Bukas na liham ni Ka Roger sa mga sundalo at pulis, pinalalaganap
Muling naglabas ng bukas na liham sa mga karaniwang sundalo at pulis at nakabababang upisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) nitong Nobyembre 13 si Gregorio "Ka Roger" Rosal, tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). Inilabas ang liham na ito sa harap ng malawak na disgusto ng mga karaniwang sundalo bunsod ng mga iskandalo ng korapsyong kinasasangkutan ng matataas na heneral ng AFP.
Kalakip ng liham ni Ka Roger ang "Sampung Punto ng Pagkilos ng mga Armadong Tauhan ng Reaksyunaryong Estado para sa Pagsusulong ng Sariling Kagalingan at Kapakanan ng Sambayanan." Ang panawagan sa pagkilos na ito ay nagsisilbi ring gabay sa mga rebolusyonaryong pwersa sa kanilang pagkilos sa hanay ng reaksyunaryong militar at pulisya.
Sa kanyang liham, inilinaw ni Ka Roger na korapsyon ang "pinakamalaking dahilan sa likod ng maraming mga pahirap at pang-aapi na dinaranas" ng karaniwang mga sundalo at pulis. Inihahalimbawa niya ang mga naaantalang sahod, mga kinakaltas na benepisyo, kawalan ng maayos na pabahay, kulang at mababang uri ng kagamitan, expired na mga gamot na iniineksyon at ipinapainom sa mga sugatan at maysakit na sundalo at ibinubulsang pondo para sa pensyon na ilan lamang sa mga bunga ng korapsyon.
Nanindigan si Ka Roger laban sa sinasabi ng ilang upisyal na ang kasalukuyang iskandalo sa korapsyon ay magreresulta sa paglilinis ng kalawang ng AFP. Aniya, hindi ito pwedeng mangyari dahil "ang kalawang ay nasa pinakaubod ng militar....at dahil ang korapsyon ng militar ay bahagi ng sagad-sa-butong bulok na sistema na kanilang ipinagtatanggol at pinaghaharian ng malalaking burukrata kapitalista na mangungurakot at mandarambong."
Subalit, wika ni Ka Roger, kahit bahagi ang karaniwang mga sundalo at pulis ng makinaryang pangunahing nagtatanggol sa naghaharing bulok at mapang-aping sistema, sila man ay inaapi at pinahihirapan nito.
Makatarungan, ani Ka Roger, ang paglulunsad ng aksyon ng mga sundalo at pulis para igiit ang kanilang mga demokratikong kahilingan. Subalit pinaalalahanan niya sila na anumang anyo ng pagpapahayag ng mga hinaing ay malupit na sinusupil sa loob ng militar at pulisya. Pinayuhan niya silang maging malikhain sa paglulunsad ng protesta. Hinikayat din niya silang makipag-ugnayan at makipagtulungan sa mga rebolusyonaryong pwersa sa kani-kanilang lokalidad o kahit mula sa loob ng kanilang mga kampo upang isulong ang kanilang interes sa loob ng AFP at PNP at tumulong sa pagsusulong ng interes ng mamamayang Pilipino.
|