Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga karagdagang balita mula sa larangan

 Read this article in English

MULA SA REHIYON NG ILOKOS-KORDILYERA

Sa isyung Oktubre 2000 ng Ang Bayan, ibinalita na isang sundalo ang namatay at apat ang sugatan nang ambusin noong Oktubre 21 ng Bagong Hukbong Bayan ang mga pwersa ng 17th IB ng Philippine Army sa Baay- Licuan, Abra. Ayon sa pinakahuling ulat koresponsal mula sa Agustin Begnalen Command (BHB-Abra), apat na sundalo ang namatay at lima ang nasugatan sa naturang ambus. Ang tinambangang pwersa ng kaaway ay bahagi ng isang convoy na kinabibilangan ng isang tangke, dalawang six-by-six na trak at isang Kennedy-type na dyip na maglulunsad ng operasyon sa Hilagang Abra. Walang kaswalti sa panig ng iskwad ng Agustin Begnalen Command na nagsagawa ng ambus.

Bago nito, inambus na rin ng Alfredo Cesar Command (BHB-Ilocos Sur) noong Hulyo 28 ang mga tropa ng 17th IB na noo'y nag-ooperasyon sa bayan ng Candon. Anim na sundalo ang namatay at dalawa ang sugatan sa naturang pananambang. Isang Pulang mandirigma ang nasawi sa labanan.

Ibinalita rin sa parehong isyu ng AB na isang sundalo ang namatay at isa ang sugatan sa ambus ng BHB laban sa mga tropa ng 19th Special Forces Coy ng Philippine Army noong Oktubre 2 sa Bontoc, Mountain Province. Ayon sa karagdagang mga ulat koresponsal mula sa Leonardo Pacsi Command (BHB-Mountain Province), isang sniping operation ang isinagawa laban sa platun ng Special Forces na noo'y nag-ooperasyon sa Bundok Amongaw, Baryo Mainit. Namatay din sa ospital ang sundalong nasugatan sa isnayping. Isang M14, mga bala nito at dalawang pak ang nasamsam mula sa operasyon.

Sa tindi ng demoralisasyon at labis na takot ng Special Forces, gabi na nang bawiin nila ang kanilang mga kaswalti kahit alas-7:30 ng umaga pa isinagawa ang isnayping at malayo nang nakamaniobra ang mga Pulang mandirigma. Isa't kalahating oras na nagpapaputok ang mga sundalo kahit wala na silang kalaban bago tumungo sa Baryo Mainit upang gawing pananggalang ang mga sibilyan. Anim na araw din ang kanilang pinalipas bago maglunsad ng operasyon para tugisin ang BHB.

MULA SA HILAGANG MINDANAO

Ibinalita sa isyung Oktubre 2000 ng AB na isang reyd ang inilunsad ng BHB noong Oktubre 17 laban sa isang detatsment ng CAFGU sa Barangay Policarpio, San Luis, Agusan del Sur kung saan isang sundalo at tatlong CAFGU ang napatay. Ayon sa pinakahuling ulat koresponsal mula sa Ang Kalihukan (pahayagang masa sa Hilagang Mindanao), ang reyd ay isinagawa bandang alas-8 ng umaga noong Oktubre 16 ng isang platun ng BHB. Bukod sa mga iniulat na kaswalti sa panig ng kaaway, isang CAFGU ang sumurender at dalawa ang tumakbo. Nakumpiska mula sa reyd ang walong garan na may 462 bala at 46 na clip; apat na M14 na may 148 bala at 10 magasin; isang M203 na may siyam na bala; isang M16 na may 210 bala at 17 magasin; isang karbin na may 10 bala at isang magasin; limang 81-mm na mortar; 18 pares ng combat boots; siyam na combat vest; pitong pak; iba pang kagamitang militar at mga dokumento.

Bago nito, isang reyd, isang ambus at isang aksyong pagpaparusa ang isinagawa ng BHB sa Hilagang Mindanao mula Agosto hanggang Setyembre.

SETYEMBRE 17, BANDANG HATINGGABI. Isang iskwad ng BHB at isang tim ng milisyang bayan ang sumalakay sa detatsment ng PNP City Mobile Group (CMG) sa Purok 6, Bit-os, Butuan City. Isang pulis ang nasugatan samantalang nagsitakbuhan ang iba patungong Agusan River. Nakumpiska sa 10-minutong reyd ang dalawang 9 mm na pistola at anim na magasin nito na puno ng bala; isang ammunition belt para sa M14; at dalawang VHF handheld radio. Sinalakay ang detatsment upang parusahan ang CMG sa ginagawa nitong pangungurakot at pangungulekta ng tong mula sa mga maralitang nagtitinda ng panggatong at iba pang kalakal. Ayon sa Ang Kalihukan, ang reyd ay ikinatuwa ng masa, laluna yaong mga nabiktima ng CMG. Malaking dagok din ito sa kaaway dahil malapit lamang ang detatsment sa mismong sentro ng Butuan City.

SETYEMBRE 12. Inambus ng isang iskwad ng BHB ang isang pito-kataong iskwad ng Philippine Army at CAFGU na nagpapatrulya sa baybayin ng ilog sa Purok Balatakan, Sityo Calamboyan, Ginabsan, Buenavista, Agusan del Norte. Napatay ang isang sundalo at isang CAFGU samantalang kumaripas ng takbo ang kanilang kasamahan. Dahil sa ambus, hinugot ng militar ang kanilang cadreman na namamahala sa CAFGU bilang parusa at ibinimbin sa barracks ng 401st Brigade ng Philippine Army.

AGOSTO 10. Pinarusahan ng isang iskwad ng Jabbar 'Salipudan' Hocad Mandahinog Command (isang yunit ng BHB na kinabibilangan ng mga mandirigmang lumad) si Datu Mandedli sa Kanagaan, Cabanglasan, Bukidnon. Si Datu Mandedli, na isang impormer at myembro ng Tribal Council na itinatag ng reaksyunaryong gubyerno, ay isa sa mga utak sa karumal-dumal na pagpaslang sa mag-asawang Pulang mandirigma na sina Felisa Baylosis (Ka Joy) at Venancio Cogollodo (Ka Sanag). Ang dalawa ay pinugutan ng ulo noong Pebrero 8 sa Catalawan, Cabanglasan, Bukidnon at sinunog ang kanilang mga bangkay.

 


Previous articleBack to top 

Nobyembre 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Patatagin at ibayong palawakin ang pagkakaisa ng mamamayan upang ibagsak ang rehimeng US-Estrada!

Malawakan at mapangahas na mga aksyong protesta, inilunsad
Estrada at kanyang mga kasapakat:
Target ng mga espesyal na operasyon ng BHB

Ang payola sa hweteng at iba pang anomalya:
Krimen at korupsyon sa mismong ulo ng estadong neokolonyal

Hinggil sa taktikal na alyansa sa mga reaksyunaryong anti-Estrada at ang hungkag na Kaliwang retoriko ni Lagman
Sigaw ng mga manggagawa ng pampublikong sektor:
Itaguyod ang mga karapatan at kagalingan ng mga kawani ng gubyerno!

Halalan sa pagkapangulo ng United States:
Walang magbabago sa imperyalismong US

Hamon tungo sa ganap na reunipikasyon:
Pagpapaigting ng anti-imperyalistang pakikibaka sa Korea

Mga balita sa pakikibaka
Mga karagdagang balita mula sa larangan
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.