Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Contra:
Nasa Abanteng Yugto ng Disintegrasyon

 Read this article in English

Tuluy-tuloy na nagkakawatak-watak ang mga Contra bunga ng mga alitan sa kurakot, todong oportunismo, ganap na pagkakalantad at malubhang pagkakahiwalay. Ang sandakot na rebisyunista at oportunistang taksil, laluna ang kulto ni Lagman sa Metro Manila at barkadang Tabara sa Negros at Panay, ay nasa abanteng yugto na ng disintegrasyon.

Ang mabilis na pagkaagnas ng mga kontra-rebolusyonaryong taksil ay ganap na kabaligtaran ng matatag na pagpapanibagong-lakas ng Partido at rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Mula nang humiwalay sila sa rebolusyonaryong kilusan at lantarang nagpakalulong sa oportunismo at kabulukan, mabilis na nahubaran ang mapagkunwaring mga asta nila na magtatayo ng ibang partido at mamumuno sa rebolusyon. Ang kanilang kampanyang anti-Partido, antirektipikasyon at anti-Maoismo ay lantay na operasyong demolisyong nabigo.

Kinasusuklaman sila hindi lamang ng mga tunay na proletaryong rebolusyonaryo kundi maging ng mga elementong dati nilang nalinlang at natangay. Kahit ang mga kontra-rebolusyonaryong pasimuno ay hindi makatagal sa isa't isa.

Alitan sa Kurakot

Noong 1997 kumalas sa kultong Popoy Lagman si Sergio Romero dahil sa alitan sa hatian ng salaping kurakot mula sa samu't saring tiwaling aregluhan. Pinakagarapal dito ang pinag-aagawang P80 milyon�mahigit P200 milyon ayon sa ibang ulat�na bayad kay Lagman ng sabwatang Public Estates Authority (PEA)-Amari sa pagpapalikas ng libu-libong pamilyang maralita mula sa Freedom Island sa Para�aque. Sinangkalan ni Lagman ang mga huwad na partisanong syudad ng "Alex Boncayao Brigade (ABB)" para kulektahin ang bayad at maniobrahin ang demolisyon ng mga komunidad ng mga maralitang lunsod. Pero pagkatapos, ibinulsa ni Lagman ang kwarta at binigyan ng tira-tira lamang si Sergio Romero. Hinagisan lamang ng mumo ang mga pamilyang nawalan ng tirahan bilang panggastos sa paglilipat ng bahay.

Isa pang kriminal na raket ni Lagman ang pangingikil sa mga negosyanteng Tsino sa Metro Manila. Sa paglaganap at paglubha ng kidnapping ng mga negosyanteng Tsino, inialok ni Lagman ang "proteksyon" ng "ABB." Nang hindi masapatan sa kita mula roon, bumaling sila sa lantarang ekstorsyon: Binabantaan muna ang mga negosyante na kabilang o di kaya'y ibibilang sila sa lista ng mga target ng likidasyon ng "ABB." Pagkaraa'y aalukin sila ng areglo para alisin ang kanilang pangalan sa listahan kapalit ng malaking halaga. Mas malaking pera ang nahuthot ni Lagman sa bagong pakana.

Isa sa mga biktima ng ganitong raket ang kapitalistang si Leonardo Ty, na pinaslang ng "ABB" noong 1996 nang hindi magbigay kay Lagman.

Malaking kwarta rin ang nakuha ni Lagman sa mga reaksyunaryong pulitiko noong nakaraang mga eleksyon. Ang mga kandidatong nakapagbibigay ng malaking "kontribusyon" kay Lagman ay todo-todong sinusuportahan at binibigyan ng armadong proteksyon ng "ABB". Samantala, ang hindi nagbibigay ay binabansagang "trapo", binabatikos sa masmidya at ang kanilang mga poster at mga himpilan ay tinatampalasan. May mga kandidatong nagbigay kay Lagman dahil sa maling pag-aakalang maipapanalo sila ng boto ng "baseng masa" ni Lagman. Ngunit karamiha'y nagbabayad upang makaiwas na lamang sa perwisyo.

Lalong lumala ang demoralisasyon at pagsisialisan ng natitirang mga tagasunod ni Lagman pagkatapos ng eleksyon ng 1995, bunga ng pagsosolo ni Lagman sa pakikipag-aregluhan sa mga reaksyunaryong pulitiko at paggasta ng pondo.

Populismo ni Popoy, Vigilantismo ni Romero

Nang humiwalay sa kulto ni Lagman, si Sergio Romero ay nagreklamo sa pagpapakalulong ng una sa katayuan at gawaing ligal at pagpapabaya sa kilusang lihim. Pero hindi nagtagal, si Romero mismo ay tumangging bumalik sa larangang lihim pagkaraang madakip.

