PKP, nakiisa sa paggunita sa Set.11
Nitong Setyembre 10, ipinahayag ni Gregorio "Ka Roger" Rosal, tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang pakikiisa ng Partido sa paggunita sa pagkamatay ng mahigit dalawang libong mamamayang Amerikano at iba pang nasyunalidad na biktima ng teroristang atake noong Setyembre 11, 2001. Ang sumusunod ay sipi mula sa pahayag na ito:
Makalipas ang isang taon, lalong idinidiin ng PKP ang paninindigan nito laban sa terorismo, laluna sa terorismo ng imperyalismong US na sumasalanta ngayon sa buong mundo....
Ginagamit ngayon ng imperyalismong US ang "digmang kontra-terorismo" bilang sangkalan para sa pagpapalawak ng kapangyarihan nito sa buong mundo. Pinipilipit nito ang kamay ng lahat ng bansa, niyuyurakan ang kanilang soberanya at binabalewala ang mga internasyunal na institusyon, kasunduan at mga pamantayan sa sibilisadong relasyon ng malalayang bansa.
Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas ang terorismo, panggegera at pang-uupat ng gera ng imperyalismong US. Kinukundena rin ng PKP ang rehimeng Macapagal-Arroyo na walang ginawa kundi ang bulag na pagsunod sa bawat utos ng amo nitong si US President Bush.
Sadyang iresponsable, walang batayan at malisyoso ang pagbabansag ng imperyalismong US at rehimeng Macapagal-Arroyo na terorista ang PKP at BHB. Pilipit ang pangangatwiran ni Macapagal-Arroyo na mga "generic terrorist" ang PKP at BHB dahil ito'y nagsusulong ng armadong pakikibaka na naglalayong pabagsakin ang reaksyunaryong gubyerno...
Ang ganitong pagbabansag sa PKP at BHB ay ginawa lamang upang mabigyang-katwiran ang tuluy-tuloy na presensya ng mga tropang Amerikano sa bansa... Ginamit at patuloy na gagamitin ng US ang paglulunsad ng mga magkasanib na pagsasanay-militar bilang pantabing sa direktang armadong panghihimasok ng US sa mga panloob na usapin ng Pilipinas.
Naninindigan ang PKP at Bagong Hukbong Bayan na walang lugar at taliwas ang terorismo sa pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka at labag ito sa mga internasyunal na pamantayan sa kondukta ng digmaan. Ang paninindigang ito ay hindi lamang ipinahayag ni Ka Roger, kundi nakaukit sa mga batayang prinsipyo at alituntunin na araw-araw na ipinatutupad ng mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|