Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Alyansa ng NDF at MILF
Pagkakaisa at pagtutulungan laban sa reaksyunaryong kaaway

 Read this article in English

Ang Pambansa Demokratikong Prente ng Pilipinas (NDF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF), ang mga pinakamalaki at pinakamakabuluhang rebolusyonaryong armadong pwersa sa Pilipinas ngayon, ay parehong masigasig na nagpapalawak at nagpapaigting ng kanilang armadong pakikibaka. Kamakailan, inanunsyo din nila ang bago at mas mataas na antas ng pagkakaisa, pagtutulungan at alyansa laban sa neokolonyal at reaksyunaryong gobyernong papet na nakabase sa Maynila.

Sa kanilang mga deklarasyon, binigyang-diin ng mga pinuno ng NDF at MILF na ang gayong alyansa ay lalong magpapatatag at magpapalakas sa rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Moro at Pilipino upang maidulot ang mas malakas na bigwas sa reaksyunaryong kaaway na pangunahing nang-aapi at nagpapahirap sa kanila.

Kasabay ng higit pang pagsulong ng makatarungan at rebolusyonaryong pakikibaka sa Mindanao at sa buong bayan, lalo ring pinauunlad ng alyansa ng NDF at MILF ang pag-uunawaan, pagtitiwalaan at paggagalangan ng mamamayang Moro at mamamayang Pilipino, na matagal nang pinaghahati-hati at pinaglalaban-laban ng imperyalistang US at mga lokal na reaksyunaryo.

Ang pakikipag-alyansa ng NDF sa MILF ay nakabatay sa pagkilala at pagsuporta ng programa ng NDF sa pakikibaka ng mamamayang Moro para sa pagpapasyasa- sarili at kalayaan. Sa kabilang banda, ang MILF ay nagdedeklara ng pagsuporta sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Natural at malapit ang ugnayan ng dalawang kilusan dulot ng mahabang magkatulad na kasaysayan ng mahirap at madugong pakikipaglaban sa mga dayuhang kolonyalista at sa reaksyunaryong papet na estado. Matagal nang nagtatagpo ang mga hangganan ng mga eryang saklaw ng dalawang panig. Sa ilang bahagi, sabayang umiiral ang rebolusyonaryong awtoridad ng dalawa.

Ang alyansa nila ay sumasalamin sa mga positibong karanasan at lumalalim na pag-uunawaan hindi lamang sa pagitan ng mga namumunong elemento kundi pati ng mga karaniwang kasapi at masang sumusuporta sa dalawang rebolusyonaryong kilusan.

Ang malaking pambansang kabuluhan at mahigpit na pangangailangan ng nabuong alyansa ay pinatunayan ng malawakan at malakihang opensibang militar at papatinding pasistang panunupil ng reaksyunaryong estado sa Mindanao.

INAASAHAN NA SA TULUY-TULOY AT REGULAR NA PAKIKIPAG-UGNAYAN..., MAISUSULONG ANG LAYUNING HIGIT PANG MAPATATAG AT MAPAUNLAD ANG REBOLUSYONARYONG ALYANSA SA PAGITAN NG MAMAMAYANG PILIPINO AT MAMAMAYANG MORO.
Mahigit sangkatlo ng mga batalyong pangmaniobra ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kinabibilangan ng 34 na infantry battalion ng Philippine Army, anim na Marine Battalion Landing Team ng Navy at isang batalyon ng Philippine Air Force ang ipinakat laban sa mga larangang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mga kampo ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) sa Mindanao. Mataas ang konsentrasyon sa isla ng pinakamalakas na sandata ng AFP, gaya ng mga sasakyang panghimpapawid at armor, tangke at kanyon.

Pinaiigting ng rehimeng Estrada ang kontra-rebolusyonaryong digma sa utos ng imperyalismong US na ang Mindanao ay gawing pangunahing daungan ng kanilang mga barko de gera at paliparan ng mga eroplanong pandigma.

Pinag-iinteresan din ng mga dayuhang monopolyong kumpanya ang deposito ng langis sa Latian ng Liguasan at mayamang deposito ng mga mineral sa iba�t ibang bahagi ng isla. Pinakamaigting ang militarisasyon at ang mga pasistang pang-aabuso sa mga bahaging hindi lamang pinakamalakas ang BHB at BIAF kundi pati sa mga lugar na saklaw ng mga kontrata sa ispekulasyon at pagmimina ng mga dambuhalang dayuhang kumpanya.

Walang puknat ang mga kampanyang panunupil ng AFP at PNP sa Mindanao. Tuluy-tuloy at walang habas ang pagmamalupit at paglabag sa mga karapatang-tao ng mga mamamayan sa isla, laluna ng masang anakpawis. Malawakang binubuo muli ang mga CAFGU at mga pangkat ng panatikong vigilante. Kaugnay nito, sinusulsulan ng reaksyunaryong estado ang mga alitan sa pagitan ng masang Moro at di-Moro. Kinakanyon at binobomba hindi lamang ang tukoy at pinaghihinalaang mga himpilan ng BHB at BIAF, kundi maging ang mga baryo at komunidad, ang mga tahanan at sakahan ng mga karaniwang magsasaka at katutubo. Malaganap ang panununog ng mga bahay at tanim, ang mga arbitraryong pang-aresto at panghahalughog, ang mga tortyur at pagpaslang ng mga bihag.

