Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Hinggil sa Usapin ng Pambansang Minimum na Sahod

 Read this article in English

Tinalakay sa nakaraang isyu ng Ang Bayan ang pinasidhing pagsasamantala at pang-aapi sa masang Pilipino dulot ng mga patakarang antinasyunal at antimamamayan na alinsunod sa imperyalistang �globalisasyon�. Sa artikulong ito, pagtutuunan ng pansin ang usapin ng minimum na sahod. Ginagawa ang ilang paglilinaw na ito bilang suporta sa pakikibaka ng mga manggagawang Pilipino para sa makabuluhang P100 dagdag sa sahod. Sa partikular, nais ipakita na kaalinsunod ng panawagan para sa karagdagang sahod ang paninindigan para sa pambansang pamantayan ng minimum na sahod.

Ipinatupad noong 1990 ang Batas sa Rehiyunalisasyon ng Sahod o Republic Act 6727. Binaklas ng naturang batas ang dating pambansang pamantayan at pambansang pagtatakda ng minimum na sahod ng mga manggagawa. Sa halip, pinairal ang mga Regional Wage Board (RWB) at ang pagtatakda ng minimum na sahod ayon sa sitwasyon at mga kunsiderasyong rehiyunal.

Pinatunayan ng karanasan ng mga manggagawa na ang rehiyunalisasyon ng sahod ay isang instrumento upang paghati-hatiin ang mga manggagawa at ipako at mas pababain pa ang napakababa nang sahod. Nagpapaligsahan ang mga Regional Wage Board na binubuo ng mga kapitalista, burukrata at mga dilawang lider obrero para pamulubihin ang mga manggagawa.

Sa sistemang rehiyunalisado, sinasagad ang lubhang atrasadong kalagayan ng mga rehiyon at ang napakalaking hukbo ng wala at kulang ng trabaho sa kanayunan para sagkaan ang pagtaas ng sahod at itulak iyon nang mas mababa pa sa pantawid-gutom. Arbitraryong tinatanggihan ang mga paghingi ng dagdag na sahod o di kaya�y arbitraryong itinatakdang kakarampot ang anumang dagdag.

Sinasamantala rin nito at higit pang pinatitindi ang disorganisadong kalagayan ng mga manggagawa para lalong lokalisahin at paghiwahiwalayin ang pagkilos nila.

Mula nang ipinatupad ang RA 6727 lalong napako sa mababang antas ang sahod ng mga manggagawang Pilipino. Mula 1991 hanggang 1997, P79 lamang ang itinaas ng minimum na sahod sa Metro Manila samantalang P471.14 ang kinakailangang dagdag sa sahod upang matumbasan ang tunay na halaga nito noong 1990. Mas miserable pa ang katayuan ng sahod at ng mga manggagawa sa labas ng Metro Manila.

Ang esensya ng rehiyunalisasyon ng sahod ay hindi lang lokalisasyon ng sahod kundi pagbaklas sa karapatan ng mga manggagawa sa minimum na sahod.

Inalis sa pambansang antas ang pamantayan sa katanggaptanggap na pinakamababang sahod. Sa gayon, tahasang binitawan din ng reaksyunaryong gobyerno ang tungkulin nitong pangalagaan ang karapatan ng mga mamamayan sa disente at nakabubuhay na sahod. Sa kabilang banda, pagtataguyod ito sa kapangyarihan ng kapital na pigain ang pinakamataas na tantos ng ganansya mula sa lakaspaggawa. Katulad ng karapatan sa walong-oras na paggawa, ang karapatan sa minimum na sahod ay pamantayang ipinagtagumpay sa pamamagitan ng buhay-at-kamatayang pakikibaka ng mga manggagawa sa buong daigdig. Ito ay pananggalang laban sa di-makataong kalagayan sa paggawa at pag-aba sa mga manggagawa.

Mula nang sumibol ang kilusang manggagawang Pilipino noong mga unang taon ng kasalukuyang siglo, bahagi na nito ang pakikibaka para sa mas mataas na minimum na sahod. Tampok din ito sa mga ipinaglaban ng bagong-tatag na Partido Komunista at mga unyong pinamumunuan nito noong dekada �30. Patuloy itong itinaguyod ng Congress of Labor Organizations (CLO) pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ang pagsasabatas ng minimum na sahod ay isang konsesyon sa mga manggagawa. Ngunit hindi ito ipatutupad na walang nababawi.

Sa gitna ng malubhang krisis at pagsulong ng militanteng kilusang manggagawa at magsasaka noong dekada �30, ipinatupad ni Manuel Quezon noong 1936 ang minimum na isang-pisong arawang sahod. Kaakibat ito ng kanyang programa para sa �Hustisya Sosyal�. Gayumpaman, ginamit ito upang linlangin at ilayo ang mga manggagawang maramihang naaakit sa Partido Komunista at sa rebolusyonaryong pakikibaka.

