batas ukol sa armadong tunggalian, lehitimong hangarin at pinagsisikapan ng rebolusyonaryong gubyerno at kilusan ng mamamayan ang pagkakamit ng internasyunal na pagkilala sa status of belligerency nito. Nagmumula ito sa katotohanang nakamit ng rebolusyonaryong gubyerno at kilusan ang status of belligerency bunga ng puspusan at masikhay na pakikibaka. Hindi nila kailangan ni nilalayong kamtin ang belligerency status sa pamamagitan ng usapang pangkapayapaan ng GRP at NDFP at lalong hindi sa pamamagitan ng mga pakikipag-usap at pangmadaliang mga pakikipagkasundo sa mga indibidwal na pulitiko.3

Ang internasyunal na pagkilala sa gayong katayuan ay magmumula sa mga tagumpay ng mga opensiba ng BHB at ng paglawak ng kapangyarihan at teritoryo ng gubyernong bayan. Tulad ng nalalaman ng mga taong may mabuting kalooban at may sapat na pang-unawa, ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayang kinakatawan ng NDFP ay may mga karapatan at tungkulin sa ilalim ng internasyunal na batas, ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at ng konstitusyon at mga batas ng rebolusyonaryong gubyerno.

Mayroon mang BHB o wala, mapagpasya ang malaking salapi sa mga reaksyunaryong eleksyon at nagmumula ito sa mga imperyalista, mga nagsasamantalang uring malaking kumprador at panginoong maylupa at mga burukrata kapitalistang sumasarili sa nakokolektang buwis at mga pag-aaring publiko. Mali ang tinatarget ng bayad na patalastas at inililihis nito ang atensyon ng tao palayo sa mga nang-aapi at nagsasamantala na siyang nagtatakda ng katangian, kondukta at kalalabasan ng eleksyon. Hindi dapat palabasing kasalanan ng BHB ang kabulukan ng sistemang elektoral at ng buong naghaharing sistema ng mga nagsasamantalang uri.4

Mula sa sunud-sunod na mga maling hakahaka hinggil sa BHB, tumutungo ang pahayag sa di kapani-paniwalang kongklusyon na ang reaksyunaryong eleksyon ay kontrolado ng BHB at hindi ng reaksyunaryong gubyerno.5 Hindi kaya dapat unawaing lubos ng mga naglabas ng naturang pahayag na ang eleksyon sa Mayo 2004 ay pag-aari ng mga nagsasamantalang uri, ng reaksyunaryong gubyerno at ng mga tiwaling pulitiko ng sistema na kumukurakot sa nakokolektang buwis at tumatanggap ng pera mula sa kanilang mga panginoong masalapi at ang gayong eleksyon ay naglalayong lumikha ng ilusyong may demokrasya?

Ang pananagutan sa mapagsamantala, mapang-api at tiwaling katangian ng naghaharing sistema at ng mga elektoral na proseso nito ay hindi maaaring ipasa sa BHB at sa rebolusyonaryong kilusang masa. Kahit ilang kasinungalingan ay hindi makapagbubunton ng sisi sa BHB. Sa katunayan, nakaatang sa BHB ang tungkuling mang-aresto ng mga mandarambong para maimbestigahan at kung ipinahihintulot ng ebidensya ay maisakdal at malitis. Ang tungkuling ito ay nagmumula sa konstitusyon at mga batas ng rebolusyonaryong gubyerno at sa CARHRIHL.

Ang paglaki ng rebolusyonaryong hukbo at lahat ng mga organisasyong masang nakikibaka para sa pagbabagong panlipunan ay nag-uugat sa katotohanang ang mamamayan ay patuloy na inaapi ng naghaharing estado ng malalaking panginoong maylupa, malalaking negosyante at mga tiwaling burukrata. Kaya kinikilala ng mamamayan ang rebolusyonaryong gubyerno bilang gubyernong tumutugon sa kanilang mga kahilingan. Lumalahok sila sa rebolusyonaryong kilusan upang labanan ang mga umaapi at nagsasamantala sa kanila at magsikap na matupad at maisulong ang kanilang mga pambansa at demokratikong karapatan at interes. Sumasalig sila sa sariling mga pagsisikap at rekurso habang malugod na tumatanggap ng mga boluntaryong kontribusyon at donasyon para sa mga layuning panlipunan katulad ng ginagawa ng mga simbahan.