Bago sumiklab ang alitan sa pera, ang populismo ni Lagman at armadong vigilantismo ni Romero ay magkaibang mukha lamang ng hungkag na linya ng insureksyunismong lunsod na nakasalalay sa oportunistang pagsamba sa ispontanyong kamalayan ng masa at obsesyon sa pagpapatampok ng sarili sa masmidyang burges. Nagkasundo sila sa pagsalungat at pag-atake sa linya ng demokratikong rebolusyong bayan at matagalang digmang bayan. At pagkatapos humiwalay sa rebolusyonaryong kilusan, nagkasundo silang ibuntot ang vigilantismo ng "ABB" sa kampanyang antikrimen ng reaksyunaryong gubyerno; at ang kanilang mga pampulitikang aktibidad sa mga parlamentaryong maniobra at pangarap ng mga reaksyunaryong pulitiko, laluna ng nakatatandang kapatid ni Lagman.

Nang makakalas kay Lagman, kumabit nang husto si Romero sa gangster na barkadang Arturo Tabara (Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawang Pilipino-Revolutionary Proletarian Army o RPMP-RPA) na nakabase sa Negros. Marso 26, 1997, nagsanib ang RPA at ABB. Mula sa kawali, lukso siya sa apoy: Oktubre 16, 1997, pagkaraan lamang ng ilang buwan, bumagsak na si Romero sa kamay ng grupong paniktik ng Philippine Army.

Ang lalong lumiit na pangkat na natangay ni Romero ay higit pang nagkahati-hati dala ng luma at bagong mga bangayan at iringan. Muli, bunga ng mga alitan at dudahan sa pakikipagkasundo sa mga reaksyunaryong pulitiko noong eleksyong presidensyal ng 1998, lumitaw ang isang paksyong kontra-Popoy at kontra-Romero/Tabara, na nagpiprisintang pamunuan diumano ng "komiteng rehiyon" sa Metro Manila-Rizal at may kontrol sa "ABB". Ang naturang paksyon ay nakipagsanib sa grupong BISIG at nagtayo ng Trotskyistang Liga Sosyalista (tingnan ang "Bagong Trotskyistang Pangkat").

Gangster na Barkadang Tabara

Sa Negros at Panay, patuloy ding nagkakawatakwatak ang gangster na barkadang Tabara na nagdadala ng ngalang Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawang Pilipino-Revolutionary Proletarian Army-ABB (RPMP-RPA-ABB).

Aapat na lamang ang natira sa orihinal na 170 armadong tauhang nalinlang at natangay ni Tabara sa Panay noong 1993. Dahil may ilan pa silang bagong nalinlang at narekrut, mayroon pa silang isang iskwad na natitirang gumagala sa ilang bulubunduking baryo sa hangganan ng mga bayan ng Ibajay, Pandan at Nabas sa Aklan at isang maliit na tim na nasa ilang barangay sa hangganan ng Leon at Tubungan, Iloilo. Kumuha rin sila ng isang iskwad sa Negros at inilagay sa kabundukan ng Miag-ao, Iloilo.

Walang pinagkaiba sa pasistang tropa ng AFP-PNP ang maraming gawi ng gangster na barkadang Tabara: pinapatawan ng kotang pera at butil ang mga taumbaryo at tinatakot ang mga nagpapatuloy ng mga Pulang mandirigma ng BHB sa kanilang tahanan.

Ang kanilang Special Operations Unit na binuo para sa panghoholdap ng bangko, kidnapping-for-ransom at iba pang dirty job ay ganap nang nalusaw nang magkanya-kanya sa pagbebenta ng kanilang "serbisyo" sa mga pulitiko at matataas na upisyal ng AFP-PNP.

Si Tabara mismo ang utak sa paglusaw ng mga armadong yunit sa kanayunan at mga lihim na organisasyon sa syudad. Ang mga kadreng nasa kanayunan ay pinagligal�pinasuko o di kaya'y "naaresto" sa mga pakikipagpulong kay Tabara sa syudad�upang mamuno sa mga hungkag na alyansang itinayo sa kalunsuran.

Pinahirati niya ang mga kumander at kadre sa mga beer house at pagpapasarap-buhay sa syudad, hanggang bumabad na sila sa syudad at pasyalan dili ang mga tauhan nila sa kanayunan. Si Daniel "Mokong" Batoy, malapit na bataan ni Tabara na nagsisilbing upisyal pampulitika ng iskwad ng RPA sa Aklan, ay nakabase sa isang beach resort sa Boracay na pagaari ng mga lider ng RPMP. May malinaw ding ugnay si Batoy sa militar dahil panay ang punta nito sa detatsment ng Philippine Army sa San Jose, Ibajay.

