Presyo ng langis, sunud-sunod ang pagtaas
Panibagong dagdag na pasanin ang hatid ng mga kumpanya ng langis sa hirap na hirap na ngang mamamayan. Umaabot sa P2-2.50 pagtaas ang bigwas ngayong Marso ng tatlong malalaking kumpanya ng langis sa bansa�ang Pilipinas Shell Petroleum Corp., Caltex Philippines Inc. at Petron Corp., pati na rin ang maliliit na kumpanya tulad ng Seaoil Philippines Corp., Flying V, Unioil Petroleum Philippines Corp., Total (Philippines) Corp. at Eastern Petroleum Corp.
Ginawang apat na magkakasunod na 50 sentimo (may pagkakataong P1) ang pagtaas ng gasoline, diesel at gaas. Itinaas din ng Petron nang P1 kada kilo ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG). Bago pa ang mga pagtaas ngayong Marso, dalawang beses nang nagtaas ng presyo ang mga kumpanya ng langis noong Pebrero. Nakatakdang ipatupad ang pang- apat na bugso ng pagtataas bago magkatapusan ng buwan. Sa ngayon ay P25.80 kada litro na ang presyo ng diesel at mula P29.60 hanggang P30.20 ang presyo ng bawat litro ang unleaded gasoline. Tumaas na nang P2 kada litro ang gasoline at halos P4 bawat litro ang diesel at gaas ngayong taon.
Idinadahilan ng mga kumpanya ang pagtaas ng presyo ng krudo mula sa Dubai na ngayon ay umaabot na sa $55 kada bariles. Pero sa katunayan, walang kinalaman ang pagtaas at pagbaba ng presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan sa pagtatakda ng presyo ng mga monopolyong korporasyon. Arbitraryong itinatakda ng mga kumpanyang ito ang presyo upang makapagkamal ng labis-labis na tubo. Hindi sinusunod ng mga ito kahit ang sariling mga pormula ng pagtatakda ng presyo. Kung susundin ang kanilang pormula, lalabas na sobra nang P6.2 bilyon ang siningil ng mga dayuhang korporasyon noong 2004.
Ganadong-ganado ang mga kumpanya ng langis sa sunud-sunod na bigwas ng pagtataas ng mga presyo. Bukod pa sa apat na beses na pagtataas ng presyo ngayong Marso, nagbabala pa ang mga ito ng dagdag pang mga pagtataas sa mga darating na buwan upang lubusan umanong mabawi ang P10 kada litrong pagkalugi!
Katulad ng dati, walang ginagawa ang Department of Energy (DoE) kundi ang bigyang-katwiran ang pagtataas ng presyo ng mga produktong langis. Nitong nagdaan, hiniling lamang nito sa mga kumpanya ng langis na gawing unti-unti ang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ngayon naman ay kinukundisyon ng DoE ang isip ng mamamayan sa tinatayang P2.65 bawat litrong pagtaas oras na isama sa saklaw ng value added tax ang mga produktong petrolyo. Inaasahan ng Malakanyang na makakakuha ng P45-56 bilyong buwis mula sa industriya ng langis.
Sa laki at dalas ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, balewala ang pampalubag-loob na P1 diskwento sa diesel para sa mga pampublikong sasakyan na makukuha mula sa 250 lamang na gasolinahan (mula sa kabuuang bilang na 4,000 sa buong bansa).
Upang iwasang madagdagan ang galit sa kanya ng mamamayan, iniutos ni Gloria Arroyo ang pagrepaso sa RA 8479 o oil deregulation law para amyendahan umano ito. Ngunit hindi sapat ang pagrepaso lamang sa isang batas na labis-labis ang pahirap na idinudulot sa mamamayan. Ang nararapat dito ay tahasan nang ibasura, kasabay ng pagbabasura sa kanyang rehimen.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|