Ang paratang na nangingikil ang BHB ay malisyoso, walang batayan, at hindi makatarungan.6 Ang mga rebolusyonaryong buwis, boluntaryong kontribusyon at donasyon kung mayroon man ay para sa mga layuning panlipunan ng rebolusyonaryong gubyerno at kilusan. Ginagamit ang mga ito upang tugunan ang mga pangangailangan ng mamamayan at para itaguyod at ipagtanggol ang kanilang mga pambansa at demokratikong interes.

Ang orihinal na nag-imbento ng maling paratang na ang BHB ay nagpapataw ng buwis sa kalayaang magpahayag at sa kampanyang elektoral ay mga eksperto sa saywar ng militar, mga kleriko-pasistang elementong nag-aastang tagapagtaguyod ng civil society, mga sosyal demokrata at mga anti-komunistang elementong kasabwat ng US intelligence sa Institute of Popular Democracy at Akbayan. Sinasamantala nila ang binaluktot na mga pahayag ng ilang rebolusyonaryong lider na pinalalabas nilang arogante at nagtatangkang pwersahin ang mga kandidato sa pulitika na magbayad ng tinatawag na permit to campaign at pagkatapos ay inilalantad at ipinagkanunulo sila.

Napakaaktibo ng GRP sa pagbira sa rebolusyonaryong mamamayan at mga pwersa at maging sa ilang ligal na progresibong partido at kandidato. Ang saywar hinggil sa tinaguriang PTC at ang pagpaparatang na komunista ang mga progresibo ay naglalayong bigyang-katwiran ang mararahas na atake, pag-ibayuhin ang talamak nang mga paglabag sa karapatang-tao at bawasan o alisan ng boto ang mga progresibong partido at kandidato.

Wala pang kandidatong umaamin na nagbigay siya ng salapi sa BHB dahil sa takot. Iilang pulitiko lamang na ginagamit ng militar para sa saywar ang nagpapahayag ng mga kasinungalingan laban sa BHB. Unang-una, ang iilang ito ay mga pusakal na kaaway na ng BHB.

Ipinagpapalagay ng pahayag na ang BHB ay nakakokolekta ng napakalaking halaga mula sa "PTC" para ipambili ng mga baril.7 Kaugnay nito, binibigyang-diin namin na halos 100% ng mga sandata ng BHB ay nakukuha sa labanan. Sagana sa armas ang bansa dahil unang-una na'y sinusuplayan ng Pentagon ang papet na militar, pulisya at paramilitar. Saka na lamang nasasamsam ng BHB ang mga armas na ito sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga taktikal na opensiba tulad ng mga ambus at reyd laban sa mga pwersang militar, pulis at paramilitar.

Hinggil naman sa "civil society". Maaaring magandang termino ito. Ngunit sa panahong ito, ito ay dili iba't isang hungkag na terminong inaangkin ng mga parasitikong NGO na pinopondohan ng mga imperyalista, upang pagtakpan ang marahas at malupit na katangian ng reaksyunaryong estado at maggiit ng kagandahang-asal at pagiging mabuting mamamayan sa ilalim ng barbaro at brutal na pwersa ng nagsasamantalang mga uri. Matapos magpanggap bilang sibil na tagapagtaguyod ng huwad na sosyal demokrasya, lumantad na si Norberto Gonzales bilang pinapaboran ng US na national security adviser ng papet na gubyerno.

Ang mga manggagantso sa mga NGO ng tinaguriang civil society ay walang itinatanong tungkol sa tinatawag na PTC kundi nagkakalat ng kanilang mga kasinungalingan at mga maling kongklusyon. Nililinlang nila ang iba upang magpahayag ang mga ito ng mga tanong na may kinakatigan nang pananaw at wala namang inaasahang sagot. Ang mga nangunguna sa mga manggagantso at kleriko-pasistang ito ay matataas na upisyal ng gubyerno sa kasalukuyan. Ang sukdulan nilang katiwalian ay inilalantad ng PEACe Bond scam kung saan umaabot sa P1.6 bilyon ang kanilang kinurakot sa kapinsalaan ng mamamayan, at ng paglilihis ng dambuhalang pondong publiko at dayuhang "ayuda" tungo sa pinalobong mga proyekto ng mga "socdem" na NGO.

Yumaman ang marami-raming manggagantso sa mga NGO, kabilang ang ilang kleriko-pasista, sa mga iskandalo at proyektong ito. Ang mga manlilibak na ito laban sa BHB at buong rebolusyonaryong kilusan ng sambayanang Pilipino ay walang anumang karapatang magkalat ng mga kasinungalingan at manirang-puri habang tikom naman ang bibig hinggil sa bilyun-bilyong pisong kanilang kinulimbat.

