[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Mga alingawngaw ng armadong panghihimasok ng US sa Vietnam
Ang muling pagpasok ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas kaugnay ng pagpapalawak ng "gerang kontra-terorismo" ng US ay nagbabalik sa alaala ng gera sa Vietnam. Nagsimula ito sa pagpadala ng US ng iilang pwersa ng Military Assistance Advisory Group sa Vietnam noong Setyembre 1950. Ang naturang pwersa ng US ay nagsilbing "tagapayo" ng mga sundalo ng France, na siya noong imperyalistang kapangyarihan sa Vietnam.
Noong 1961, nagpadala ang US ng 400 tropang Green Berets (US Special Forces) para suhayan ang naghihingalong papet na rehimeng Diem at sanayin ang mga lokal na reaksyunaryong tropa sa mga taktikang kontra-gerilya laban sa Viet Cong, hukbong pinamumunuan ng Partido Komunista ng Vietnam. Katulad ng 160 Green Berets at 500 pang tropang Amerikanong kalahok ngayon sa Balikatan 02-1, ang unang mga tropang ipinadala ng US sa Vietnam ay tinaguriang mga "Special Advisors" ng papet na hukbo. Inilunsad nila ang "Special War" (mga operasyong komando) na sa kalauna'y humantong sa todo-todong digmang agresyon.
Bago matapos ang taon, mayroon nang 900 "military advisers" doon. Sa pagtatapos ng 1962, umabot na ang bilang sa 11,000. Katulad na katulad ng sinasabi ngayon ng mga upisyal ng gubyerno at sandahatang lakas ng US at Pilipinas, sinabi rin nila noon na ang mga tropang Amerikano ay "hindi sasabak sa kombat". At tulad ng sa Balikatan 02-1, noong 1962 ang mga tropang Amerikano ay binigyan ni Presidente John F. Kennedy ng US ng awtoridad na "barilin ang mga Viet Cong kung kayo'y papuputukan".
Ginagamit noon ang islogan ng "containment" o paghadlang sa pagkalat ng komunismo bilang katwiran ng US sa panghihimasok sa Vietnam. Ngayon naman, ginagamit ang "gerang kontra-terorismo" sa pagyurak sa soberanya at kasarinlan ng mga bansa. Idinahilan ni Lyndon Johnson (presidenteng humalili kay Kennedy) ang pagpapaputok umano ng Viet Cong sa barkong USS Maddox sa Gulpo ng Tonkin upang magpadala ng mas marami pang tropang Amerikano sa Vietnam simula 1967.
Sa mga sumunod na taon, mabilis na dumami ang ipinadalang tropang Amerikano sa Vietnam. Rumurok ang bilang nila sa 550,000 noong 1969. Sa loob ng 15 taon mula 1950, umabot sa 2 milyon ang kabuuang bilang ng pwersang Amerikano na ipinadala roon.
Subalit noong Enero 27, 1969 napilitan ang tigreng papel na imperyalistang US na pumirma sa kasunduan para umatras sa gera at pauwiin na ang lahat ng kanilang tropa sa Vietnam. Bunga ito ng determinasyon at kagitingan sa paglaban ng mga rebolusyonaryong Vietnamese sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista ng Vietnam at ng napipinto nang pagkatalo ng US sa gera. Inabot nang hanggang Marso 29, 1973 bago naiatras ang lahat ng mga pwersang pangkombat ng US doon. Madali nang nagapi ng mga reboglusyonaryong Vietnamese ang papet na sandatahang pwersa. Noong Abril 30, 1975 tuluyan nang bumagsak ang papet na rehimen at ganap nang nagwagi ang rebolusyon sa Vietnam.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|