Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Patatagin at ibayong palawakin ang pagkakaisa ng mamamayan upang ibagsak ang rehimeng US-Estrada!

 Read this article in English

Nangangatog ang tuhod ni Estrada sa takot na masipa mula sa kanyang luklukan. Niyayanig ang kanyang poder ng tuluy-tuloy at sunud-sunod na mga kilos-protesta sa buong bansa at ng patuloy na pagdausdos ng ekonomyang dumaranas ng malalim na krisis. Pinakawalan ni Estrada ang koordinadong kampanya ng panlilinlang, pananakot, panunuhol at pang-iintriga sa desperadong pagtatangkang buwagin ang nagkakaisang hanay ng mamamayang nagmamartsa at nagpuprotesta. Subalit tiyak na mabibigo ang lahat ng ito sa pagpigil sa lalong pagtatag at paglawak ng pagkakaisa ng mamamayan. Lalong nagiging malinaw sa higit na nakararami na upang tanggalin si Estrada, kinakailangang umasa pangunahin sa tuluy-tuloy na pagpapaigting at pagpapalawak ng mga protesta hanggang ang Malakanyang ay palibutan ng milyong mamamayang determinadong wakasan ang paghahari ng luho, katiwalian, kabulukan at karahasan ni Estrada.

Lalong sumisidhi ang krisis sa pulitika ng naghaharing sistema. Dulot ng patuloy na pagmamatigas ni Estrada na manatili sa poder, lalong nagiging mahirap lutasin ang krisis sa mabilis at mahinahong paraan, tulad ng nais sana ng imperyalismong US. Habang tumatagal, lalong tumitingkad ang polarisasyon at hayagang banggaan ng mga nagtutunggaling paksyon ng naghaharing uri.

Tuwirang nagsalpukan ang mga reaksyunaryong pwersang anti-Estrada at maka-Estrada sa pagsasampa ng kasong impeachment sa Kongreso nitong kalagitnaan ng Nobyembre. Kinatangian ito, sa isang banda, ng maramihang pagtiwalag ng mga kasapi ng partido ng Malakanyang kabilang ang mga pinuno ng Senado at Kongreso; at sa kabilang banda, ng todong pagpapagulong ng pondo at impluwensya upang maimaniobra ang pagluluklok ng bagong pamunuan sa Kongreso at Senado na papabor kay Estrada.

Paparaming organisasyon ng mga negosyante, kabilang na yaong sa mga pangunahing malalaking burgesyang kumprador katulad ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, Bankers Association of the Philippines, Makati Business Club at mga upisyal ng Philippine Stock Exchange, ang hayagang sumama na sa kilusang anti-Estrada bukod pa sa mga asosasyon ng mga negosyante sa iba't ibang prubinsya. Kahit ang Federation of the Filipino-Chinese Chamber of Commerce Inc. na pinamumunuan ni Lucio Tan, isa sa pinakamalaking kroni, ay hindi nagawang makapanindigan para kay Estrada.

Lalong nagiging malalim ang pagiging hati ng AFP at PNP at lumalala ang dismoral sa hanay ng mga pulis at sundalo. Sinisiguro ni Estrada, Gen. Panfilo Lacson, hepe ng PNP at Gen. Angelo Reyes, hepe ng AFP, na buo ang kanilang kumand sa pulisya at militar. Minamadali ang promosyon ng kanilang mga paboritong upisyal at inaalis sa namumunong pwesto ang mga karibal nilang upisyal o yaong hindi nila maaasahan ang buong pagsuporta, katulad ng pag-aalis sa pwesto ng 17 upisyal ng PNP sa Timog Luzon matapos na masangkot sila sa organisasyong Reform-PNP.

Hayagan nang nagpahayag ng disgusto ang anti- Estradang paksyon sa AFP. Nagkalakas-loob na rin ang ilang mga naagrabyadong upisyal ng AFP at PNP na ilabas ang kanilang mga hinaing laban sa paboritismo nina Estrada, Lacson at Reyes. Inilantad rin ang pagkaimbwelto sa pangingidnap at iligal na droga gayundin ang mga paglabag sa karapatang-tao ng dating Presidential Anti-Crime Commission na pinamunuan noon nina Estrada at Lacson.

Sa desperasyon ni Estrada sa harap ng matinding krisis pampulitika, lalo itong nagpapakanlong sa pamilyang Marcos, kay Eduardo "Danding" Cojuangco at Lucio Tan. Nagbuo si Cojuangco at Tan ng P10-bilyong pondong panuhol sa mga pulitiko, laluna ang mga senador na maghuhusga sa kasong impeachment, pambayad sa mga hinahakot sa mga rali, mga tao sa midya at pampinansya sa kampanyang propagandang maka-Estrada. Bilang kabayaran, niratsada ni Estrada ang pagpapatibay ng Executive Order 313 na titiyak na maibubulsa ni Cojuangco ang pondong coco levy at ang kanyang mga sapi sa San Miguel Corporation sa kabila ng pagtutol ng milyun-milyong maliliit na magniniyog. Sa pamamagitan ng pagbabantang aalisin nito ang kanilang suporta, iginigiit din ng mga Marcos kay Estrada ang mas maraming konsesyon laluna kaugnay ng mabilis na pagbawi sa kanilang nakaw na yaman.