Bilang pagtatapos, nais kong banggitin ang Second Oslo Joint Statement na pinirmahan ng mga panel sa negosasyon ng GRP at NDF noong Abril 3, 2004. Hinihikayat ng pahayag na ito ang lahat ng naghahangad ng makatarungan at matagalang kapayapaan sa Pilipinas at sa internasyunal na komunidad na sumuporta sa mga pagsisikap ng magkabilang panig na prinsipyado at sinserong ihanap ng solusyon ang kagyat na mga problemang bumabalakid sa usapang pangpayapaan. Pinasikad nito ang implementasyon ng CARHRIHL. Kinakatawan nito ang komitment ng magkabilang panig na pabilisin ang negosasyon hinggil sa mga repormang panlipunan at pang-ekonomya. Kaugnay nito, ang walang batayan at di makatarungang mga paratang na "terorista" at "mangingikil" ang NDFP/BHB ay taliwas sa mga positibong inabot na ito ng usapang pangkapayaan ng GRP at NDFP.


Mga tala:

1. Ang tinutukoy na pahayag ay lumabas bilang isang buong pahinang bayad na patalastas sa Abril 16, 2004 na isyu ng Philippine Daily Inquirer. [Back]

2. Sagot sa tanong na: "Kung ang restriksyon sa kilos ng mga kandidato ay paglabag sa kanilang karapatang-tao, hindi ba't ang pagkawala ng pagkakataon ng mga botante na marinig at makita ang mga tumatakbong kandidato ay paglabag din sa karapatan nilang makakuha ng impormasyon upang makaboto sila nang matalino? [Back]

3. Sagot sa: "Sa pakikipagnegosasyong pangkapayapaan sa NDF-BHB, ang pinakamalaking balakid sa tagumpay ng usapan ay ang pagtanggi ng gubyerno na igawad sa kanila ang 'belligerency status' na kanilang iginigiit. Kung tutuusin, ang mga katanungan sa itaas ay tumutumbok sa iisang tanong: Ang pagbubuwis ay gawain ng isang nagsasariling estado; kaya ang talagang ginagawa ng NDF-BHB sa pagbubuwis sa mga kandidato ay pagtatayo ng sarili bilang gayong estado na may kapangyarihang magbuwis sa mga teritoryong nasa kontrol umano nila. Lumalabas, kung gayon, na ang hindi nila nakukuha sa hapag ng negosasyon ay nakukuha nila sa pakanang pagbubuwis. Kaya ang huling katanungan namin ay: Nagsasariling estado ba sila sa loob ng isa pang nagsasariling estado?" [Back]

4. Sagot sa: "Ang pinakamalamang na bumigay sa kagustuhan ng BHB at pinakamalamang na manalo sa eleksyon ay yaong mga pulitikong kilalang tiwali at may hawak na salaping bunga ng kanilang mga tiwaling gawi. Kung gayon, hindi kaya ito ganap na kabaligtaran ng umano'y layunin ng BHB na baguhin ang lipunang Pilipino at iwaksi ang lahat ng klase ng katiwaliang malaon nang salot sa buhay ng ating bansa?" [Back]

5. Sagot sa: "At kung hindi ideklarang bigo ang eleksyon at ang magsipagwagi ay yaong mga nagbayad sa BHB, hindi ba ito mangangahulugan na ang proseso ng eleksyon ay kontrolado hindi ng gubyerno kundi ng BHB?" [Back]

6. Sagot sa: "Kung iba ang gumawa ng ginagawa ng BHB, hindi ba't tatawagin itong pangingikil sa ilalim ng batas?" [Back]

7. Sagot sa: "Kung ang mga sundalo ay magbenta ng baril sa mga rebelde upang tulungan silang pumatay ng kapwa sundalo, hindi ba katulad din ito ng mga mamamayang nagbabayad ng 'buwis' sa mga rebelde at gayo'y tumutulong sa kanilang pumatay ng mga sundalo gamit ang mga baril na binili sa pamamagitan ng naturang 'buwis'?" [Back]

 


Previous articleBack to top 

19 Abril 2004
Edisyong Pilipino


Santambak na kasinungalingang pseudo-repormista
Sagot ng NDFP negotiating panel sa bayad na patalastas ng CBCP-NASSA
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.