Noong 1973, binuo ng diktadurang Marcos ang Labor Code ngunit matapos lamang marahas na supilin ang militanteng kilusang manggagawa simula nang ipinataw ang batas militar noong 1972. Kaakibat nito�y itinayo ni Marcos ang Trade Union Congress of the Philippines bilang sentro ng dilawang unyonismo at repormismo sa hanay ng mga manggagawa.

Malawakang nilalabag ang nasa batas na minimum na sahod at iba pang reporma sa relasyong industriyal. Dagdag pa�y ginamit ito ng mga dilawan, repormista at maka-imperyalistang �lider� manggagawa para ilayo ang mga manggagawa sa landas ng militanteng unyonismo at pampulitikang pakikibaka para sa rebolusyonaryong pagbabago ng lipunan.

Mula noong dekada �60, napatunayang tanging sa paggigiit ng militanteng kilusang manggagawa epektibong napatataas ang minimum na sahod at naisusulong ang mga karapatan ng mga manggagawa. Noong unang hati ng dekada �80 nakamit ang makabuluhang pagtaas sa tunay na halaga ng sahod na nasa batas sa kabila ng napakatinding krisis ng ekonomya. Ito ang panahon ng pinakamalakas at pinakamatagal na sustenidong kilusang welga sa kasaysayan ng bansa kasabay ng mga antipasistang pakikibakang pinangunahan ng mga manggagawa.

Gayunman, sinamantala ng mga imperyalista at malaking burgesyang kumprador ang malulubhang paglihis at pagkakamali sa hanay ng rebolusyonaryong kilusan at militanteng kilusang unyon. Nilayon nilang hati-hatiin at pahinain ang kilusang manggagawa. Inengganyo at inayudahan nila sa iba�t ibang paraan ang mga rebisyunista at dilawang manghahati sa kilusang manggagawa, laluna ang Trotskyistang pangkating Lagman, para manabotahe at maghasik ng kalituhan at demoralisasyon sa hanay ng mga manggagawa.

Sarisaring pakana ang ipinatupad ng reaksyunaryong gubyerno para ibayong patindihin ang pagsasamantala sa mga manggagawa.

Kabilang sa mga ito ang malaganap na pasistang pag-atake sa mga karapatang unyon, ang �pleksibleng� paggawa, ang Herrera Law at ang Wage Regionalization Act. Binabawi at binabaligtad ang lahat ng pamantayan sa paggawa at inaalis ang lahat ng sagka sa paghuthot at pagpapasasa ng malalaking dayuhan at lokal na kapital sa lakas-paggawang Pilipino.

Wasto at makatarungan ang P100 dagdag sa minimum na sahod na ipinaglalaban ng mga militanteng unyon. Ang mahalaga ay igiit ang makabuluhang karagdagan sa sahod sa harap ng paulit-ulit na pagtaas ng mga presyo ng mga pangunahing pangangailangan ng mga manggagawa. Higit pa, ang pakikibaka para rito ay dapat magbuklod ng mga manggagawang Pilipino sa sama-sama at militanteng pakikibaka para sa kanilang mga saligang karapatang demokratiko at pangkabuhayan.

Syempre pa, ang pakikibaka para sa karagdagang sahod ay dapat sumaklaw sa pakikibaka para ibasura ang rehiyunalisasyon ng sahod at ang pagtataguyod sa pambansang pamantayan sa disente at nakabubuhay na minimum na sahod. Dapat ding mahigpit na iugnay ito sa pakikibaka sa neokolonyal na patakaran ng deregulasyon, liberalisasyon at denasyunalisasyon.

Sa pagsusulong ng interes ng uring manggagawa, mananatiling susi ang pagbubuo ng pinakamalawak at pinakamatibay na militante at rebolusyonaryong pagkakaisa ng masang manggagawa, at ang mahigpit na pakikipagtulungan sa iba pang demokratiko at progresibong uri laluna ang uring magsasaka.

Ang pakikibaka para sa mga reporma sa minimum na sahod ay dapat pagsilbihin sa pagpapataas ng pampulitikang kamalayan, pagkakaisa at pakikibaka ng uring manggagawa. Sa gayon lamang maisusulong ang pakikibaka kapwa para sa kagyat na interes ng mga manggagawa at matagalang interes ng uri at buong sambayanan.

 


Previous articleBack to topNext article

09 Hulyo 1998
Edisyong Pilipino


Editoryal - Kleptokrasya at ang bulok na naghaharing sistema:
Ang Pangit na Mukha ng Burukratang Kapitalismo sa Rehimeng Estrada

Erap para kay Danding
Sino ang tunay na kriminal?
Ang Tiwali at Bulok na AFP at PNP

Visiting Forces Agreement
Magmimistulang base militar ng US ang buong Pilipinas

Pasismo at Kontrarebolusyonaryong Dahas ng Estadong Neokolonyal
Rebolusyonaryong Kilusan sa Metro Manila
Muling Pagbubuo at Ibayong Pagsulong

Hinggil sa Usapin ng Pambansang Minimum na Sahod
Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.