Tuluy-tuloy ang pagsadsad ng ekonomya. Sumirit na sa P95.545 bilyon ang depisito sa badyet ng gubyerno noong Oktubre, lagpas kahit sa binagong target na P90 bilyon para sa taong 2000. Upang panatilihing istable ang halaga ng piso laban sa dolyar, bilyun-bilyong dolyar ang ibinebenta ng BSP sa pamilihan na nagresulta sa pagbawas nang $500 milyon sa reserbang dolyar nito sa loob lamang ng isang buwan. Tinataya ng malalaking negosyante na lalo pang dadausdos ang ekonomya sa darating na taon. Upang muling magsagawa ng mga hakbang na artipisyal na magpapasikad ng ekonomya, naghahanda ang gubyerno na manghiram ng $3.5 bilyon sa susunod na taon.

Isinasagawa ngayon ni Estrada at ng kanyang pinakamasugid na alipures ang isang opensiba sa propaganda na may layuning biguin ang malapad na anti-Estradang kilusang protesta pati na ang paglilitis laban sa kanya sa senado.

Sa tulong ng mga kakampi niyang senador, sisikapin ni Estrada na patagalin ang proseso ng impeachment sa hangaring maupos ang mga protesta sa lansangan, ayusin ang eleksyon sa darating na taon at gayo'y patagalin pa ang kanyang paghahari. Todo ang larga ng propaganda na nananawagan na "pabayaan muna ang proseso ng paglilitis, itigil ang protesta" sa hangaring pigilan ang bwelo ng protesta at bigyang-daan ang pagpapawalang-sala sa kanya ng Senado. Kung tutuusin, sapat-sapat ang bilang ng mga senador na maka-Estrada upang makalusot siya sa impeachment. Gayunman, hindi ito madaling maisasagasa sa rumaragasang protestang anti-Estrada.

Tinatarget ng mga estratehista ng Malakanyang na basagin ang pagkakaisa ng malapad na nagkakaisang prenteng anti-Estrada. Ineempleyo ni Estrada ang taktika ng anti-komunistang pananakot upang mag-alangan ang mga reaksyunaryong anti-Estrada na makipagkoordina sa mga militanteng organisasyon ng batayang masa na binabansagang mga "komunista". Sa kabilang panig, binabansagan din niyang "elitista" ang mga protesta sa pag-aakalang mahahadlangan niya ang pakikipagtulungan ng mga militanteng pwersa sa mga reaksyunaryong anti-Estrada. Nagsisilbi rin sa layuning ito ang islogan ng kontrarebolusyonaryong pangkat ni Filemon Lagman para sa pagbibitiw ng lahat ng upisyal ng gubyerno na naghahangad na ilayo kay Estrada ang prinsipal na target ng protesta.

Walang-tigil ngayon ang pamunuan ng PNP at AFP sa pagkakalat ng disimpormasyon tungkol sa diumano'y planong panggugulo ng BHB sa mga demonstrasyon. Gayundin, inianunsyo nila na minamanmanan nila ang mga rali at ang pamamahayag dito ng mamamayan at sinabing nakahanda silang magsampa ng mga kasong "sedisyon" sa sinumang mapatutunayang nananawagan para sa pagpapabagsak ng gubyernong Estrada. Lahat ng ito ay may layuning takutin ang malawak na mamamayan upang di lumahok sa mga mapayapang demonstrasyon. Nililikha nila ang senaryo ng malawak na kaguluhan. Nakahanda rin silang magtanim ng mga mananabotahe at mga ahenteng-probokador upang manggulo sa mga protesta at bigyang-katwiran ang paggamit ng pasistang makinarya upang buwagin ang mga demonstrasyon at hulihin ang mga lider ng mga militanteng organisasyon. Maaaring gumampan ng espesyal na papel dito ang pangkat ni Lagman na sa ngalan ng "insureksyunismo" ay magsasagawa ng panununog ng bus, pangwawasak ng mga ari-arian, asasinasyon at iba pa.

Ang "prayer rally" na inorganisa ng El Shaddai-Iglesia ni Cristo noong Nobyembre 11 na gumamit ng pampublikong pondo at pwersahang pagpapadalo ay naglayong kontrahin ang rali sa EDSA noong Nobyembre 4 at takpan ng belo ng kabanalan ang korupsyon at kabulukan ng gubyernong Estrada. Upang maipakitang may malawak na suporta pa si Estrada, ginagamit niya ang kanyang poder at kontrol sa pondo upang tiyakin ang katapatan ng mga pulitiko, laluna ang mga lokal na burukrata.