Si Tabara mismo (Andres Nava) ay tukoy na ahente ng reaksyunaryong militar. Ang espesyal niyang serbisyo sa AFP intelligence ay ang magpadakip ng mga kadre upang magpasibo o di kaya'y magligal pagkaraan ng sandaling pagtigil sa bilangguan.

Ang pagiging palasuko, pagpapaalaga sa mga reaksyunaryong pulitiko at matataas na upisyal ng AFP-PNP, at pagpapasarap-buhay sa syudad ng liderato ng RPMP-RPA ang pangunahing dahilan sa mabilis na pagkalusaw ng mga yunit na nalinlang at natangay ng barkadang Tabara.

Si Warren Calizo, dating kalihim ng "komiteng rehiyon" ng RPMP sa Panay, at ang asawa niyang si Victoria Segui, ay humiwalay kay Tabara dahil sa alitan sa hatian ng P50,000 na bigay ng mga pulitiko noong eleksyong presidensyal.

Bago niyon, si Calizo at Segui ang itinoka ng barkadang Tabara sa pagtatangkang agawin ang pamumuno at inisyatiba sa kilusang lunsod sa Panay mula sa mga tunay na progresibo at rebolusyonaryong pwersa.

Sa mga syudad at sentrong bayan, lantarang nakikipagsabwatan ang pangkatin sa mga dilawang pederasyon tulad ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) at Federation of Free Workers (FFW). Ang mga ito ang kasabay nilang nagmamartsa tuwing Mayo 1. Mga surenderi naman ang hinahakot upang dumalo sa mga raling inoorganisa ng mga Contra.

Hindi rin lihim ang pagpapayaman ng mag-asawang Calizo. Bukod sa pangongomisyon sa pagbebenta ng real estate at sari-saring kontrata at negosyo, malaking halaga ang kinakamal ng mag-asawa sa pakikipagkutsabahan sa mga reaksyunaryong pulitiko tuwing may eleksyon. Kabilang sa kakutsaba nila si dating Hen. Gerardo Flores, pinuno ng intelligence ng PNP noong huling bahagi ng dekada '80 at kumandidato bilang kongresista sa unang distrito ng Iloilo noong 1995.

Sa Negros, humantong din sa pagkakahati-hati ang alitan sa hatian sa kurakot mula sa eleksyong 1998, agawan sa kontrol sa negosyo, at pagdududahan sa mga lihim na kuneksyon sa AFP-PNP. Humiwalay sa barkadang Tabara sina Noel Etabag at Rufino Geanga, na ngayo'y gumagamit sa ngalan ng "Negros Regional Party Organization" at ni "Miguel Yntrencherado" laban sa RPMP-RPA-ABB.

Si Lualhati Carapali, kanang kamay ni Tabara sa Negros, ay pinagdududahan naman ni Yntrencherado at mga dating kabarkada nila na may hawak na pases ng safe conduct galing sa AFP at PNP mula pa 1994.

Ang tuluy-tuloy na pagkakahati-hati at disintegrasyon ng kultong Lagman, gangster na barkadang Tabara at iba pang grupo ng mga kontrarebolusyonaryong rebisyunistang taksil, ay di maihihiwalay na bahagi ng lubos na pagkabulok at walang-habas na oportunismo. Hindi magtatagal, lubusan na silang mawawasak.

Sa harap ng lubos na pagkabangkarote ng linyang anti-Komunista, anti-Partido at kontra-rebolusyonaryo ng mga rebisyunistang taksil, lalong makabuluhan at kinakailangan ang paglubos ng IDKP at pagpapanibagonglakas ng mga rebolusyonaryong organisasyon at pakikibaka sa Metro Manila, Negros at Panay, na pinakamatinding sinabotahe at pininsala ng kanilang operasyong demolisyon.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Oktubre 1998
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Palawakin at patindihin ang rebolusyonaryong pakikibaka!

"Ipagbunyi ang Ika-30 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!" � Armando Liwanag
Sistemang Kapitalistang nasa Krisis
Panawagan sa Ilokos-Kordilyera:
Pangibabawan ang mga sagka! Kamtin ang lahatang-panig na pagsulong!

Cordillera People's Democratic Front:
Natatanging Prente ng Mamamayang Kordilyera

Hinaharap ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa:
Pagpapalakas tungo sa bago at mas mataas na antas

Krisis sa Kanayunan
'Padrino' ng reporma sa lupa?
Samar:
Nagwawasto at sumusulong

Rebolusyong Agraryo sa Timog Luzon
Mga Contra:
Nasa Abanteng Yugto ng Disintegrasyon
Bagong Trotskyistang Pangkat
Pangkating Magdangal-Bill-Olive:
Bagong Grupong Bandido at Rebisyunista

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.