![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Ilang dekada nang nakatanim ang poot sa dibdib ng mga manggagawa, magsasaka at manggagawang bukid sa Hacienda Luisita at Central Azucarera de Tarlac. Bunga ito ng ilang dekada na nilang dinaranas na kaapihan at pagsasamantala sa kamay ng malaking panginoong maylupa at burges kumprador na angkang Cojuangco. Masidhing makauring galit ang sumasaklot sa kalooban ng mga biktima ng malagim na masaker sa Hacienda Luisita. Abot-langit ang kanilang pagsigaw ng katarungan sa walang awang pamamaril ng mga pasistang tropa sa welga at demonstrasyon ng mga manggagawa at manggagawang bukid sa Central Azucarera de Tarlac at pagmasaker sa aabot sa 14 na magsasaka at manggagawang bukid nitong Nobyembre 16. Ang Hacienda Luisita ay larawan ng di mapasusubaliang kawalang-hustisya. Habang nakatira sa magarang mansyon at nasusunod lahat ng luho ng pamilyang Cojuangco, ang mga magsasaka at manggagawang bukid na naglilinang at nagpapayaman ng lupa ay nagsisiksikan sa maliliit na barungbarong at nagtitiis sa kakarampot na sahod. Sa patuloy na pagpapalit-gamit ng lupa sa loob ng asyenda, ni hindi sila nakasisiguro na ang maliliit na loteng kinatitirikan ng kanilang mga dampa ay mananatili pa sa kanila. Di hamak na mas maalwan ang buhay ng mga kabayo ni Peping Cojuangco na nakatira sa mga kwadrang de-aircon. Sa katunayan, di hamak na mas malaki ang halaga ng pampaligong shampoo ng mga kabayong ito kumpara sa `9.50 take-home pay bawat araw ng mga manggagawang bukid sa asyenda. Ito ang kamuhi-muhing kalagayan na ninais panatilihin ng mga Cojuangco nang balangkasin nila ang pakanang stock distribution option o SDO noong 1987. Ang SDO ay isang iskema upang samantalahin ang mga butas ng Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL) na pinasimulan ng reaksyunaryong rehimen ni Corazon Cojuangco Aquino, isa sa mga nagmamay-ari ng Hacienda Luisita. Sa pamamagitan nito, ang asyenda ay hindi napailalim sa reporma sa lupa. Ang malabnaw at huwad na ngang CARL ay lalo pang pinalabnaw at ginawang katawa-tawa ng pakanang pagpapamudmod ng mga walang halagang sapi sa mga magsasaka at pagpapalabas na kabilang sila sa mga nagmamay-ari sa asyenda. Kung noon ay malinaw na ang pagtatanggol ng estado sa makauring paghahari ng mga panginoong maylupa at burges kumprador, lalo itong tumambad sa masaker sa Luisita nang lantarang gamitin ng estado ang mga armadong pwersa nito para dahasin at durugin ang makatarungang pagkilos ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa asyenda. Bago ito, walang kaabug-abog na ipinatigil ng estado ang welga sa asyenda, sa pamamagitan ng isang kautusan mula sa Department of Labor and Employment. Katumbas ito ng pag-uutos sa mga manggagawa na isuko ang kanilang laban at maging sunud-sunuran sa anumang naisin ng mga Cojuangco. Muling pinatunayan ng masaker sa Luisita na kailanman ay hindi kusang bibitiwan ng mga nagsasamantalang naghaharing uring malaking panginoong maylupa at malaking burges kumprador ang hawak nilang poder at pribilehiyo; na ang estado at mga galamay nito ay pawang mga kasangkapan ng mga naghaharing uri at hindi kaibigan kundi kaaway ng uring manggagawa at magsasaka; at na lantarang dahas ang tugon ng estado at naghaharing uri sa mamamayang ayaw nang magpalinlang. Sa paggamit ng kontra-rebolusyonaryong armadong karahasan, tuwirang inuudyukan ng reaksyunaryong estado ang mamamayan na isulong at paigtingin ang kanilang armadong rebolusyonaryong paglaban. Ang nabuong makauring poot sa dibdib di lamang ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa Hacienda Luisita kundi sa buong kapuluan ay nararapat ituon sa rebolusyonaryong pagbabagsak sa kanilang mga kaaway sa uri at sa buong naghaharing sistema. ![]()
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|