Anumang hakbang na isagawa ni Estrada upang patagalin pa ang sarili sa poder ay mabibigo sa harap ng patuloy na lumalakas na agos ng protesta sa lansangan. Bawat saglit na magmatigas si Estrada na manatili sa poder ay nagbibigay ng pagkakataon sa mamamayan na lalo pang palakasin ang kanilang paglaban.

Ang pagpapabagsak kay Estrada ay pangunahing nakasalalay sa papalaki at papaigting na mga aksyong masa. Maging ang posibilidad na ang paglilitis sa senado ng kasong impeachment ay tumungo sa pagtatanggal kay Estrada ay nakasalalay, pangunahin, sa lakas ng mga protestang masa at pagsigaw ng mamamayan para sa pagpapatalsik kay Estrada.

Ang malapad na nagkakaisang prenteng anti-Estrada ay kinakailangang patatagin at lalo pang palawakin laluna sa harap ng mga pagtatangkang buwagin ito.

Kinakailangang pagtuunan ng pansin ng mga pambansa-demokratikong pwersa ang paglulunsad ng papalaking mga aksyong masa. Importanteng bigyang-pansin ang paglulunsad ng mga militanteng pagkilos ng masa katulad ng mga welgang manggagawa, walk-out at mga demonstrasyon sa mga paaralan, upisina, komunidad at iba pa. Kailangang tiyakin na ang mga ito ay sinusuportahan ng iba't ibang mga pwersa sa malapad na nagkakaisang prente o sa minimum ay hindi ito aktibong tinututulan.

Habang pinakikilos ang mamamayan, pangunahin, sa panawagang ibagsak o patalsikin si Estrada, kinakailangang tuluy-tuloy na magsagawa ng pagpopropaganda at paglilinaw hinggil sa pambansa-demokratikong pakikibaka. Kinakailangang mahusay na ikumbina ang mga pamamaraan ng pawalis at solidong propaganda.

Ang tagumpay sa pakikibaka laban sa gubyernong Estrada ay masusukat sa pagbubuo ng malawak na nagkakaisang prenteng anti- Estrada, sa pagkilos ng milyong mamamayan sa lansangan at sa aktwal na pagpapatalsik kay Estrada. Ngunit higit dito, relatibo sa usapin ng kabuuang pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon, masusukat ang tagumpay sa pakikibakang anti-Estrada sa kantidad at kalidad ng natipong lakas ng mamamayan sa pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka: sa pagbubuo ng bago o pagpapalawak ng dati nang nakatayong mga organisasyong masa, sa dami ng bagong mga aktibistang masa at mga kasapi ng Partido, sa paglawak ng impluwensya ng mga rebolusyonaryong pwersa sa mas malawak na seksyon ng mamamayan at sa higit na mas mataas na antas ng militansya at kapasyahan ng mamamayan na ipaglaban ang kanilang pambansa at demokratikong interes.

Katulad ng isinaad sa pahayag ng KTKS noong Oktubre 14, kinakailangang lalong paigtingin ng BHB ang pagsusulong ng armadong pakikibaka sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga regular at espesyal na taktikal na opensiba. Ang mga armadong opensiba ay kailangang ilunsad bilang pagpapahayag ng matinding pagkamuhi ng mamamayan laban sa rehimeng Estrada. Kaalinsabay nito, napakahalagang tuluy-tuloy na isulong ang mga pakikibakang antipyudal sa kanayunan na nagpapakilos sa milyun-milyong masang magsasaka. Ngayon pa ma'y sumusulong na nang malaki ang rebolusyonaryong kilusan. Tiyak ang ibayo pa nitong paglakas sa harap ng ibayong paglala ng krisis pampulitika ng naghaharing sistema.

 


 Back to topNext article

Nobyembre 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Patatagin at ibayong palawakin ang pagkakaisa ng mamamayan upang ibagsak ang rehimeng US-Estrada!
Malawakan at mapangahas na mga aksyong protesta, inilunsad
Estrada at kanyang mga kasapakat:
Target ng mga espesyal na operasyon ng BHB

Ang payola sa hweteng at iba pang anomalya:
Krimen at korupsyon sa mismong ulo ng estadong neokolonyal

Hinggil sa taktikal na alyansa sa mga reaksyunaryong anti-Estrada at ang hungkag na Kaliwang retoriko ni Lagman
Sigaw ng mga manggagawa ng pampublikong sektor:
Itaguyod ang mga karapatan at kagalingan ng mga kawani ng gubyerno!

Halalan sa pagkapangulo ng United States:
Walang magbabago sa imperyalismong US

Hamon tungo sa ganap na reunipikasyon:
Pagpapaigting ng anti-imperyalistang pakikibaka sa Korea

Mga balita sa pakikibaka
Mga karagdagang balita mula sa larangan
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.