Sa kabila ng mga ito, lalong tumatatag at lumalawak ang NDF at MILF, ang BHB at BIAF. Masigasig na nagpapanibagong-lakas at muling sumusulong ang rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas. (tingnan ang kaugnay na artikulo sa pahina 11).

Militanteng nanindigan ang MILF laban sa kampanyang pasipikasyon ng reaksyunaryong estado at matatag na hinarap ang mga pasistang atake ng AFP matapos ipagkanulo ni Nur Misuari at ng kanyang MNLF ang pakikibakang Moro. Sa loob ng mahabang panahon, ipinundar at pinalakas ng MILF ang kanyang mga kampo.

Nananaig ang pampulitikang awtoridad ng MILF sa kanilang 47 kampo na nagsisilbing mga base ng kanilang paglaban para sa isang nagsasariling bansang Moro. Ang bawat isang kampo ay sumasaklaw sa buu-buong mga baryo. Ang pinakamalalaki ay nasa Maguindanao, Lanao del Sur, Lanao del Norte, Davao del Norte, North Cotabato, Saranggani, Zamboanga del Norte at Sultan Kudarat. Pangunahin dito ang Camp Abubakar sa hangganan ng Maguindanao at Lanao del Sur.

Patuloy ang armadong pagpapalakas ng MILF at BIAF upang aktibong madepensahan ang mga kampo laban sa pananalakay ng reaksyunaryong estado. Kaakibat nito, pumasok sila sa usapang pangkapayapaan sa rehimeng Estrada na may militanteng paninindigan upang awatin ang pananalakay ng AFP sa kanilang mga kampo, igiit ang kanilang karapatang magtayo at magpalawak ng mga ito at tuluy-tuloy na isulong ang pakikibaka ng mamamayang Moro para sa pagpapasya-sa-sarili.

Nagpapahayag ang NDF at MILF ng determinasyon na patuloy at higit pang paunlarin at palawakin ang kanilang pagkakaisa at pagtutulungan, batay sa pangangailangan at mga prinsipyong katanggap-tanggap sa magkabilang panig.

Tinitiyak ng NDF sa MILF na kinikilala at iginagalang nito ang identidad, integridad at pamumuhay at kultura ng mamamayang Moro at tutol ito sa anumang porma ng pambansang pang-aapi, diskriminasyon, sobinismo at pamimilit laban sa kanila.

Ginagarantiyahan ng NDF ang karapatan ng mamamayang Moro na magpasya-sa-sarili hanggang sa karapatang humiwalay sa isang estado ng pambansang pang-aapi at magtayo ng sariling estado, o di kaya ay pumili ng kaayusang pederatibo o awtonomiyang lokal sa Demokratikong Republikang Bayan ng Pilipinas.

Kinikilala ng NDF ang kanilang karapatan para sa isang bansang Moro at sa isang sistemang naninindigan para sa mga adhikang panlipunan, pampulitika, pang-ekonomya at panrelihiyon ng mamamayang Moro sa ilalim ng pamunuang kanilang pipiliin.

Alinsunod sa mga prinsipyo sa pakikipagkaisa ng rebolusyonaryong kilusan, tinitiyak ng NDFP sa MILF na anumang mabubuong pag-uunawaan sa pagitan ng dalawang kilusan ay gagawin sa balangkas ng pagkilala at paggalang sa identidad, integridad, mga prinsipyo at programa, at kalayaan at inisyatiba ng bawat isa. Inaasahan na sa tuluy-tuloy at regular na pakikipagugnayan ng mga awtorisadong kinatawan ng dalawang panig at, tuwing kinakailangan, ng mga kinatawan ng pinakamataas at pinakabatayang antas ng organisasyon, maisusulong ang layuning higit pang mapatatag at mapaunlad ang rebolusyonaryong alyansa sa pagitan ng mamamayang Pilipino at mamamayang Moro.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Enero 1999
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Patawan ng rebolusyonaryong kaparusahan si Imelda at mga kasapakat ng diktadurang Marcos

Kontra-rebolusyonaryong digma at pasismo sa kanayunan
Ang mga pasistang krimen ni Hen. Panfilo Lacson sa Cebu
Laban sa Warrentless Arrest ni Lacson
Heneral ng AFP, 2 pang upisyal
Inaresto ng BHB

Sino ang itinuturing na kombatant?
Rebolusyonaryong kilusan sa Mindanao:
Sa landas ng matatag na pagsulong

Alyansa ng NDF at MILF
Pagkakaisa at pagtutulungan laban sa reaksyunaryong kaaway
Sa ngalan ng batas
Pangangamkam ng lupa sa Cagayan Valley

Mabuhay ang proletaryong internasyunalismo!
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.