Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Trahedya sa Aurora

 Read this article in English

Isa sa mga pinakagrabeng tinamaan ng kalamidad nitong Nobyembre at Oktubre ang prubinsya ng Aurora. Apat sa walong munisipalidad ng lalawigan ang lubhang nasalanta, at halos mabura sa mapa ang 11 barangay sa baybayin ng magkanugnog na mga bayan ng San Luis at Dingalan. Daan-daan ang nasawi at ilampung libo ang nawalan ng kabuhayan sa mga pagguho ng lupa at biglaang pagbaha sanhi ng apat na sunud-sunod na bagyo.

Naging matingkad na tanawin laluna sa mga baybayin ng Dingalan ang libu-libong trosong inanod nang humugos ang rumaragasang tubig mula sa kabundukan. Hindi na ito nakapagtataka dahil 247,772 ektarya o 82.6% ng buong prubinsya ay nasasaklaw ng mga konsesyon ng 10 kumpanya ng troso. Pinakamalalaki rito ang Industries Development Corporation (57,069 ektarya sa Calasag, Casiguran at Dingalan); Inter-Pacific Forest Resources Corp. (50,000 ektarya sa Dilasag); Verdant Agroforest Development Corp. (45,600 ektarya sa Dipaculao, Aurora at Nagtipunan, Quirino); Pacific Timber Export Corp. (33,454 ektarya sa Dilasag, Aurora at Dinapigue, Isabela); at Green Circle Properties and Resources Corp. (27,852 ektarya sa Dingalan).

Sa loob ng maraming dekada, ang pamilyang Ong, na nagmamay-ari ng pinakamalaking logging concession sa Aurora, ang may kontrol sa reaksyunaryong pulitika sa prubinsya. Kaalyado ng mga Ong ang dinastiyang Dy ng Isabela.

Sa loob din ng maraming dekada, litaw ang mahigpit na ugnayan ng pamilyang Ong sa pasistang militar at kapulisan at ang proteksyon na ibinibigay ng mga ito sa kanilang negosyo. Katabing-katabi lang ng Industries Development Corp. ng mga Ong ang kampo ng Philippine Army at PNP Provincial Mobile Group sa Casiguran, Aurora. Bukas na lihim din noon na di bababa sa 10% ng kapital ng mga kumpanya ng troso ang isinusuhol sa militar at pulisya ng prubinsya at 15% sa gubernador para tiyak na hindi mapakikialaman ang kanilang operasyon.

Mula noong kalagitnaan ng dekada 1980, sa pamamagitan ng kanyang pusisyon bilang senador, unti-unti nang nasapawan ng angkan ni Edgardo Angara ang mga Ong sa pagkontrol sa pulitika at ekonomya ng lalawigan. Si Angara na ngayon ang itinuturing na padrino at tagapagbigay-proteksyon sa malalaking kumpanya ng troso sa Aurora. Isa sa pinakamalapit sa kanya si Romeo Roxas, ang may-ari ng Green Circle.

Bunga ng kontrol nito sa mga kumpanya ng troso at iba pang malalaking negosyo sa Aurora, ang angkang Angara na lamang ang naghahalinhinan sa mahahalagang pwesto sa lokal na gubyerno. Ang kapatid ni Angara na si Bellaflor Angara-Castillo ang dating kongresista at kasalukuyang gubernador ng Aurora. Ang anak naman ni Angara na si Sonny ang kasalukuyang kongresman ng prubinsya. Hawak ng ilan pa nilang kamag-anak ang mga pwesto sa lokal na gubyerno ng Baler, ang kanilang bayang tinubuan.

Sa Metro Manila, abot-abot ang pagtanggi ni Edgardo Angara nang mabunyag ang naging papel ng kanyang angkan sa pagkamatay ng maraming mamamayan ng Aurora at pagkawasak ng kanilang mga ari-arian at kabuhayan. Subalit sa mismong Aurora, ni hindi makapagtimpi ang kanyang kapatid na gubernador sa pagtatanggol sa malawakang komersyal na pagtotroso at pagtutol sa total logging ban. Kakoro niya ang Malakanyang at mga upisyal ng DENR sa pagbubunton ng sisi sa maliliit at diumano�y mga iligal na magtotroso kaugnay ng nangyaring sakuna.

Mariing pinabulaanan ni Ka Martin, isang kadre ng Partido sa Aurora, na ang tinataguriang iligal na magtotroso ng gubyerno�ang mga kainginero at maliliit na negosyanteng pumuputol, naghihila, bumibili at nagluluwas ng troso ang dahilan ng malawakang pagguho ng lupa at biglaang pagbaha. �Di hamak na mas maliit,� aniya, �ang pinsalang idinudulot ng mga ito. Samantala, sa mismong pagbungkal pa lamang ng lupa para makagawa ng logging road, malalaking tipak na ng kabundukan ang tinitibag at napakarami nang puno ang pinuputol ng mga dambuhalang kumpanya ng logging.

�Kawawa ang maliliit dahil tiyak na sila na naman ang mapag-iinitan ng kampanya ng gubyerno,� ani Ka Martin. �Sa kanilang punto de bista, ang iligal ay yung walang kakayahang maglagay at makipag-areglo.�

�Pero kung tutuusin,� aniya, �walang totoong ligal. Mismong ang mga kumpanyang may pahintulot na magtroso ay sistematikong lumalabag sa batas at patakaran ng reaksyunaryong gubyerno na ginawa umano para sa kapakanan ng mamamayan at kapaligiran.� Inihalimbawa niya ang limitasyon na ipinapataw ng DENR sa bolyum ng troso na pwedeng putulin. �Nire-recycle lang ito,� aniya. �Kahit matagal nang naabot ng logger ang kanyang kota, patuloy pa rin siyang binibigyang-permiso para mag-logging.

Pinabulaanan din niya na may signipikanteng reforestation na nagaganap. Kung mayroon man ay sa mga lugar na malalapit sa haywey para lang may maipakita ang kumpanya ng logging. �Malaking kalokohan ang IFMA (Integrated Forest Management Agreement),� aniya, �kung saan nagtatanim ng Gmelina ang loggers. Hindi kayang pigilin ng marupok na punong-kahoy na ito ang pagragasa ng tubig baha. Pinapatay din ng Gmelina ang iba pang puno at tanim sa paligid kaya ang totoo ay nakakapagpalala pa ito ng pagkakalbo ng mga gubat at bundok.�

�Sa aktwal, ang pinakamalaking illegal logger ay walang iba kundi ang estado,� pagdidiin ni Ka Martin, �at malinaw itong makikita sa trahedyang naganap sa Aurora.�

 


Previous articleBack to topNext article

21 Disyembre 2004
Edisyong Pilipino


Deklarasyon ng tigil-putukan
Doble-karang pakana
Editoryal:
Labanan ang walang habas na pananalanta sa kagubatan at kapaligiran

Ang DENR at ang pagtotroso
Ang kasaysayan ng pagwasak sa kagubatan ng Pilipinas
Mga pakikibaka laban sa pagtotroso
Ang rebolusyonaryong kilusan laban sa pagtotroso
Trahedya sa Aurora
Kilusang masa laban sa pagtotroso sa Aurora
Mining Act of 1995:
Salot sa mamamayang Pilipino

Matatagumpay na opensiba ng BHB
Sunud-sunod na opensiba sa Central Luzon

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.